Chapter Thirteen: Good Friday - The Exorcism

380 8 0
                                    

"Paano na ang anak ko?" Wala sa sariling tanong ni Suzie kay Fr. Aries matapos niyang malaman ang malagim na kamatayan ni Fr. Rico.

"Hindi ko rin po alam. Hindi po kasi lahat ng pari ay pwedeng mag exorcist, kailangan po ng pahintulot ng Arsobispo".

"Nakikiusap ako Fr. Aries, tulungan mo ang anak ko. Ikaw na lang ang pag asa namin". Umiiyak na sabi ni Suzie sa batang pari, lumuhod pa ito sa kanya na agad naman inawat ng binata.

Awang awa na hinaplos ni Aries ang tuktok ng ulo ng ginang.

"Sige po, gagawin ko ang makakaya ko". Kabadong sagot nito.

Naglakad lang si Fr. Aries pabalik ng simbahan. Malalim ang kanyang iniisip. Sa kanyang paglalakad ay may nahagip ang kanyang mga mata.

Kumikinang ang bagay na iyon. Nakakapagtakang sa dami ng dumadaan sa kalsadang iyon ay tanging siya lang ang nakapansin niyon.

Agad niya itong dinampot. Isa iyong locket na may initials na ACM.

"Aries Charles Martin. Hindi kaya, para sakin ito?" Natutuwang sabi niya.

Pumasok si Aries sa loob ng simbahan at dumeretso sa kanyang silid. Desidido na siya at wala nang makakapigil sa kanya.

**********

Pasado alas otso na ng gabi nang bumalik si Fr. Aries kasama ang kaibigan niyang doktor sa bahay nina Nicole.

"Akala ko hindi ka na darating". Naiiyak na sabi ni Suzie nang pagbuksan niya ng pintuan ang batang pari.

"Gagawin ko ang lahat para matulungan kayo at ang anak niyo, Mrs. Marquez". Magalang na sagot nito. "Siya nga pala, ito si Dr. Arvin Peralta". Pagpapakilala niya sa kasamang doktor. "Kababata ko siya. Kailangan natin siya habang ginagawa ang ritwal".

Habang paakyat sila ng hagdanan patungo sa silid ni Nicole ay tila nagtatambol sa kaba ang puso ni Aries. Isang bahagi ng utak niya ang nagsasabing huwag nang tumuloy dahil wala siyang rekomendasyon mula sa arsobispo. Ngunit umaasa sa kanya ang ina ng dalaga at ayaw niyang biguin ito.

Mahinang mahina si Nicole nang datnan nila ito sa kanyang kwarto. Hirap na hirap itong igalaw ang buong katawan. Para itong contortionist dahil sa posisyon ng katawan nito.

Parang tela na piniga ang buong katawan ng dalaga. Ang dibdib nito ay halos umikot na sa kanyang likuran. Dinig na dinig nila ang mahinang paghikbi nito. Lalong naawa si Aries sa dalaga kaya mas lalong tumindi ang kagustuhan niyang tulungan ito.

Lumapit si Dr. Peralta sa dalaga at marahan niyang binalik sa dating ayos ang katawan nito. Bahagyang napapa singhap ang dalaga dahil sa kirot na nararamdaman.

Si Aries naman ay pumwesto sa paanan ng kama at sinimulang i'set up ang video camera.

"Father, bakit ho kailangan ng video recorder?" Tanong ni Madeline kay Fr. Aries.

"Kailangan ito para sa authentication ng ritual". Sagot naman ng pari.

Nang nakahanda na ang lahat ay nagsimula na ang nasabing ritwal.

"Ito ang exorcism ni Nichola Marquez. Ang mga naririto ay ako, Father Aries Charles Martin. Si Suzie, ang kanyang ina. Si Madeline, ang kanyang matalik na kaibigan. Si Dr. Arvin Peralta, ang naatasang mag monitor ng kalagayan ni Nicole habang isinasagawa ang exorcism. At si Nichola Marquez, ang nagbigay ng permiso sa akin na gawin ang ritwal". Sabi ng batang pari sa harap ng camera.

Pagkatapos nun ay bumaling ito kay Nicole at inabot ang rosaryong hawak.

"Magdasal tayo". Hinawakan nito ang kamay ng dalaga.

