Epilogo

802 23 16
                                    

@Mysterious_eyes: Ang ganda ng mga kwento mo bro! Lalo na yung I Know Who Killed Me. First two kapitulo palang na-hook na 'ko. Sigurado ako mapa-publish ito!

Ang mensahe kong ito kay Mysterious Eyes ang naging simula ng aking paghanga sa kanya. Sinubaybayan ko lahat ng mga kuwentong isinulat niya sa Wattpad. Kaya alam kong natutuwa siya dahil sa masugid kong pagsuporta. 
Pero sa kabila ng lahat ay nanatili siyang misteryoso sa aming mga tagasuporta niya. Sinasagot naman niya ang mga mensahe namin sa kanya sa Wattpad man o sa Facebook. Pero hindi siya 'yung tipong magsisimula ng usapan, kaya talagang napakamisteryoso niyang tao.
Mas lalo akong humanga sa kanyang pagiging misteryoso, kaya inasam kong makilala siya ng lubusan. Pinilit ko siyang magkuwento tungkol sa kanyang sarili pero lagi akong nabibigo. Hanggang isang araw, isang pribadong mensahe ang naging simula ng aming pagkakaibigan. 
@darkprince_Lucas: Tama bang isuko ko na ang pagsusulat?
Nagulat ako sa naitanong niya kaya agad kong sinagot ang kanyang mensahe.
@Mysterious_eyes: Kung talagang mahal mo ang pagsusulat, hindi ka dapat basta-basta sumuko. Dahil kahit ano pa man ang problemang kinakaharap mo, mas dapat kang magpakatatag para matupad mo ang iyong mga pangarap. Gaya mo, pangarap ko ring magkaroon ng published works kaya hindi ko basta-basta tatalikuran ang pagsusulat.
Mula noon ay naging malapit na kami sa isa't isa. Naging bukas na rin siya sa pagkukukwento ng kanyang pribadong buhay. Ganoon din naman ako sa kanya dahil hindi lang kaibigan ang tingin ko sa kanya. Sapagkat itinuturing ko na rin siyang isang kapatid.
Dalawang taong gulang pa lamang daw siya ng maghiwalay ang kanyang mga magulang. Isinama siya ng kanyang ama sa pag-alis. Naiwan naman sa pangangalaga ng kanyang ina ang limang buwang sanggol niyang kapatid na lalaki.
Labintatlong taong gulang pa lang siya nang mapatay ang kanyang ama dahil sa isinulat nitong editoryal sa isang pahayagan. Nalaman din nilang ang pagbibigay nito ng mga komento ang ikinagalit ng isang pulitiko, kaya ipinapatay ito. Muli siyang naibalik sa kanyang ina ngunit iyon naman ang naging simula ng paglukob ng takot sa kanilang buong pamilya.
Mahal na mahal niya ang pagsusulat, kaya nga sa loob ng isang taon ay nakapagsulat na siya ng ilang magagandang kuwento. Itinago niya ang mga ito dahil sa takot na malaman ng kanyang ina. Nang minsang mahuli siya nito ay pinagsabihan siyang itigil na ang pagsusulat dahil ayaw nitong magaya siya sa kanyang ama na napatay dahil dito.
Ngunit hindi niya kayang isuko ang pagsusulat kaya pilit niyang itinago ang kanyang sarili bilang si Mysterious Eyes sa Wattpad. Wala siyang ibang pinagsabihan ng kanyang tunay na pagkatao. Hanggang sa makilala niya ako... 
Ipinaalam niya rin sa 'kin ang lihim sa likod ng kwentong I Know Who Killed Me. Ayon sa kanya, ang ilang bahagi ng kuwentong ito ay base sa buhay ng kanyang Tita Katherine. Pinatay ito ng isang serial killer dalawang taon matapos mamatay ng kanyang ama. Sadya lang niyang binago ang tunay na pangalan nito at ginawang Katrina Ibanez. Ang iba pang tauhan at mga pangyayari roon ay pawang kathang-isip na lamang.
Habang unti-unti ko siyang nakikilala ay hindi ko mapigilang makaramdam ng inggit. Sino ba namang hindi maiinggit sa talentong taglay niya sa pagsusulat? Kapag nagbabasa ka ng mga kwento niya ay talagang hindi mo ito lulubayan dahil sa kapanapanabik ang mga pangyayari.
Hanggang sa dumating ang panahong nanaig na ang matinding inggit—

