Kapitulo XII - Laro

447 17 0
                                    

Mag-aalas tres na ng madaling araw nang magising si Lucas dahil sa ilang beses na pag-alarma ng kanyang laptop. Mahina na ang baterya nito dahil sa magdamag itong nakabukas dahil nakatulugan niya ang pagbabasa sa kanyang mga kuwento.
Hindi na niya naituloy ang tangka niyang pagpatay dito nang makita niya ang isang bagong mensahe sa kanyang Facebook account. Nagduda siya sa nilalaman nito kaya agad niya itong binuksan.
Nagsalubong ang kanyang mga kilay nang makita niya ang apat na larawang naroroon. Ang mga ito ay konektado sa isang salita, gaya ng sikat na laro ngayon ang 4pics-1word. 
Ang unang larawan ay ang bidyung unang ipinadala sa kanya ni Anonymous13. Ang pabalat ng kanyang libro, kung saan nakalagay ang petsang 12.12.12 ang ikalawa. Ang ikatlo naman ay ang laman ng maliit na kahong ipinadala sa kanya nito kahapon.
"Gago ka talaga..." aniya habang tinititigan ang mga larawang iyon. "Wala ka ng magagawa pa, kahit si Anonymous13," gigil niyang sabi habang dinuduro ang taong nasa huling larawan. Ang mga mata lamang nito ang ipinapakita ngunit madali niya itong nakilala. "'Di n'yo mapipigilan ang mga gusto ko." 
Napasuntok siya sa kanyang kama nang tuluyan ng mamatay ang kanyang laptop.
Agad niyang hinanap ang kanyang cellphone nang marinig niya ang pagtunog nito. Hindi nakarehistro ang numerong gamit ng tumatawag sa kanya kaya agad niyang naisip na si Anonymous13 iyon.
"Gago ka! Alam kong ikaw 'yan!" galit na galit niyang sigaw dito.
Malakas na halakhak lang na parang boses-robot ang iginanti sa kanya nito.
"Hindi ako nakatatakot sa 'yo. Gawin mo ang gusto mo, pero siguradong walang maniniwala sa 'yo," giit niya, na ikinatigil ng paghalakhak nito.
"Isuko mo na ang pangarap mo, dahil kung ayaw mo..." Dahil sa mga sinabi nito napagsino na niyang ito nga si Anonymous13.
"Ano?!"
"Ako mismo ang magpapadala ng mga pictures na 'yon sa publisher mo," pagpapatuloy nito.
"Sige, gawin mo! 'Di ako natatakot sa 'yo."
Muling humalakhak si Anonymous13 kaya sa sobrang galit ay naibato niya ang kanyang cellphone sa pader.
"Sisiguraduhin kong hindi ka nila paniniwalaan," giit pa niyang muli.
Hindi na siya nakatulog pa dahil sa labis na pag-iisip sa pagbabanta ni Anonymous13. Muli niyang ginugol ang kanyang oras sa pagkalap ng mga impormasyong makakatulong sa kanya. Kahit pa sinabi niyang hindi siya natatakot ay nananaig pa rin iyon sa kanyang sistema.
"Kapag nakita kita...pagsisisihan mo ang lahat ng ginawa mo." 
Hindi niya alam kung ano pa ang kaya niyang gawin sa taong nasa likod ni Anonymous13 sa oras na matagpuan niya ito. Ngunit iisa lang ang nasisiguro niya, pagbabayaran nito ang pagsira sa kanyang buhay.

NANATILING nakatalikod si Tina kahit na kanina pa dumating si Lucas sa kanilang tagpuan. Tahimik itong umiinom ng Coffee Latte habang siya naman ay hindi pa rin alam kung paano sisimulan ang pagpapaliwanag. Naisip na niyang makipagkita sa kanyang kasintahan upang matapos na ang pananakit niya rito.
"Sorry, Tina." Wala na siyang maisip na panimula kundi ang paghingi ng tawad. Alam niyang nasaktan niya ito dahil sa hindi niya pagbibigay ng sapat na panahon. 
Ihininto ni Tina ang pag-inom at humarap sa kanya. Agad niyang napansin ang pangingilid ng mga luha nito. Tinangka niyang punasan iyon gamit ang kanyang panyo ngunit inilingan lang siya nito.
"Sorry? Kaya bang tumbasan nun ang ilang araw mong 'di pagsagot sa mga text at tawag ko, Lucas?" sumbat nito sa kanya.
Hindi na siya nakasagot pa kaya tinitigan na lang niya ang mga mata nito. 
"Akala ko iba ka sa kanila..." Tuluyan nang tumulo ang luha ni Tina dahil sa bigat ng nararamdaman nito. "Gaya ka rin nila na puro pangako na lang," panunumbat pa nito.
Muli nilang naagaw ang atensyon ng mga tao sa loob ng Starbucks dahil sa eksenang iyon. Ngunit wala na siyang pakialam pa sa sasabihin ng mga ito dahil sa pananakit niya kay Tina.
"Ayoko na." Ang mga salitang ito ang naging dahilan upang magtuloy-tuloy ang pag-iyak ni Tina. Na kahit pa ilang beses nitong punasan ay hindi pa rin maapula. 
"Sige, break na tayo," sagot nito na halos garalgal na ang boses.
Narinig din niya ang pagbubulungan ng mga tao sa kanilang paligid kaya agad na siyang tumayo upang umalis na. Hindi niya gustong gawin ito ngunit kailangan. Ayaw niyang magalit sa kanya si Tina kapag nalaman nito ang alas na hawak ni Anonymous13.
Kaya mainam na magalit na siya sa 'kin ngayon, sa isip-isip pa niya.
"Lucas..." Tinawag pa siya nito ngunit hindi na siya lumingon pa. Ipinagpatuloy niya ang paglalakad palabas ng Starbucks ng hindi pinapansin ang mga tingin ng mga tao sa kanilang paligid.
"Ayokong masaktan ka, dahil hindi ako nararapat sa 'yo," bulong pa niya sa kanyang sarili. Malayo na siya nang maisip niyang lingunin kanyang pinakamamahal. "Mahal na maha---"
Hindi na niya naituloy ang kanyang sasabihin nang makita niyang may isang lalaking barista ang nag-abot kay Tina ng isang puting sobre. Bigla siyang kinabahan sa laman nito kaya mabilis siyang tumakbo pabalik sa loob bago pa iyon mabuksan ni Tina.
Ngunit nahuli na siya, kaya nasaksikan niya ang pagsasalubong ng mga kilay ni Tina nang makita nito ang larawang laman ng nasabing sobre. 
"'Wag kang maniwala, Tina..." Bigla siyang napalunok nang maaninag niya ang larawang iyon na kapareho ng larawang ipinadala sa kanya ni Anonymous13. "Humanda ka Anonymous13, gaganti ako," giit niya saka siya muling tumakbo palayo.

Plagiarist I (Published under LIB Dark)Where stories live. Discover now