Kapitulo VII - Ina

570 23 6
                                    

Inaasahan na ni Mr. Sibbaluca na magiging bestseller ang I Know Who Killed Me sa iba't ibang bookstore sa bansa kaya nang mangyari iyon ay agad siyang nagdesisyon na magpaimprenta ng mga bagong pangkat ng mga aklat na ito.
Sa loob lamang ng ilang araw ay marami na ang tumangkilik sa aklat ni Lucas kaya hindi na niya mailarawan kung gaano siya kaligaya dahil sa tinatamasa niyang kasikatan. Mas lalo pang dumami ang kanyang mga taga-suporta mula nang aminin niyang siya si Mysterious Eyes. Nagkaroon din siya ng opisyal na account sa iba't ibang social networking site. Muli rin siyang bumalik sa Wattpad bilang si Mysterious Eyes upang mapasalamatan ang mga taga-suporta niya noon pa man.

"ANAK..."
Kasalukuyan siyang nakaupo sa kanilang veranda nang marinig niya ang isang tinig na matagal na niyang kinalimutan.
Patakbo siyang nilapitan ng kanyang ina at mahigpit siyang niyakap mula sa kanyang likuran. "Lucas, patawarin mo 'ko," anito habang umiiyak.
Wala man lang nabakas na anumang reaksyon sa kanyang mukha sapagkat matagal ng manhid ang puso niya para sa kanyang ina.
"Matagal na kitang gustong mayakap anak...pero dinadaig ako ng hiya," giit nito, na lumuhod pa sa kanyang harapan. "Alam kong mula pagkabata mo ay kinamumuhian mo na 'ko, kaya ayoko na sanang magpakita sa 'yo." Hinawakan pa nito ang kanyang pisngi ngunit nanatili siyang nakayuko. "Pero hindi ko pala kayang tiising 'di ka makita anak," giit pa nito.
Ayaw na niyang mapakinggan pa ang mga walang kabuluhang paliwanag nito kaya tumayo na siya. Binibitbit niya ang kanyang laptop at dahan-dahang naglakad paalis sa kanilang veranda.
Tinangka pa nitong hawakan ang kanyang kamay para pigilan siya sa pag-alis pero marahas niyang tinabig ang kamay nito. "Anak, sana mapatawad mo na 'ko. Alam kong hindi madaling patawarin ang isang inang gaya ko pero sana maramdaman mo pa ring mahal na mahal kita." Ngunit narinig pa rin niya ang halos pabulong ng boses nito dahil sa pag-iyak. 
Napansin niyang napailing ang kanyang Lola Matilda nang makasalubong niya ito. Alam niyang naiintindihan siya nito kaya hindi na siya pipilitin pa nitong makipag-usap sa kanyang ina.
Habang naglalakad ay hindi na niya napigilan pa ang pag-aalab ng kanyang galit. Kaya patakbo siyang nagtungo sa kanyang kuwarto at padabog na isinara ang pinto nito. Ihinagis niya ang kanyang laptop sa kama at tinabig din niya ang kanyang gitarang nakasabit sa likod ng pinto.
"Ang kapal ng mukha mo'ng magpakita pa sa 'kin. Wala kang k’wentang ina!" sigaw niya habang malakas na hinahampas ang kanyang gitara sa sahig.
Noon, pinaniwala siya ng kanyang Lola Matilda na namatay ang kanyang mga magulang sa isang malagim na aksidente. Kaya tanging ito na lang ang nag-iisa niyang kapamilya at itinuring niyang ina. Ngunit nang tumuntong siya ng anim na taong gulang ay ipagtapat din nito ang katotohanan tungkol sa kanyang tunay na pagkatao. Nagawa raw nitong magsinungaling sa kanya dahil sa sama ng loob sa ginawang paglalayas ng kanyang ina.
Labinlimang taong gulang pa lamang daw ang kanyang ina nang halayin ito ng isang lalaki. Halos isumpa nito ang taong iyon pati na rin siya na naging bunga ng kahayupang sinapit nito. Kaya ilang beses rin siyang tinangkang ipaglaglag ng kanyang ina, ngunit lagi itong napipigilan ng kanyang Lola Matilda.
Hanggang sa mapilitan ang kanyang ina na ipagpatuloy ang pagbubuntis sa kanya. Ngunit nang mailuwal na siya nito ay agad itong lumayas sa kanilang bahay. Mula noon ay hindi na ito nagbalik pa upang takasan ang madilim nitong nakaraan.