Hindi na itinuloy pa ni Gregorio Orland De Villa o Greg ang panonood sa suicidal video ni Lucas De Dios dahil matagal na niyang napatunayang ito ang plagiarist. 
December 12, 2012 nang alas tres ng madaling araw nang matagpuan ang bangkay ng kanyang nakakatandang kapatid na si Genesis Orville De Villa o Geno sa likod ng isang malaking bato sa tabing-dagat ng Morris Paradise, sa Playa Laiya, San Juan Batangas. 
Ayon sa mga pulis, pinainom ang kanyang Kuya Geno ng hydrochloric acid o mas kilala sa tawag na muriaic acid na ihinalo sa iniinom nitong mineral water. Tinangay din ng suspek ang laptop ng kanyang kapatid, kaya agad nilang naisip na pagnanakaw ang motibo nito. Pero hindi siya basta-basta naniwala sa mga sinabi ng mga pulis. Mas lalong tumindi ang kanyang hinalang pinagplanuhan itong patayin nang malaman niyang walang makuhang kahit isang fingerprints ng suspek ang mga imbestigador. Pawang mga fingerprints lamang ng kanyang kapatid ang natagpuan sa ilang bagay na naroon sa crime scene. Kaya nabuo ang paniniwala niyang hindi basta-basta papatayin ang kanyang Kuya Geno kung pagnanakaw lang talaga ang totoong motibo.
Hindi na nila ipinagdiwang ng kanyang ina ang kapaskuhan dahil napuno ng matinding pighati ang kanilang mga buhay. Gaya ng kanyang ina ay halos gustuhin na rin niyang sumunod sa kanyang kapatid dahil hindi nila matanggap ang pagkamatay nito.
Agad ding niyang napatunayan ang kanyang mga hinala nang matagpuan niya ang kopya ng kuwentong may pamagat na 'Plagiarist' sa ilalim ng kabinet nilang magkapatid. Na may maikli pang mensahe para sa kanyang nalalapit na kaarawan.

Happy Birthday Bunso! Hindi ko pa tapos 'to ha pero promise ko sa'yo tatapusin ko 'to dahil ikaw yata ang bida rito. Haha! 
Syempre, hindi lang ‘to ang regalo ko…

