Isang press conference ang isinagawa ng Ink-Visible Quill Publishing House upang ipaliwanag ang panig ni Lucas sa kontrobersyang kanyang kinasasangkutan. Itinanggi niya ang mga paratang ni Anonymous13 na isa siyang plagiarizer. Ilang mamahayag ang nakisimpatya sa kanya, ngunit may iilan ding hindi naniniwala sa kanya. Personal na rin siyang humingi ng tulong sa mga ito upang mahanap si Anonymous13 sa lalong madaling panahon.
Sa palagay mo, ano ang malaking motibo ni Anonymous13 para gawin niya 'yon sa 'yo?
Hanggang ngayon nga ay naiisip pa rin niya ang katanungan ng isang mamahayag. Iisa lang ang naisip niyang isagot dito. Marahil may malaking inggit sa kanya si Anonymous13 kaya nito sinisira ang kanyang pangarap.
Sa kabila ng malawakang paghahanap kay Anonymous13, ipinagpatuloy pa rin niya ang pagpapanggap upang patuloy siyang ipaglaban ng kanyang mga tagasuporta.
Kagagaling lang niya sa isang computer shop nang maisip niyang pumunta sa Precious Pages Bookstore upang bumili ng kanyang libro. Sapagkat gusto niyang malaman kung marami pa rin ba ang bumibili nito sa kabila ng malaking kontrobersyang kinasasangkutan niya.
Mula sa kabilang istante ay matama niyang pinagmamasdan ang mga taong napapatigil sa harap ng istante kung saan nakalagay ang I Know Who Killed Me.
"Bessie Rain, pagkabili natin nitong librong kinababaliwan mo ay uuwi na tayo ha?" Narinig niyang sabi ng isang matangkad na dalagitang estudyante sa kaibigan nitong babae.
"Okay, Bessie Crysca." Sabik na sabik namang kinuha ng dalagitang si Rain ang isang piraso ng libro sa istante. "Sisipain ko talaga si Nathan mamaya dahil sa pagwala niya sa una kong kopya," ani pa nito habang mahigpit na yakap ang libro.
"Eh 'di ba sabi ng mga classmates natin ninakaw lang daw ni Lucas De Dios ang k’wentong 'yan?" Napabuntung-hininga siya nang bigla itong sabihin ni Crysca.
"'Di ako naniniwala sa Anonymous 13 na 'yun 'no! Kaya sino mang magsabi nun sa idol kong si Mysterious Eyes aawayin ko talaga," inis na sagot ni Rain.
Napangiti na lang si Crysca dahil sa naging reaksyon ng kanyang kaibigan. "Eh 'di pati pala ako aawayin mo, Bessie?" Nagkunwari pa siyang nakasimangot para biruin ito.
"S’yempre 'di ka kasama ro’n, Bessie. Mahal ko lang talaga siya kaya gagawin ko ang lahat para ipagtanggol siya." Napangiti siya nang sabihin ito ni Rain.
"Sabi mo eh."
"Kaya nga no’ng nakita ko siya ng personal eh talagang todong yakap ako eh," natatawa na ring pagkukuwento ni Rain sa kaibigan niya. "Siya yata ang dreamboy ko. Guwapo. Matangkad. Matangos ang ilong. May kissable lips. Simpleng lang siyang manamit kaya ang linis niyang tignan. S’yempre ang bango-bango niya rin, Bessie. Pero higit sa lahat ng 'yon, kapag tinitigan mo ang itim niyang mga mata ay siguradong matutulala ka. Iyon ang dahilan kung bakit siya nagiging misteryoso," paliwanag pa nito.
"Tara na nga baka may makarinig pa sa pinag-uusapan natin,” aya na rito ni Crysca habang lumilinga sa kanilang paligid.
Nang makaalis ang dalawang dalagitang iyon ay saka siya lumapit at kumuha ng isang kopya ng kanyang libro.
"'Di mo 'ko basta-basta masisira, Anonymous13. Hinding-hindi mo sila mapapaniwalang isa akong plagiarizer," giit niya sabay ngisi.
Palapit na siya sa counter upang magbayad nang biglang magtagpo ang kanilang mga mata ni Crysca. Saglit siyang tinitigan nito na para bang masusi siyang kinikilala. Naalis lamang ang tingin nito sa kanya nang tawagin na ito ng matalik nitong kaibigan. Hindi na mahalaga sa kanya kung sakali mang nakilala talaga siya nito sa kabila ng kanyang pagbabalat-kayo, basta huwag lang nitong ipaalam sa ibang tao.
Palabas na siya sa bookstore na iyon nang makita niya ang isang taong pamilyar ang mukha sa kanya. Isang beses pa lamang silang nakatagpo nito kaya hindi siya sigurado kung iyon nga ba ang taong iyon. Binalewala na lamang niya ito nang mapansin niyang nakasunod ito sa dalawang dalagitang nakita niya.AGAD na nagtungo si Lucas sa Ink-Visible Quill Publishing House nang ipatawag siya ni Mr. Sibbaluca. Nang makarating siya sa opisina nito ay pinaghintay muna siya ni Miss Angela roon.
"Ano kayang binabalak ni Papa?" Agad niyang napansin ang mga folder na nakapatong sa lamesa nito. Sa bawat isa nito nakasulat ang mga pamagat ng kanyang mga isinulat na kwento. Love Over Vengeance, Eternity, Maling Pag-ibig?, Huwad na Bulaklak, The Way You Look at Me, Listen to my Heart, Trese, Hay-dden Cam, Rainbow Girl, So Call Me Maybe, Ligaw na Bulaklak, May Rain's Tears, May Rain’s Happiness, Kaleidoscope, at ang Nasa Huli ang Pagsisisi.
Napalingon siya sa may pinto nang marinig niya ang pagbukas nito.
"Pasensya na kung pinaghintay kita, Hijo," bungad sa kanya ni Mr. Sibbaluca.
"Okay lang po."
Ilang folders pa ang inilapag nito sa mesa bago ito naupo upang harapin siya.
"Lucas, nababahala na kami sa mga kumakalat na kasiraan sa 'yo at sa akda mo..." seryoso nitong panimula.
"Wala pa rin po bang lead kung sino si Anonymous13?"
"Wala pa pero 'di natin pwedeng isawalang-bahala ang mga ginagawa niya," giit nito.
"Tama po kayo," sang-ayon niya.
"Kaya naisip kong maglabas pa tayo ng bagong akda mo." Habang sinasabi ito ni Mr. Sibbaluca sa kanya ay ihinahanay na nito ang mga folders sa mesa. "Kaya kailangan mo'ng mamili sa mga akda mo’ng naririto," utos nito sa kanya.
"Kayo na lang po ang bahala, Papa. Kung ano po ang maganda para sa inyo, do’n po ako," sagot niya.
Nginitian siya nito at ihinarap sa kanya ang ikatlong folder. "Ang Love Over Vengeance ang napili ko. S’yempre, isusunod na rin natin ang Eternity matapos ang isang linggo para mas masiyahan ang mga fans mo," paliwanag nito sa kanya.
Napangiti na rin siya dahil sa naging desisyon nito. "Sige po, para maging tunay na libro na ang dalawang 'yan."
"'Yung magiging cover ng mga 'yan ay ibabase rin sa kagustuhan mo. Kaya pagkatapos nating mag-usap ay pasasamahan kita kay Miss Angela para makausap mo si Sir James, 'yung illustrator natin."
"Okay po ‘Pa."
"Basta magtiwala ka lang sa 'min. Lilinisin natin ang pangalan mo. Papatunayan nating hindi ka isang plagiarizer," sinsiro pang sabi ni Mr. Sibbaluca na buong puso niyang pinaniniwalaan.
"Maraming-maraming salamat po sa inyo, Papa," nakangiti niyang sagot.
“Maraming salamat din sa pagtitiwala sa ‘min, Lucas.”
Agad ding ipinatawag ni Mr. Sibbaluca si Miss Angela upang isama na siya sa kanilang illustrator.ANG naging disenyo ng pabalat ng Love Over Vengeance ay larawan ng isang magandang anghel na babae. Nakahubad siya kaya tanging ang malalapad niyang mga pakpak lamang ang tumatakip sa kanyang maalindog na katawan. Siya si Yssabelle, ang pinarusahang anghel dela guardia dahil sa pag-ibig sa kanyang kaparehang mortal na si Ryniel.
Ang magiging pabalat naman ng Eternity ay ang magkayakap na si Yssabelle at Ryniel, na kapwa hubad pa rin.
Ipinangako pa sa kanya ni Mr. Sibbaluca na mailalabas ang Love Over Vengeance sa lalong madaling panahon dahil magiging prayoridad ang pag-iimprenta rito.NAPATITIG si Lucas sa kanyang laptop nang makita niyang may isang kakaibang bidyo ang nakalagay sa Facebook page ng I Know Who Killed Me. Naakit siyang panoorin ito dahil sigurado siyang mula na naman ito kay Anonymous13.
Unang ipinakita rito ang mga tanawing makikita sa isang sikat na bakasyunan sa bansa---ang Morris Paradise, na matatagpuan sa Playa Laiya, San Juan Batangas.
Napabuntung-hininga na lang siya nang mabasa niya ang mga huling salitang ipinakita rito.
Halina't libutin natin ang paraisong ito...
Upang matagpuan ang katotohanang nananahan dito.
"Oh Lucas, ba't napakaseryoso mo d’yan?" Agad niyang isinara ang kanyang laptop nang marinig niya ang mga sinabi ni Crisca.
Magkasabay nilang inilapag ni Cezzy ang ilang baso ng Iced Caffe' Latte sa kanilang mesa. Narito sila ngayon sa Starbucks bilang bahagi ng kanilang lingguhang pagkikita.
