Kasalukuyang abala si Luke sa pag-aayos ng kanyang mga schedule nang puntahan siya ng kanyang Lola Casilda sa kuwarto niya.
"Apo, gusto kang makausap ng mama mo..." mahinang sabi nito nang pagbuksan niya ng pinto.
"Sabihin n'yo na lang po na wala ako," walang gana niyang sagot.
"Pero Luke, gusto---"
"Hindi ko na po kailangang marinig ang papuri niya o ano pang sasabihin niya," giit pa niya dahil sa sama ng loob sa kanyang ina.
Kusa na lang na ibinaba ng kanyang Lola Casilda ang telepono. Alam nito kung gaano katindi ang galit niya sa kanyang ina, kaya pilit na lang siyang iniintindi nito.
"Sige apo, aalis na 'ko..." pamamaaalam nito na hindi na niya pinansin pa.
Muli niyang ikinandado ang kanyang kuwarto nang makaalis na ang kanyang lola. Hindi na rin niya naipagpatuloy ang kanyang ginagawa dahil sa paninikip ng kanyang dibdib. Muli na namang nag-alab ang galit na matagal na niyang kinikimkim sa kanyang puso.
"Noon, gustong-gusto kong marinig ang boses mo pero ngayon ay wala na 'kong pakialam sa mga sasabihin mo," giit niya.
Bata pa lamang siya ay malayong-malayo na sa kanya ang loob ng kanyang ina. Sa katunayan ay hindi nga siya nakuhang alagaan nito simula nang maipanganak siya. Kaya habang lumalaki ay ang Lola Casilda niya ang itinuturing niyang ina.
Hinayaan lang niyang ganoon ang sitwasyon nilang mag-ina pero habang lumalaki ay mas lalo siyang nangulila sa atensyon at pagmamahal nito. Hanggang sa ipagtapat na ng Lola Casilda niya ang totoong dahilan kung bakit ganoon na lamang ang paglayo ng kanyang ina.
Labimpitong taong gulang lamang ang kanyang ina nang pagsamantalahan ito ng isang pari. Naatim nitong gawin ang kasalanang iyon sa kabila ng kanyang tungkulin sa Diyos at sa pagturing ng kanyang Lolo Menandro at Lola Casilda rito bilang isang tunay na kapamilya.
Kaya nang maipanganak siya ay itinuring siyang isang demonyo ng kanyang sariling ina. Sampung taong gulang siya nang tuluyan siyang iwanan nito. Mula noon ay hindi na silang nagkita o nagkausap pa ng kanyang ina.
"Akala mo ba ngayong binibigyan mo na 'ko ng oras, magbabalik-loob din ako sa 'yo? 'Wag ka ng umasa pa."
Isang buwan na ang nakakaraan nang bigla siyang tawagan ng kanyang ina. Pero hindi niya kinausap ito sa kabila ng pamimilit ng kanyang Lola Casilda. Nang dalawin siya nito sa kanilang bahay ay hindi rin siya nakipagkita rito. Pero nalaman niya mula sa kanyang lola na gusto lang pala siyang batiin ng kanyang ina dahil sa pagkakalathala ng librong I Know Who Killed Me.
"Ikaw ang inspirasyon ko sa pagsusulat kaya ginawa ko ang lahat para maipagmalaki mo rin ako. Pero wala ka ng silbi sa 'kin ngayon. Wala na 'kang kuwentang ina," panunumbat niya habang nanggigigil na nilalamukos ang mga papel na kanyang hawak.
Buong buhay niya ay napangibabawaan siya ng pagkapoot sa kanyang ina kaya hinding-hindi niya ito mapapatawad kahit ano pang gawin nito."P'WEDE bang pa-autograph?" Isang matangkad na dalagita ang sumalubong kay Luke nang makarating siya sa kanilang school gymnasium.
"Sige," matipid niyang sagot kasunod ang bahagyang pagngiti. Kinuha niya ang libro nito at sinulatan ng maikling mensahe ang unang pahina niyon.
"Thank you, Luke," masayang sagot ng dalagitang hindi naiwasang kiligin dahil sa lihim nitong pagtingin sa binatilyo.
Hanggang sa makaalis si Luke ay matama siyang pinagmamasdan nito.
"Rainne, ang laki na ng pinagbago niya 'no?" bulong sa kanya ng kaibigan niyang si Erika.
"Oo nga eh. 'Di na siya anti-social ngayon," sagot niya habang mahigpit na yakap ang kanyang libro, "Kahit paano nakikita ko na siyang ngumingiti, kaya nga mas lalo ko siyang nagugustuhan eh," paliwanag pa niya.
Tinapik-tapik siya nito, "Teh, tama na 'yang pagde-daydream mo oh, baka masarhan na tayo ng gym," natatawang pang sabi sa kanya ni Erika.