Paulit-ulit niyang binasa ang kuwentong iyon para malaman niya kung ano ba ang kaugnayan nito sa pagkamatay ng kanyang kapatid.
Hanggang sa mabalitaan niya ang pagkapanalo ni Lucas De Dios sa paligsahang isinagawa ng Ink-Visible Quill Publishing House noong January 13, 2013, na ikalabing-apat niyang kaarawan. Hindi niya alam kung bakit pero agad siyang nagduda kay Lucas nang mabasa niya ang kuwentong I Know Who Killed Me.
Napatunayan niyang may basehan nga ang pagdududang iyon nang aminin ni Lucas na siya si Mysterious Eyes. Sapagkat, ang pangalan rin iyon ang nakasulat sa huling pahina ng kwentong ‘Plagiarist'. Kaya naniniwala siyang iyon ang pen name na ginagamit ng kanyang kapatid upang itago ang tunay na pagkatao nito.
Itinuring niyang suspek si Lucas dahil sa pagkakahawig ng ilang mga pangyayari sa buhay nito sa mga nangyari kay Luke Montecristo sa 'Plagiarist'. 
Alam niyang masama ang paghihiganti pero gusto niyang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang kapatid. Kaya ginawa niya ang lahat upang mapaamin si Lucas sa ginawa nitong krimen sa pamamagitan ng pagtatago sa pangalang Anonymous13.
Ilang beses silang nagkatagpo ni Lucas ngunit wala man itong kaalam-alam na siya ang unti-unting sumusira sa pangarap nito. Bilang ganti sa pagsira rin ni Lucas sa pangarap ng kanyang Kuya Geno. Lalong-lalo na sa pagkuha ni Lucas sa buhay nito.
Matapos ang mahigit isang buwan ay nagtagumpay siya sa kanyang mga plano. Kaya nang mapanood niya sa telebisyon ang tungkol sa pagmamakamatay ni Lucas ay napasigaw siya sa sobrang tuwa. Mas lalo pa siyang humanga sa kanyang Kuya Geno dahil parang alam na nitong mangyayaring ang mga bagay na iyon sa kanya. Kaya napakalaki ng naitulong ng kwentong 'Plagiarist' upang malutas niya ang lihim na nakatago sa kamatayan nito.
"Dapat lang sa 'yo ang mamatay, Lucas De Dios!" gigil niyang sigaw habang nakatitig sa larawan ni Lucas. 
Agad niyang isinara ang kanyang laptop nang mapansin niyang nakatingin sa kanya ang kanyang ina. 
"Ano'ng sinabi mo, Greg?!" Nagulat siya nang bigla siyang lapitan nito at sampalin ng malakas. Hindi na siya nakapagtanong pa dahil tumakbo na ito palabas ng kanilang bahay.
Hindi niya maintindihan ang nangyayari sa kanyang ina, kaya naisipan niyang sundan ito. Hanggang sa dinala siya ng kanyang mga paa sa loob ng St. Luke Medical Center. 
"Nasa'n na ang anak ko?!" Natulala siya nang marinig niya ang malakas na sigaw nito sa lobby.
Sino ba ang anak na sinasabi niya? Dalawa lang naman kaming magkapatid ni Kuya Geno ‘di ba? Sunud-sunod na mga katanungan ang namayani sa kanyang isipan. Kaya balot pa rin siya ng pagtataka nang sundan niya ang kanyang ina sa Intensive Care Unit.
"Ma, anong ginagawa mo rito?" Tinawag niya ito ngunit hindi siya pinansin nito. Bagkus ay patakbong itong pumasok sa loob ng isang kwarto roon.
Kusang tumulo ang kanyang mga luha nang makilala niya ang taong nakahiga sa kamang naroroon. Ang taong kinamumuhian niya…
"Lucas, gumising ka anak! Nandito na si Mama..." Bigla siyang nilingon ng kanyang ina. Tinitigan siya nito habang umiiyak. "Patawarin mo 'ko dahil 'di ko nasabi sa kapatid mo ang katotohanan..." 
"Pinatay niya si Kuya Geno, kaya dapat lang siyang mamatay!" Nanlaki ang mga mata ng kanyang ina dahil sa isiniwalat niyang katotohanan. "Hindi ako naniwala sa mga pulis na basta na lang pinatay si Kuya kaya ginawa ko ang lahat para mabigyan siya ng hustisya. Hindi ko sinabi sa inyo o kahit na kay Ate Crysca dahil ayokong pigilan n'yo ang paghihiganti ko." Marahas niyang pinunasan ang kanyang mga luha. "Gustong takasan ng Lucas na 'yan ang mga kasalanan niya kaya siya nagpakamatay. Kaya dapat lang sa kanya ang mamatay nang tuluyan!"
Hindi na nakapagsalita pa ang kanyang ina. Umiiyak pa rin ito habang mahigpit pa ring hawak ang kamay ni Lucas. 
"Hinding-hindi ko siya mapapatawad, ‘Ma!" sigaw niyang muli. 
Hindi niya matanggap na ganoon kadali napatawad ng kanyang ina ang taong kinamumuhian niya. Alam niyang mas nanaig sa puso nito ang pagiging isang ina sa Lucas na iyon. Kaya tumakbo siya paalis, hindi dahil sa pagsisisi kundi sa pagkadismaya sa kanyang ina. 
"Buhay ni Kuya Geno ang kinuha niya kaya dapat buhay niya rin ang kapalit no’n," giit pa niya habang tumatakbo.
Sa kabila ng lahat, siya ang pinakamasayang tao ngayon dahil napatunayan niyang isang plagiarist si Lucas De Dios. 

©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro

Plagiarist I (Published under LIB Dark)Where stories live. Discover now