"KABIT.. mang-aagaw... ahas!"
Ang mga katagang iyon ang palaging sinasambit ni Sherry sa tuwing napapanaginipan ito ni Jerra. Mula nang ma-engage sila ni Frank, gabi-gabi niyang napapanaginipan ang bestfriend. Bakas sa boses nito ang galit. Duguan palagi ang mukha nito at sobrang talim nito kung tumitig. Hindi na lang niya ipinaalam sa kahit na sino ang tungkol sa mga napapanaginipan niya. Ayaw niyang mag-alala ang mga ito sa kanya. Baka nga isipin pa ng iba na nababaliw na siya.
Isang gabi ay nagtungo siya sa simbahan pagkagaling niya sa trabaho. Hindi siya masusundo ni Frank dahil kailangan nitong mag-overtime. Sobrang busy raw kasi nito sa opisina kaya inintindi na lang niya. Ganya'n naman sila palaging magnobyo, eh. Iniintindi nila ang isa't-isa. Hindi rin naman kasi nagkukulang si Frank sa kanya sa tuwing may sapat na oras ito.
Tahimik sa buong simbahan. Iilan lang ang mga taong naroon na magkakalayo ang pwesto sa isa't-isa. May mga nakaupo, nakaluhod at may dalawang medyo may katandaang mga babae rin siyang nakitang naglalakad nang paluhod habang may dalang rosaryo. Habang pinagmamasdan ang dalawang babae ay parang naramdaman niya ang bigat ng kalooban ng mga ito.
Dahil wala namang ginaganap na misa ay malaya siyang nakalapit sa altar. Kinuha niya ang panyo at ipinahid iyon sa rebulto ni Hesukristo na nakapako sa krus. Tahimik niyang ipinalangin ang kaluluwa ni Sherry. Hiniling niya na sana'y matahimik na ito at tigilan na ang panggugulo sa kanya. Aminado naman kasi siya sa nagawa niyang kasalanan. Pinagsisisihan niyang pinagtaksilan niya ang sarili niyang bestfriend. Pero hindi niya pinagsisisihang minahal niya si Frank. Ito ang pinakamagandang nangyari sa buhay niya.
Isang malamig na hangin sa kanyang batok ang nagpatigil sa kanya sa pagdarasal. Napalingon siya sa kanyang likuran subalit wala naman siyang nakita. Bigla namang parang may isang itim na hangin ang mabilis na dumaan sa harap niya. Sinundan niya ang direksyong tinahak niyon subalit hindi na niya naabutan. Pinangilabutan siya.
"Nakita mo rin ba?"
Muntik na siyang mapasigaw nang marinig ang boses na iyon ng isang matandang babae na bigla na lang sumulpot sa kaliwa niya. Nakaitim na bestida at itim na belo ang matanda habang may hawak na rosaryo at lumang bag. Sa tantiya niya'y nasa sitenta y singko hanggang otsenta anyos na ang matanda. Kulubot na ang balat nito at mahina na ang pangangatawan. Subalit may kakaiba sa mga mata nito na nagpapataas ng balahibo niya dahil sa titig nito.
"A-ang alin ho?"
"Ang maitim na hanging iyon."
"N-nakita n'yo rin?"
Nagbitiw ng tingin ang matanda at bumaling sa altar.
"Sobrang itim. Mabilis. Mabigat. Punung-puno ng sakit... ng poot."
"H-ho?"
Nilingon siya nito at binigyan ng nagbababalang tingin.
"Matakot ka, ineng. At higit sa lahat, mag-ingat ka... mag-ingat kayo."
Naguguluhan siya sa mga sinasabi nito. Hindi niya maintindihan. Subalit unti-uting may nabubuong ideya sa utak niya. At ayaw niya sa ideyang iyon.
"B-bakit ho? Ano'ng mangyayari?"
Hinawakan nito ang mga kamay niya at pinagsalikop ang mga iyon.
"Isang babae mula sa nakaraan ang nagbabalik. Sobra-sobra ang galit na nararamdaman niya. Ang emosyon pa lang na iyon ay sapat na para maiparanas niya sa inyo ang init ng impyerno. Walang ibang tumatakbo sa isip niya kundi paghihiganti. Hindi siya titigil."
"S-sino? P-paano ko siya mapipigilan?"
Napalingu-lingo ito.
"Dasal. Ipagdasal mo siya. Pagdarasal ang pinakamatibay na sandata. Pero dahil sa sobrang bigat ng galit niya, hindi ako sigurado kung may makakapigil pa sa kanya."
Biglang umihip ang isang malakas na hangin. Nilipad niyon ang buhok niya kaya naman bumitiw siya sa matanda.
"Lola..."
"Narito na s'ya! Narito na s'ya!" paulit-ulit at tila naghihisteryang sigaw nito.
"H-ho?"
Biglang tumakbo ang matanda. Nag-alala siya dahil baka madapa ito kaya sinubukan niyang habulin ang matanda. Subalit kumurap lang siya nang isang beses ay nawala na ito sa kanyang paningin.
Tumigil ang pag-ihip ng malakas na hangin. Balik na sa normal ang paligid, subalit hindi na bumalik sa normal ang pagtibok ng puso niya. Sobrang bilis niyon. Lalo pa nang tumunog ang cellphone niya. Unregistered ang numerong tumatawag sa kanya. Usually ay hindi niya sinasagot ang mga gano'ng tawag dahil baka prank caller lang na walang magawa sa buhay. Subalit tila may pwersang nag-uudyok sa kanyang sagutin ang tawag.
Nanginginig na pinindot niya ang cellphone at sinagot ang tawag.
"H-hello?" Napalunok siya sa kaba.
Walang sumagot.
"S-sino 'to?" Sigurado siyang may tao sa kabilang linya dahil may naririnig siyang tunog ng paghinga.
Wala pa ring nagsasalita.
"Who the hell are you?!" galit na niyang sigaw. Tila paraan na rin niya iyon upang itago ang nararamdamang takot. "I have no time for your silly jokes! Get lost!"
Ibababa na sana niya ang cellphone nang mapansin niyang pabilis nang pabilis ang paghinga ng tao sa kabilang linya. Tila ba nagpupuyos ito sa galit. At tila binuhusan siya ng isang balde ng yelo nang magsalita ang caller.
"Ahas ka."
"S-Sherry? I-ikaw ba 'yan?"
"Ang kapal ng mukha mo. Malandi ka." Sobrang lamig ng boses nito. Nakakakilabot.
"Sherry, alam kong malaki ang kasalanan ko sa'yo. Pero please lang, 'wag mo namang gawin 'to. Patahimikin mo na lang kami. Hayaan mo na lang kami," pagmamakaawa niya.
"Hindi... hindi..." At ito na mismo ang tumapos ng tawag.
"Hello?! Sherry?!" Sinubukan niyang tawagan ang ginamit nitong numero subalit invalid raw iyon.
Ilang saglit naman ay nakatanggap siya ng tawag mula kay Frank.
"H-hello?"
"Nasa'n ka ngayon?" There was a sense of urgency on his tone. Lalo siyang naging kabado.
"Nasa simbahan malapit sa office. Bakit?"
"D'yan ka lang. Susunduin kita." Base sa boses nito, sigurado siyang tumatakbo ito patungo sa kotse nito. Hinihingal kasi ito.
"Bakit? May problema ba? Ano'ng nangyari?"
"Si Kim, isinugod sa ospital."
"Ha?! Ano'ng nangyari sa kanya?" Naiiyak na siya sa takot.
"Basta. She's not in a good condition. Kailangan nating magmadali. Hintayin mo ako d'yan, okay?"
"S-sige."
Ibinaba niya ang cellphone at isinuksok sa bulsa.
Maglalakad na sana siya palabas subalit natigil siya sa paghakbang. Mula sa bukana ng simbahan ay nakita niya ang isang babaeng nakaitim at duguan ang mukha. Ngumisi ito nang mala-demonyo habang may karga-kargang sanggol.
Sigurado siyang si Sherry ang babaeng iyon. Ang hindi niya maintindihan ay kung bakit may dala itong sanggol. Tila awtomatiko namang sumama ang pakiramdam niya.
Nahihilo siya. Nasusuka.
Ano'ng ibig-sabihin nito?
***
Thank you po sa mga nagbabasa. Pasensya na po kung ang bagal kong mag-update. Hindi kasi talaga horror ang genre ko, kaya hindi natural na lumalabas sa utak ko ang mga scary ideas (haha!) Salamat sa mga nagbabasa, nagvu-vote, nagcu-comment at sa mga suporta mula sa part one hanggang ngayon sa part two. Tuloy ang katatakutan hanggang sa mga susunod na kabanata.
BINABASA MO ANG
Overnight
HorrorEight people... One haunted resort. Samahan mo sila sa isang nakagigimbal na gabi. Samahan mo silang harapin ang mga nakakatakot na kaluluwang gusto silang hilahin sa impyerno. Pero sasamahan mo ba sila... hanggang hukay?