Kapitulo X - 12.12.12

499 21 3
                                    

Inimbitahan ni Lucas ang kanyang mga kaibigan sa kanilang bahay upang makilala ang mga ito ng kanyang Lola Matilda. Ilan sa mga nakarating ay sina Crisca, Cezzy, Christian John, Alyza, Soju, Ivy Loraine, Mervin, Levy, at si Derrick. Gusto sana niyang ipakilala ng personal si Tina sa kanyang lola ngunit may importante itong pinuntahan.
"Congratulations, Kuya Lucas!"
Pare-pareho silang napatingin kay Derick nang bigla na lang itong magsalita habang kumakain sila ng meryenda sa veranda.
"Anyare sa 'yo, Dei?" natatawang tanong ni Crisca rito. 
"Sinagot ka na ba ng nililigawan mo?" pang-aasar pa ni Cezzy.
Hindi na nakasagot pa si Derrick sapagkat kinuha agad niya ang kanyang laptop. Binuksan niya ito at naglog-in sa kanyang Facebook account.
"'Eto ang sinasabi ko oh..." anito.
Sabay-sabay nilang pinanood ang isang video teaser na ipinost ng isa sa mga admin ng Facebook page ng Ink-Visible Quill Publishing House.

PAGHIHIGANTI --- ang nangingibabaw sa isang dalaga na naulila sa bisperas ng kanyang ika-18 kaarawan.
PAGSISISI --- ang nananaig sa isang binatang piniling lumayo para sa katahimikan ng kanyang pamilya.
 Paano kung magtagpo ang kanilang mga landas...
...mababago ba ng pag-ibig ang kanilang mga nararamdaman?
Abangan ang isang kakaibang kwento ng pag-ibig...
Mula sa panulat ni Lucas De Dios.
08.13.13