Makalipas ang labing-anim na taon ay nagkalakas na ng loob ang kanyang ina na bumalik sa kanyang buhay. Ilang beses itong nagpunta sa kanilang bahay upang makita at makausap siya ngunit lagi niyang iniiwasan. Buong buhay siyang napopoot dito kaya hinding-hindi na niya ito mapapatawad pa.
Nang mawasak ang kanyang gitara ay binalingan naman niya ang malaking salamin sa kanyang aparador.
"Kahit anong gawin mo ay 'di na kita mapapatawad. 'Di ko na kailangan ng isang ina dahil ikaw ang unang lumimot sa pagiging mag-ina nating dalawa."
Isang malakas na suntok ang pinakawalan niya sa salamin kaya nabasag ito at nasugatan siya. Ngunit hinayaan lang niya ang pagdurugo ng kanyang sugat dahil mas matinding hapdi at sakit pa rin ang dulot ng kanyang ina.
Napalingon siya sa pinto nang makarinig siya ng tatlong mahihinang katok mula rito.
"Apo, papasukin mo 'ko," pakiusap ng kanyang Lola Matilda. Alam niyang alalang-alala na ito dahil sa pagkukulong niya sa kuwarto. Kaya nang hindi siya sumagot ay muli itong kumatok ng ilang beses. "Umalis na ang Mama---"
"Wala akong ina kaya ayoko ng makita pa siya Lola!" galit niyang sigaw.
"Pero pinagsisihan niya na ang ginawa niya. Kung p’wede nga lang daw na maibalik niya ang mga taong naipagkait niya sa 'yo ay gagawin niya para mapatawad mo lang siya," mahinahon pang paliwanag ng kanyang lola sa kabila ng pagsigaw niya rito.
"Wala na akong pakialam sa kanya," sagot niya. Kinuha pa niyang muli ang kanyang wasak na gitara at ihinagis ito sa pinto. 
"Apo anong ginagawa mo sa sarili mo?!" gulat na sigaw ng kanyang lola habang pilit nitong binubuksan ang pinto. "Tama na apo. Huminahon ka na," giit nito.
"Umalis na po kayo." 
"Pero...ipangako mong 'di mo sasaktan ang sarili mo," pakiusap pa nito.
"Umalis na kayo sabi eh!" sigaw niyang muli dahil sa pagkainis dito.
"Sige aalis na ako."
Napausal na lang ng panalangin ang kanyang lola bago tuluyang umalis sa labas ng kanyang kuwarto. Kilalang-kilala siya nito kaya wala na itong magagawa kundi sundin ang sinabi niya.
Bata pa siya nang maramdaman niyang kulang siya sa atensyon sa kabila ng pagmamahal ng kanyang lola. Minsan ay nararamdaman din niyang parang may kulang sa kanyang buhay kaya iyon ang ginagawa niyang dahilan upang makuha ang lahat ng naisin niya.
Kapag hindi niya nakukuha ang nais niya ay sinasaktan niya ang kanyang sarili. Paghiwa sa kahit anong bahagi ng kanyang katawan. Pag-untog ng kanyang ulo sa pader o sa kahit anong matigas na bagay. Hindi magpakain ng ilang oras. Pagkukulong sa kanyang kuwarto. Ilan lang ang mga iyon sa ginagawa niya noon.
Palagi rin siyang napapaaway dahil sa pag-aasam niya sa mga bagay na kanyang nagugustuhan. Ilang beses na rin siyang nasuspende dahil sa pag-angkin sa mga bagay na hindi sa kanya. Gaya na lamang noong siya ay nasa Grade Six pa lamang, kung saan ninakaw niya ang school project ng isang estudyante. Naisip niyang angkinin iyon dahil gusto niyang makakuha ng mas mataas na marka sa kanilang klase. Nang malaman ng kanyang mga guro at mga kaklase ang katotohanan ay napahiya siya pero hindi nito nabago ang ugali niyang iyon. Mas lalo lamang siyang nag-asam ng mga bagay na hindi para sa kanya.
Ngunit unti-unti siyang nagbago mula nang mahilig siya sa pagsusulat. Ito ang naging sandigan niya upang mailabas ang lahat ng hinaing niya sa buhay. Unti-unti niyang nakamit ang pagbabagong iyon dahil na rin sa paghanga niya sa isang tao, ang matalik niyang kaibigan. Ang taong itinuring na rin niyang isang kapatid. Sa katunayan pa nga ay wala na siyang balak na mag-aral ng kolehiyo upang magkaroon ng sapat na oras sa pagsusulat.
Nang huminahon na siya ay binalot lang niya ng panyo ang kanyang kamay. Hinarap niyang muli ang kanyang laptop upang basahin ang mga kuwentong nakatago roon.
Isang kwento ang napili niyang ituloy, ang Equinox – Mysterious Eyes.

Hindi alintana ni Luke ang malakas na lagaslas ng malamig na tubig na tumatama sa kanyang katawan. Halos mag-iisang oras na siyang nakatapat sa shower upang pawiin ang kanyang nararamdaman. Matama niyang pinagmasdan ang kanyang sariling repleksyon sa kaharap niyang malaking salamin.
'Ayoko na. Kung ang pagdukot sa mga matang ito ang tanging solusyong upang 'di na ako makapatay ng tao ay handa na akong gawin.' 
"Pre, okay ka lang ba d'yan?"
Napawi ang kanyang atensyon sa kanyang repleksyon nang marinig niya ang pagtawag ng kanyang kaibigang si Oxy. 
"Tapos ka na bang maligo? Bigla kasing sumakit ang tiyan ko eh." Agad na siyang tumayo nang marinig ang mga sumunod na sinabi nito. Nagtapis siya ng tuwalya at lumabas ng banyo.
"May gamot sa ibabaw ng kabinet ko, p’re. Inumin mo para mawala na 'yang pag-aalburoto ng tiyan mo," aniya nang makapasok na sa loob si Oxy.
"Salamat p’re. Sana mawala na 'to para makapasok pa 'ko sa trabaho mamaya."
"Magpahinga ka na lang dito sa bahay. Ako ng bahalang magpaliwanag kay Mam," mungkahi pa niya sa kanyang kaibigan.
"Okay. Salamat uli p’re."

Hindi na niya naituloy ang pagtitipa ng mga susunod na eksena nang maisip niya si Anonymous13. 
"Magkaiba tayong dalawa, Luke. Hindi ko gagawin 'yan sa sarili ko. Kung sakaling magkakaroon ako ng ganyang kapangyarihan ay sisiguraduhin kong mapatay ang mga taong sasagabal sa pangarap ko. S’yempre, uunahin ko na si Anonymous13," giit niya habang dinidiinan ang 'enter' sa keyboard. "Gagawin ko ang lahat para maging isang sikat na manunulat. 'Yung pagkarinig o pagkita palang nila ng pangalang Lucas De Dios ay makikilala na nila ako.”
Isinara na niya ang kanyang laptop nang marinig niya ang pagtunog ng kanyang cellphone. 
Hello, Mysterious Eyes ^_^, Sna mkilala kta ng lbusan, lalo n ngaung ipnkita mo n ang srili mo s madla. Hahahaha!
Napangiti siya nang mabasa niya ang mensaheng ipinadala ni Tina.
"S’yempre naman makikilala mo na 'ko." 
Kya nga aq ngpkita pra maklala ka eh... sagot niya mensahe nito.
Hindi agad nasagot ni Tina ang sinabi niya kaya matama siyang naghintay. Lumipas ang halos kinse minuto bago ito muling magpadala ng mensahe sa kanya.
Xenxa na Lucas, nalowbat kc ako eh. Tlga bng ngpkta k dhil skin? Haha?!
Muli siyang napangiti dahil sa mensahe nito kaya sabik na sabik siyang sumagot.
Ksi gus2 qng mklala k ng lbusan Tina. Aamnin q, 1st tym plng ktng mkta ay nainlove n q sau :)
Hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa sa kanyang nararamdaman. Balak na niyang ligawan si Tina, gaya ng ipinayo sa kanya ni Christian John, Soju, Levy at Mervin.
WOW! Gulantang ako s revelation mo ah. Feeling ko ang hba-hba ng hair ko haha! Prang eksna sa kwento oh. Syempre tayo ang bida!
Si Tina ang unang babaeng nagpatibok sa kanyang puso. Noon, kakaibang saya ang nararamdaman niya kapag nakikita niya ito ngunit kaligayahan na nararamdaman niya ngayong nagkakausap na sila kahit sa text lamang. 
Alam mo, aamin n rn ako...Avid reader mo since wattpad days. Kya nun mgkta tyo sa contest, tlagng ngulat ako kc ang gwapo mo pla sa personal. Natawa pa siya nang maisip niyang may itinatago rin palang kakulitan ang pinakamamahal niya.
Di nga? Thanks! :)
Wg kng mgglit ha, kla ko kc dti panget k, kc mata mo lng ang ipnpkta mo. hehe!
Habang tumatagal ang pagpapalitan nila ng mga mensahe ay pakiramdam niya gumagaan na ang loob ni Tina sa kanya.
Trip ko lng tlgang itago ang mukha q pra mysterioso...pagbibiro rin niya na alam niyang ikakatawa na naman nito.
Sbi ko n nga ba! Haha! Oy, cge na antok n q. Gud nayt n switdreams. :)
Gud night & sweet dreams, my Tina.
Naging magaan ang kanyang pagtulog dahil sa kanilang pagpapalitan ng mga mensahe ni Tina. Isang daan upang mas lumalim pa ang kanilang pakakaibigan.

Itutuloy...

Plagiarist I (Published under LIB Dark)Where stories live. Discover now