"Sumasampalataya ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat. Na may gawa ng langit at lupa".... Panimulang dasal ni Aries habang hawak ang kamay ng dalagang walang tigil ang pagtulo ng luha.

Habang nagdarasal ay palakas nang palakas ang ihip ng hangin. Maya maya lang ay umalingawngaw ang malakas na tunog ng kidlat.

Nakaramdam ng matinding pangingilabot si Madeline nang makita niyang bumaligtad ang krus na nakasabit sa pader ng kwarto ni Nicole.

Biglang nangisay ang dalaga. Tumirik ng husto ang mga mata nito at hirap rin itong huminga. Ilang segundo ang lumipas ay nawalan ito ng malay.

"Ayos lang ba siya?" Tanong ni Madeline.

Nilapitan ni Suzie ang anak at masuyong hinaplos ang noo nito.

"Sobrang init niya". Sabi ng ginang.

Lumapit si Aries upang hawakan ang dalaga. Mainit nga ito, nakakapaso ang init.

"Dr. Peralta, paki check ang body temperature niya at vital signs". Utos ng batang pari sa doktor na agad naman sumunod.

Gamit ang stethoscope ay pinakinggan nito ang tibok ng puso ng dalaga. Pagkatapos nun ay sunod niyang tinignan ang body temperature.

"Masyadong mabilis ang heartbeat niya at napakataas ng body temperature".

Di nila napansin na nagkamalay na ang dalaga. Mabilis itong nilapitan ni Suzie upang kamustahin. Ngunit sa halip na sumagot ay tumawa lang ito ng mahina. Isang mahinang tawa na nauwi sa napakalakas na halakhak.

Halakhak na para bang nang iinsulto...

"Hindi na siya si Nicole. Itali niyo siya".

Mabilis na tumalima sina Dr. Peralta at Madeline upang itali si Nicole. Wala pa ring tigil sa kakatawa ang diyablong nasa loob nito.

"Ama namin, sumasalangit ka. Sambahin ang ngalan mo...." Pagpapatuloy ni Fr. Aries sa naumpisahang dasal.

"Aaaaahhhh". Sigaw ng dalaga. Nakakakilabot ang boses nito ngunit hindi nagpatalo si Aries.

"Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw araw. At patawarin mo ang aming mga sala, para nang pagpapatawad namin sa nagkasala sa amin....."

Muling humalakhak ang diyablong nasa loob ng katawan ng dalaga. Inaasar ang paring walang tigil sa pagdarasal.

"At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso...."

"At iadya mo kami sa lahat ng masama". Sabat ng diyablo. Pagkatapos nun ay muli itong humalakhak na tila nang iinsulto.

"Iyan lang ba ang kaya mo? Hindi mo ko kayang talunin".

Pagkasabi nun ay bigla itong kumawala sa pagkakatali.

Mula kay Fr. Aries ay lumipat ang tingin nito kay Suzie.

"At ikaw? Sa palagay mo ba maliligtas mo pa ang anak mo?"

"Oo, dahil may tiwala ako sa Kanya". Buong tatag na sabi ni Suzie.

"Inuutusan kita, sabihin mo sakin ang pangalan mo".

"Manalig ka sa akin, at ipagkakaloob ko sa'yo ang lahat ng iyong hiling".

"Ano ang pangalan mo!" Ulit ni Aries. Ngunit hindi pa rin ito tumugon sa tanong niya. Sa halip, tumayo ito mula sa pagkakaupo sa kama at lumapit kay Suzie.

"Magtiwala ka lang. At ipagkakaloob ko sa'yo ang hinihiling ng iyong puso". Nakangiting sabi ng diyablo.

"Huwag kang magtitiwala sa kanya Suzie. Likas na mapanlinlang ang diyablo".

"Hindi kita nililinlang. Totoo ang lahat ng sinasabi ko". Ngiting ngiti na sabi ng diyablo na nasa loob ni Nicole.

Hindi na nakapagpigil pa si Aries. Kinuha niya ang holy water at winisik iyon sa dalaga. Nagsisigaw ang diyablong nasa loob nito.

"Magsalita ka, anong pangalan mo!" Singhal ni Aries.

"Ako ang pinakamakapangyarihan sa lahat".

THE POSSESSIONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon