PUNO ng tensyon ang funeraria. Maririnig ang mahihinang pag-uusap ng mga taong nakikiramay. Napakabigat ng atmosphere. Parang may kung anong kumukurot sa puso ng mga naroon. Isa na sa naghihirap ang kalooban ay si Jerra. Kanina pa siyang tahimik kasama ang kanyang barkada. Wala ni isa sa kanila ang nagsasalita. Parehong nagpapakiramdaman habang nakatitig sa kabaong ng isa sa pinakamalapit nilang kaibigan. Gusto niyang umiyak subalit tila walang luhang gustong lumabas mula sa mga mata niya.
Naramdaman niyang hinaplos ng boyfriend niyang si Frank ang kanyang kamay. Marahan nito iyong pinisil-pisil as if telling her that everything's going to be fine. Pero alam niyang hindi maayos ang lahat. At kahit kailan ay hindi na iyon magiging maayos. Dahil habambuhay niyang dadalhin ang bigat sa loob na kanyang nararamdaman.
"Babe..." bulong nito sa kanya. Alam niyang nahihirapan na rin ito sa sitwasyon nila subalit pinipilit nitong magmukhang matatag upang hindi siya tuluyang bumigay.
"H-hindi ko na kaya." Tuluyan na siyang naluha. Parang may higanteng kamay na kumukurot sa puso niya. Ang sikip at ang sakit sa pakiramdam. "K-kasalanan ko 'to."
"Jerra, 'wag mong sabihin 'yan. Walang may gusto sa nangyari," sansala naman ni Erna sa sinabi niya. Bakas rin sa mukha nito ang hinagpis at pagsisisi.
"'Wag mong isipin na kasalanan mo 'to. Walang may kasalanan sa nangyari, okay?" wika naman ni Ronnie na kanina pang napapalunok.
"Maglolokohan pa ba tayo? Pareho naman nating alam na---"
"Tumigil ka nga," iritadong pagputol ni Jeff sa sasabihin niya. "Baka marinig ka ng mga tao. Isipan pa nilang kriminal ka. Walang may kasalanan, maliwanag ba? Ginusto niya 'to."
"T-tama. W-wala tayong k-kasalanan..." kabadong wika ni Kimberly na tila kinukumbinsi ang sarili.
Hindi na niya natiis ang pagbubulag-bulagan ng mga kaibigan sa katotohanan. Iritadong tumayo siya at lumabas ng funeraria. Masyadong masikip ang pakiramdam niya. She needed some fresh air to breath. Kaya naman binaybay niya ang daan palabas ng funeraria hanggang sa umabot siya sa madilim at tahimik na parking area.
"Babe!" narinig niyang sigaw ni Frank na hindi niya namalayang sinundan pala siya. "Babe, ano ba?! Itigil mo na nga 'to." Hinaklit nito ang braso niya at iniharap siya dito.
"Nagbubulag-bulagan kayo. Naghuhugas-kamay!" puno ng emosyon na sigaw niya. "'Wag tayong umakto na parang mga inosente tayo sa nangyari."
"Pwede bang kalimutan mo na lang ang nangyari? Walang may gusto nito. Pero nangyari na, eh. The best thing we can do is to move on."
"Move on?" Natawa siya nang sarkastiko sa sinabi ng kasintahan. "Seryoso ka ba? Paano ako magmu-move on kung alam kong may isang taong nawalan ng buhay nang dahil sa'kin?!"
"Ewan ko kung bakit ini-insist mo na kasalanan natin kung bakit nagpakamatay si Sherry. Siya ang nagdesisyong tapusin ang buhay niya. Inutusan ba natin siyang bitayin ang sarili niya? Hindi naman, 'di ba?"
"Pero hindi niya gagawin 'yon kung hindi kita---"
"Mahal mo ako, mahal kita. Walang mali sa ginawa natin."