"Panira ka naman ng moment," inis niyang sagot habang lakad-takbo silang dalawa palapit sa gym.ISANG Book Fair ang isinagawa ng Ink-Visible Quill Publishing House upang ipakilala ang kanilang mga nailathalang libro sa publiko. Siyempre kasama rito ang kanilang pinakasikat na libro sa kasalukuyan---ang I Know Who Killed Me ni Luke Montecristo. Ito ay ginanap sa Don Alfonso delos Angeles Memorial College kung saan siya nag-aaral.
"Maraming-maraming salamat po sa tumangkilik ng aking libro. Sana po ay patuloy n'yo akong suportahan sa mga susunod ko pang ilalathala. Sa katunayan po ay inaayos ko na ang isang bagong k'wentong ihahandog ko sa inyo..."
Malakas na palakpakan ang umalingawngaw sa buong gymnasium nang matapos ang maikling pasasalamat ni Luke.
"Mysterious eyes, ikaw ang idol namin!" sigaw pa ng kanyang mga tagahanga, "Pa-picture kami mamaya ha."
"S'yempre, kami rin, Luke!" sigaw ng iba pa.
Mas lalo pang lumakas ang hiyawan nila nang kawayan niya ang mga ito.
"The one behind those mysterious eyes..."ani pa ng mga kaklase niyang babae, na sina Rainne , Erika, Gladys, Angelika, Ikiara, Joyce at Ash.
Pansamantalang nanahimik ang kanyang mga tagasuporta nang lapitan na siya ng may-ari at siya ring Directress ng Don Alfonso delos Angeles Memorial College upang ipagkaloob ang isang Plaque of Recognition.
"Maraming salamat sa pagbibigay mo ng karangalan sa ating eskwelahan, Luke. Congratulations."
"Thank you po, Mrs. Archangel," magalang niyang pasasalamat habang nakikipagkamay kay Gng. Rain delos Angeles - Archangel.
"We're proud of you," magiliw pa nitong sagot sa kanya.
Bakas na bakas sa mukha ni Luke ang labis na kaligayahan nang magpakuha siya ng larawan kasama ang kanilang mga school officials. Sino ba namang hindi magiging abot-langit ang kaligayahan kung unti-unti mo ng natutupad ang iyong mga pangarap.
Sa kabila nito, isang tao ang lihim na napopoot ay Luke Montecristo.
"Hindi ako naniniwalang ikaw talaga si Mysterious Eyes," giit nito habang nakatitig ng napakasama kay Luke.
Hindi naman inaasahang magtama ang kanilang mga paningin kaya matama nitong tinitigan si Luke.
"Para sa 'kin, ikaw ay plagiarizer...Magnanakaw," anito bago tuluyang umalis doon.
Binalewala na lang ni Luke ang ginawa ng taong iyon. Ano mang intensyon nito ay wala na siyang pakialam pa.
HINDI mawari ng dalagitang si Crystal Cassandra o Crysca kung bakit ganoon na lamang ang kasiyahang nararamdaman ng kanyang matalik na kaibigang si Rain Angelie nang makarating sila sa SM Megamall.
"Ano ba kasing gagawin natin dito, Bessie Rain?" iritable niyang tanong sa kaibigang parang ngayon lang nakapunta sa mall dahil sa bilis nang paglalakad.
Hindi na yata siya narinig pa nito dahil sa patakbo itong pumasok sa National Bookstore.
"'Nu ba 'yan nice talking ah, Bessie Rain," natatawa niyang sabi at patakbo niyang sinundan si Rain sa loob ng nasabing bookstore.
Sinuyod niya ang buong unang palapag nito pero hindi niya namataan ang kanyang matalik na kaibigan. Kaya agad siyang umakyat sa ikalawang palapag nang maisip niyang isa nga pala itong malaking uod este bookworm pala.
Pahakbang na siya sa huling baitang ng hagdan nang marinig niya ang malakas na sigaw ni Rain.
"Waahhh! Akin 'to eh!"
Kitang-kita niya ang kanyang kaibigang parang baliw na nakikipag-agawan ng libro sa isang matangkad na babaeng estudyante. Kaya patakbo niyang nilapitan ang mga iyon upang awatin.
"Bessie Rain, ano bang pinag-aawayan n'yo?" pag-uusisa niya.
"Bessie Crysca, 'eto kasing babaeng 'to eh," Halos mangiyak-ngiyak na sagot sa kanya ni Rain. "Inaagaw niya ang libro ko," dagdag pa nito.
"Hey Miss Ewan, nagkakamali ka 'ata," giit ng babae sabay irap kay Rain, "FYI lang ha. Ako ang unang nakahawak dito, kaya akin 'to 'no. Akin lang," katwiran pa nito. Mas lalo pang itinaas ng babae ang librong hawak nito upang hindi maabot ni Rain.