"'Di ka pa rin ba tinatantanan ng siraulong 'yon?" seryosong tanong sa kanya ni Cezzy.
Bahagya na lang siyang umiiling bilang kasagutan, saka niya kinuha ang kanyang inumin. "Ate, thank you sa treat mo ha,” pasasalamat niya kay Crisca.
"Ang bait-bait mo talaga, Ate CJ," sabad sa kanila ni Derrick.
"Wala 'yon Dei, mahal ko kayong lahat eh," natatawang sagot ni Crisca sabay kindat.
“Lucas, 'wag mo ng pansinin pa si Anonymous13. Ganyan talaga ang mga sikat nagkakaroon ng hater," payo sa kanya ni Christian John.
"Oo nga pero s’yempre mas marami pa rin kaming mga fans mo," pagpapalakas pa ng loob sa kanya ni Alyza.
"Tama sila. Hindi siya kawalan sa 'yo, kaya dedmahin mo lang. Di ba nga haters gonna hate kahit ano pang gawin mo," paliwanag pa ni Soju.
“Oo nga. Ano ba’ng mapapala niya kung masisira niya ang pangalan mo ‘di ba? Wala lang talaga siyang magawa sa buhay niya,” saad pa ni Crisca.
Nakaramdam siya ng katiwasayan nang marinig ang mga sinabi ng kanyang mga kaibigan. Sa kabila ng kontrobersyang kinasasangkutan niya ay nariyan pa rin sila upang suportahan siya. Sigurado rin siya ipaglalaban siya ng mga ito kahit ano pang mangyari.
"Kuya, pasensya na pala kasi 'di ako nakasama nung magpunta kayo sa hospital para bisitahin 'yong kuya ni Ate Tina. Kamusta na po siya ngayon?" Napatingin siya sa nakakatandang kapatid ni Derrick na si Ivy Loraine nang bigla nitong maalala ang pagbisita nila noon sa hospital.
"Okay lang 'yon, Vy. Sabi ni Tina makakalabas na raw ang Kuya Xander niya next week," sagot niya matapos humigop sa kanyang inumin.
"Eh 'yung panliligaw mo sa kanya, kumusta naman?" Halos lahat sila napatingin sa kanya nang bigla itong maitanong ni Levy.
Ngumiti na lang siya at ipinagpatuloy ang kanyang pagkain.
Mas lalo silang napalapit si Tina dahil sa ilang beses niyang pagdalaw sa kapatid nitong nasa hospital. Hindi naman naging malala ang kondisyon ng Kuya Xander nito dahil sa pagkabangga ng motorsiklo kaya ilang araw lang itong nanatili sa hospital.
"Nililigawan mo na siya, Lucas?" pag-uusisa pa sa kanya ni Yoomee na katapat lang niya sa mesa.
"Hindi pa," matipid niyang sagot.
"Ha? Ibig sabihin torpedo ka?" pang-aasar sa kanya ni Cezzy. "Sayang ang oras ‘dre kaya sige lang ng sige," payo pa nito.
"Hayaan n'yo, baka gusto niya lang na slowly but surely," sabad sa kanila ni Crisca sabay baling ng tingin sa kanya.
"Oo nga, tigilan na natin ang pag-uusisa kay Kuya Lucas kasi para na siyang nasa talkshow oh," natatawang sabi sa kanila ni Germaine. Binuksan pa nito ang laptop nito upang mag-online na.
"Tingnan na lang natin ang mga comments sa mga official page natin," mungkahi pa ni Mervin sa kanila.
Sinang-ayunan naman ng kanyang mga kaibigan ang mga sinabi ni Mervin kaya halos sabay-sabay silang nagbukas ng kani-kanilang mga laptop. Ang mga ito ay regalo sa kanila ni Mr. Sibbaluca dahil sa mataas na benta ng kanilang mga libro.
Pinili niyang huwag ng buksan ang kanyang laptop dahil baka uminit na naman ang ulo niya kapag nakita niyang muli ang walang kwentang bidyung iyon.
"Guys, tara magpapicture tayong lahat tapos post natin sa official page ng IVQPH." Sabay-sabay silang napangiti dahil sa ideyang naisip ni Soju.
Dinagsa agad ng mga komento ang kanilang mga larawan nang mailagay na nila ito sa page. May ilang ding tagasuporta ang humiling sa kanilang sumali sa isang chatroom. Pinaunlakan naman nila ito bilang pasasalamat sa mga ito. Nakipagkulitan sila sa kanilang mga tagasuporta ngunit isinantabi nila ang usapin tungkol kay Lucas.Itutuloy...
YOU ARE READING
Plagiarist I (Published under LIB Dark)
Misterio / SuspensoBook I - Plagiarist Duology Naranasan mo na bang ma-plagiarize ang kuwentong pinagpaguran mo'ng isulat? Paano kung ikaw ang paratangan niyang plagiarist, ano'ng gagawin mo? Paano mo mapapatunayang ikaw ang orihinal na may gawa nito, na hindi ka i...