"Pero, Frank, boyfriend ka niya! Boyfriend ka ng bestfriend ko! Nagawa kitang sulutin mula sa kanya. Napaka-selfish ko. Ang sama-sama ko kasi tinraydor ko ang sarili kong bestfriend na mula pagkabata ay mahal na mahal ako at hindi ako iniwan!" Tuluy-tuloy ang pagbuhos ng emosyon niya habang umaagos ang masaganang luha sa kanyang mga mata.
"Pero ikaw ang mahal ko. Ikaw na ang mahal ko, hindi na siya."
"Mali pa rin."
"Alam mo..." Napapikit ang nobyo niya at huminga nang malalim. Tila sinusubukan nitong pahabain pa ang pasensya. "Iiwan na muna kita rito. Mag-isip ka. Sisirain mo na lang ba ang relasyon natin nang dahil dito?" Iyon lang at umalis na ito't bumalik sa loob ng funeraria.
Naiwan siyang mag-isa sa parking area. Tanging isang poste ng ilaw ang nagbibigay ng liwanag sa kanya. Iilan lang din ang mga kotseng nakaparada roon. Nasa lima o anim yata ang bilang ng mga iyon.
Nang mapag-isa ay naihilamos niya ang sariling palad sa kanyang mukha. Humagulhol na naman siya habang iniisip ang kasalanang nagawa niya kay Sherry. Nilulunod siya ng guilt. Sobra-sobra ang pagka-konsensya niya ngayong wala na ito. Hindi niya maintindihan kung bakit noong pinagtataksilan niya ito'y hindi siya nakonsensya ni minsan. Pero ngayong patay na ito, saka naman siya nagsisisi.
Umihip ang isang napakalakas na hangin dahilan upang matigil siya sa pag-iyak. Sobrang lakas ng hangin na may dalang alikabok at mga tuyong dahon. Nagpatay-sindi rin ang ilaw ng poste. Kasabay niyon ay umilaw ang headlight ng mga kotseng nakaparado roon at sabay-sabay na bumusina ang mga iyon. Gumapang ang takot sa sistema niya. Ang hindi niya maintindihan ay kung bakit tila wala ni isa sa mga naroon sa funeraria ang nakapuna sa mga nangyayari. Nang lingunin niya ang mga nasa loob, normal pa rin ang usapan ng mga ito. Tila walang naririnig na busina ng mga kotse. Tila walang napapansing malakas na ihip ng hangin.
Awtomatikong tumindig ang kanyang balahibo nang makakita ng isang babaeng nakatayo sa tabi ng matandang puno mula sa di-kalayuan. Hindi nga lang niya gaanong maaninag ang hitsura nito dahil half-open lang ang mga mata niya dahil na rin sa malakas na pagbayo ng hangin. Ngunit sigurado siyang ka-edad lang niya ang babae. Magkahulma rin ang katawan nila't magkasingtangkad sila. The girl looked familiar. Subalit sa isang kisapmata lang ay naglaho na ito. Kasabay ng pagkawala nito ay ang pagbalik sa normal ng lahat. Maayos ng gumagana ang ilaw ng poste. Namatay na rin ang ilaw ng mga headlight at tumigil na sa sabayang pagbusina ang mga naka-park na kotse. Wala na rin ang matitinding hampas ng hangin.
Subalit may isang papel na nakakuha ng kanyang atensyon. Nakalapag iyon sa pinakadulo ng parking area. Kung tutuusin, napaka-normal lang niyong tingnan. Walang espesyal sa nasabing papel. Ngunit parang may pwersang nagsasabi sa kanyang kunin niya ang papel. Para iyong isang magnet na hinihila siya palapit. Kaya naman nilapitan niya iyon at dinampot.
Bahagyang natupi ang papel dahil sa pagkakalipad niyon sa hangin. At nang buklatin niya iyon ay nanlaki ang kanyang mga mata sa nakasulat roon.
Babalik ako. Babalikan ko kayo.
BINABASA MO ANG
Overnight
HororEight people... One haunted resort. Samahan mo sila sa isang nakagigimbal na gabi. Samahan mo silang harapin ang mga nakakatakot na kaluluwang gusto silang hilahin sa impyerno. Pero sasamahan mo ba sila... hanggang hukay?