Nanonood pa lamang sila ay pawang pagbati na ang natanggap niya sa kanyang mga kaibigan. Hindi niya akalaing lalabas na ang teaser ng kanyang ikalawang aklat, ang Love Over Vengeance.
"Buti ka pa magkakapag-publish na ng second book." Napatingin siya kay Crisca dahil sa sinabi nito. 
Masama mang isipin pero alam niyang napapansin na ng kanyang mga kaibigan na nagiging paborito na siya ni Mr. Sibbaluca. Lalo pa nang malaman nilang ‘Papa’ na ang tawag niya rito. May iilan sa kanyang mga kaibigan ang tinawag na ring ‘Papa’ ang kanilang publisher ngunit bukod tanging siya lamang ang hindi nahihiyang sabihin ang salitang iyon.
"Ang galing-galing mo talaga,” papuri pa sa kanya ni Mervin.
"S’yempre kami rin naman magkakaroon ng second published book." Napangiti pa si Christian John habang nakatingin kay Crisca.
Bahagyan din siyang ngumiti upang itago ang kanyang nararamdaman. "Ang gaganda rin kaya ng mga kwento n'yo kaya mangyayari agad 'yon," paliwanag pa niya.
"Sabagay tama ka," sang-ayon sa kanya ni Crisca, "Sa katunayan, pinagpapasa na rin ako ni Sir Hanz ng manuscript next week," pagkukuwento pa nito sa kanila.
"Mars, p’wede bang malaman kung ano'ng k’wentong 'yon?" Kinindatan pa ni Cezzy si Crisca upang pagbigyan siya nito.
"Of course secret 'yon, Mars!" pabirong sagot nito sabay inom ng juice. "Antayin na lang natin ang paglabas ng teaser." 
Napanguso na lang si Cezzy dahil sa pagkadismaya. "Sayang! Sige aabangan ko na lang 'yon, Mars."
Napangiti na lang rin siya dahil alam na niya ang kwentong tinutukoy ni Crisca – ang LOKI – The War of Eight Vampire Heirs. Isa siya sa mga pinagsabihan ni Mr. Sibbaluca ng mga bagong kuwento mula sa kanilang grupo na ilalahatla sa susunod na buwan.
Matapos nilang kumain ay napuno na ng katahimikan ang buong veranda. May ilang nakikipag-chat sa kanilang mga tagasuporta. Ang ilan ay abala sa paglalaro gaya ng 2048, Temple Run, 4Pic-1Word at Candy Crush Saga. Ang iba pa ay abala naman sa pagtitipa ng mga bagong kabanata sa kanilang kuwento sa Wattpad.
Nasa ganoon silang sitwasyon nang maisip niyang kunin ang kanyang bagong gitara. Naisip niyang magkaroon sila ng ibang gagawin upang lubusang makapagsaya.
Pabalik na siya sa veranda nang mapansin niya ang pagkukumpulan ng kanyang mga kaibigan sa harap ng kanyang laptop. Halata sa kanilang mga mukha ang labis na pagtataka sa kanilang nakikita.
"December 12, 2012." Napakubli na siya sa likod ng pinto nang marinig niya ang sinabing ito ni Christian John. 
"Ano naman kaya ang kinalaman ng araw na 'yan kay Lucas?" tanong ni Soju sa kanilang mga kaibigan.
"Walang nakakaalam pero sigurado akong si Anonymous13 na naman ang may pakana nito," paliwanag sa kanila ni Alyza.
"'Di talaga niya titigilan si Lucas," giit pa ni Cezzy.
"Pero ano nga kaya ang totoo niyang motibo para gawin ang mga 'to?" Saglit silang natahimik dahil sa naitanong ni Crisca.
Napatingin silang lahat sa kanya dahil sa biglaan niyang pagpasok. "Inggit. Sigurado akong kilala niya ako at matagal na siyang naiinggit sa 'kin," giit niya.
"Sa totoo lang Kuya, nakakainggit ka talaga eh," pabirong sabi ni Derrick. 
"Ang galing mong magsulat kaya napakarami mo'ng tagasuporta," dagdag pa ni Ivy Lorainne.
"S’yempre kasama na kaming lahat do’n," natatawang sabad pa ni Mervin. 
Ngumiti siya para sang-ayunan ang kanilang mga sinabi. "S’yempre kayo rin kaya nga nanalo tayo sa writing contest 'di ba?" paliwanag pa niya.
Kinuha na ni Crisca ang dala niyang gitara at nagsimulang mag-strum. "Oh sinong gustong magpaturong tumugtog ala-Hio?" 
"Ako Ate! Forlorn Madness Forever." Sabay-sabay namang nagtaas ng kamay sina Alyza, Ivy at Derrick.
Nang mawala ang atensyon nila sa kanyang laptop ay hinarap na niya ito. Nagulat din siya nang makita niya ang isang larawang inilagay ni Anonymous13 sa kanyang Facebook page. Gaya ito ng pabalat ng kanyang libro, nakasulat din sa ibabaw ng kanyang mga mata ang pamagat nito ngunit sa ilalim nito nakasulat ang mga numerong 12.12.12.
"Nagsisimula na siya..." Kahit pilit niyang itago ay nababakas pa rin sa kanyang mukha ang labis na pagkabalisa. "Ano kayang binabalak niyang gawin?" gigil pa niyang bulong sa kanyang sarili.
Ilang beses nga siyang napalunok nang maalala niya ang araw na iyon kaya nanginginig niyang binura ang larawang iyon.
"Lucas, sampulan mo naman kami?" Napawi na ang kanyang atensyon dito nang tawagin siya Christian John. 
"Okay ka lang ba?" tanong pa sa kanya ni Crisca, na sinagot na lang niya ng marahang pagtango.
“Tugtugan mo kami ng mga alam mo,” ani Levy.
Hiniram niya ang kanyang gitara kay Crisca upang tugtugin ang isang musikang nagpapagaan sa kanyang nararamdaman.

Plagiarist I (Published under LIB Dark)Where stories live. Discover now