NAG-AALALA na si Realin. Kanina pang umalis si Siran para umihi. Ilang minuto na ang nakakalipas pero hindi pa rin ito nakakabalik. Ayaw man niyang isipin, pero pakiramdam niya'y may masamang nangyari o mangyayari sa kaibigan. Tumingin siya sa kanyang tabi at nakita si Joefit na mahimbing na ang tulog. Sina Delfin nama'y tuloy pa rin sa pag-iinuman. One-on-one na silang dalawa ni Brial. Sina Euvelyn, hindi pa rin umaahon at enjoy pa sa pagsu-swimming.
Hindi nila namalayan nang tumayo siya at umalis para hanapin si Siran. Asa'n na kaya 'yon?
Ewan kung napa-paranoid lang ba siya pero masama talaga ang kutob niya. Inikot niya ang paligid ng resort para mahanap ang kaibigan. Madilim pero salamat sa sinag ng buwan ay nagawa naman niyang makapaglakad nang maayos. Napuntahan na niya ang halos lahat ng parte ng resort since hindi naman kalakihan iyon, subalit wala siyang Siran na nakita.
Isa na lang ang hindi pa niya napupuntahan.
Ang lumang bahay.
Siguro naman hindi gano'n kalakas ang loob ni Siran para pumasok do'n sa loob. Masyadong nakakatakot tingnan ang bahay na iyon.
Pero sa hindi niya maipaliwanag na rason, parang may nagtutulak sa kanya na pumasok do'n at nagsasabing nando'n ito sa loob.
Sa kabila ng takot na lumulukob sa kanya ay dahan-dahan pa ring nilapitan niya ang lumang bahay at pinihit ang kinakalawang na door knob. Pero hindi bumukas ang pinto. Naka-lock iyon.
Mas lalo siyang kinabahan. Mas lalong lumakas ang kutob niya na may masamang mangyayari. At kung tama ang kutob niya, kailangan niyang magmadali bago pa mahuli ang lahat. Hindi niya alam kung ano ang maitutulong niya pero bahala na. Kesa naman wala siyang gawin.
Tumakbo siya at nagtungo sa likurang parte ng bahay sa pagbabaka-sakaling may isa pang pinto roon na maaari niyang daanan. Nangangati na ang paa niya dahil malago ang talahiban na tumutubo roon. May napansin din siyang ilang mga lumang kagamitan na tila hindi na mapapakinabangan.
Wala namang pintuan do'n pero may nakita siyang bukas na bintana sa ikalawang palapag. Maaari siyang dumaan roon upang makapasok sa mansyon. Ang tanong ay kung paano? Masyadong mataas iyon.
Kaya iginala niya ang paningin sa paligid para maghanap ng bagay na pwede niyang gamitin upang makaakyat roon. Maswerte siya't may nakita siyang isang maliit na lumang hagdan ro'n. Pakpak na ang kulay puting pintura niyon.
Ipinwesto niya na iyon at siniguradong hindi bibigay 'pag umakyat siya. Walang lugar para sa kanya ang takot. Kailangan niyang kumilos. Madilim na madilim sa loob ng kabahayan pero kailangan pa ring makapasok siya roon.
Nagpakawala siya ng malalim na hininga at dahan-dahang umakyat gamit ang nakuhang hagdan. Maingat ang bawat kilos niya upang hindi siya mahulog. Nangangalahati na siya sa pag-akyat nang maramdamang yumuyugyog ang hagdan. Nagtaka siya dahil maayos naman ang pagkakapwesto niya sa hagdan. Pero naisip niyang baka dala lang iyon ng kalumaan ng hagdan.
Pero palakas nang palakas ang yugyog. Hindi na iyon normal. Kaya tumigil siya sa pag-akyat at tumingin sa ibaba. Napasinghap siya sa tumambad sa kanya.
Isang duguang batang babae!
Ang batang babaeng nakita niya kaninang nakadungaw sa bintana ng second floor. May dala pa rin itong teddy bear habang niyuyugyog ang hagdan. Maputlang-maputla ang bata. Walang mababasang ekspresyon sa mukha nito. Sinabi niya kanina sa sarili na walang lugar sa kanya ang takot. Pero nakakapangilabot lang talagang pagmasdan ang batang nasa ibaba niya.
Nag-iwas siya ng tingin at tumingala sa itaas tsaka ipinagpatuloy ang pag-akyat. Pilit niyang ipinagsawalang-bahala ang paglilikot ng bata sa hagdan. Hanggang sa nakasampa na rin siya sa bintana. Muli siyang tumingin sa ibaba. Naroon pa rin ang bata. Nakangiti ito habang kumakaway sa kanya. Dinagsa siya ng kaba. Pakiramdam niya'y may ibig-sabihin ang pagkaway nito.

BINABASA MO ANG
Overnight
HorrorEight people... One haunted resort. Samahan mo sila sa isang nakagigimbal na gabi. Samahan mo silang harapin ang mga nakakatakot na kaluluwang gusto silang hilahin sa impyerno. Pero sasamahan mo ba sila... hanggang hukay?