"Akin na 'yan please..." Halos magmakaawa na si Rain sa harap ng babaeng iyon. Kaya mas lalo na silang pinagtitinginan ng mga tao sa loob ng bookstore.
"Miss, please ibigay mo na 'yan sa kaibigan ko," Alam niyang mali ang hinihiling niya pero para sa ikakasiya ni Rain kaya niya ito ginagawa. "Siguro naman may iba pang librong ganito sa ibang bookstore 'di ba," pangungumbinsi pa niya rito.
Naibaba ng babaeng iyon ang libro hindi dahil sa mga sinabi ni Crysca kundi sa mga titig ng kasama nitong lalaking estudyante, na sigurado siyang kasintahan nito.
"Yra, sige na ibigay mo na... Ihahanap na lang kita sa ibang bookstore," bulong ng lalaki rito.
"Pero Kyle, ako---" Tinitigan ng babae ang mga mata ng kanyang kasintahan pero hindi pa rin nagbago ang desisyon nito. "---Sige na nga. Ibibigay ko na lang sa kanya," giit nito.
Nakahinga ng maluwag si Crysca nang marinig ang sinabi ng babae. Hinarap nito si Rain at bahagya pang nginitian. "Sorry ha, sige sa 'yo na lang 'to," anito sabay abot ng libro.
"Salamat ha, ang bait mo pala, Miss..." Sabik na sabik namang kinuha ni Rain ang librong pinapangarap nitong mabili.
Natawa pa nga siya nang halik-halikan ito ng kanyang kaibigan nang makaalis na ang magnobyong nakaagawan nito kanina. Naputol lang ang pagkabaliw nito nang bigla niyang kunin ang librong iyon.
"So ito pala ang dahilan ng ilang araw mong pagkabaliw?" Natatawa niyang sumbat kay Rain, "I Know Who Killed Me by Luke Montecristo..." Pero saglit siyang natahimik nang mabasa niya ang may-akda ng librong iyon. Hindi niya alam kung kailan pero parang narinig na niya ang pangalang Luke Montecristo noon. Hindi rin lang niya alam kung kanino o saan niya narinig ang pangalang iyon.
"Oh, ano'ng nangyayari sa 'yo, Bessie???" Nagtatakang tanong sa kanya ni Rain.
"Ah wala lang. Tara na nga bayarin na natin 'to baka mabawi pa ng iba," pagkakaila na lang niya sa kaibigan.
Hindi na pinansin pa ni Rain ang pagbibiro niya dahil agad nitong tinungo ang counter upang mabayaran na ang librong I Know Who Killed Me.
Nang makalabas sila ng National Bookstore ay agad na binuklat ni Rain ang libro sa sobrang kasabikan. Hanggang sa pagsakay nila sa jeep ay nagpatuloy pa rin ito sa pagbabasa. Mahilig talagang magbasa si Rain kaya binalewala na lang niya ang kabaliwan nito sa librong iyon.
Agad niyang kinuha ang kanyang cellphone nang makatanggap siya ng isang text message. Matapos niyang basahin ang maikling mensahe mula sa kanyang kapatid ay matama pa niyang pinagmasdan ang larawang nagsisilbing wallpaper ng kanyang cellphone.
"I miss you... I love you," bulong niya.
Naantala ang pagbabasa ni Rain nang marinig niya ang mahinang paghikbi ni Crysca. Itiniklop niya ang libro at itinago sa kanyang bag.
Niyakap niya ang kanyang kaibigan at ihinilig ang ulo nito sa kanyang balikat. "Sige, iiyak mo lang," pang-aalo niya habang marahang hinahaplos ang likod ni Crysca.
"Salamat, Bessie," sagot nito habang humihikbi, "Miss na miss ko na siya..."
"Naiintindihan kita, Bessie. Alam kong napakahirap tanggapin ng nangyari pero sana maisip mo rin na hindi niya magugustuhang makita kang nagkakaganito. Kaya nakahanda akong damayan ka hanggang sa matutunan mo'ng tanggapin ang pagkawala niya."
Mas lalo lamang siyang napaiyak dahil sa sinabi ni Rain. Kailan nga ba niya matatanggap ang pagkakawalay nila ng kanyang kasintahan? Makakaya pa kaya niyang ipagpatuloy ang kanyang buhay kung wala na ang taong nagpapatibok sa kanyang puso?Itutuloy...
YOU ARE READING
Plagiarist I (Published under LIB Dark)
Misterio / SuspensoBook I - Plagiarist Duology Naranasan mo na bang ma-plagiarize ang kuwentong pinagpaguran mo'ng isulat? Paano kung ikaw ang paratangan niyang plagiarist, ano'ng gagawin mo? Paano mo mapapatunayang ikaw ang orihinal na may gawa nito, na hindi ka i...