One year after Sherry's death...
"OO na, oo na. Nagmamadali na ako, okay? Chill," ani Jerra kay Erna na kausap niya sa kanyang cellphone. Kasalukuyan niyang nililigpit ang mga gamit sa kanyang desk. Gabi na at naroon pa rin siya upang tapusin ang kanyang trabaho. Pero dahil may dinner sila ng buong barkada, kailangan na niyang iwan ang ginagawa at bigyan ng panahon ang sarili na makapag-enjoy.
"Bilisan mo, ah. Gutom na ako, 'te."
"Oo nga sabi, eh. Babye na. Kitakits na lang," aniya't in-end na ang call. Masyado kasing makulit ang kaibigan niya.
Itinurn-off niya ang kanyang PC at pumasok muna ng banyo para mag-retouch. May five minutes pa siya bago sunduin ng boyfriend niyang si Frank. Ayaw naman niyang magmukhang haggard pagdating nito. Syempre, dapat maganda siya palagi sa harap nito.
Maliit lang naman ang opisina niya. Isa siyang editor ng mga romance novels. Lima silang nagsi-share sa opisinang iyon pero siya na lang ang natira dahil nagsipag-uwian na ang mga ito. Napagpasyahan kasi niyang doon na lang hintayin ang nobyo para sabay na silang pumunta sa restaurant na pagdarausan ng dinner nila ng barkada. Excited na siya dahil halos isa o dalawang beses lang silang nakukompleto buwan-buwan.
Kasalukuyan siyang nasa harap ng salamin sa loob ng banyo at nag-aayos ng sarili. Nag-apply lang siya ng konting powder at lipstick saka inayos ang buhok niya. Medyo magulo na kasi iyon at nawalan na siya ng panahon kanina na ayusin pa iyon dahil sa ka-busyhan niya. Siya iyong tipo ng tao na 'pag nagtatrabaho, doon na lang talaga ibinubuhos ang buong atensyon.
Ibabalik na sana niya sa kanyang shoulder bag ang kanyang powder at lipstick nang biglang mahulog ang mga iyon.
"Bwisit! Kung kailan naman nagmamadali ako, o."
Yumuko siya para sana kunin ang nahulog na mga gamit. Subalit laking gulat niya nang gumalaw papalayo ang mga iyon. Nanlaki ang mga mata niya. Hindi siya makapaniwala sa nakita. Inisip niya na baka namalik-mata lang siya. But it seemed so real.
Kung anu-ano nang iniisip ko. Ano ba 'yan. Pagod lang siguro ako.
Unti-unti siyang lumapit sa direksyon na hinintuan ng powder at lipstick. Nasa ibaba iyon ng toilet. Kung tutuusin ay sobrang lapit lang niyon sa direksyon niya. Samantalang mula sa nakabukas na pinto ng banyo ay narinig niya ang pag-iingay ng kanyang cellphone na naiwan sa mesa niya.
"Si Frank na siguro 'yan." Kaya naman mabilis niyang dinampot ang powder at lipstick niya. Subalit hindi man lang niya nagawang hawakan dahil muling gumalaw ang mga iyon papalayo. "Tsk! Ano ba 'tong nangyayari sa'kin? Ganito na ba ako ka pagod?" aniya sa sarili at muling tinangkang kunin ang mga gamit. Ngunit sa pagkakataong iyon ay bigla na lang lumutang ang mga iyon at nagpaikut-ikot sa paligid ng banyo.
Napatayo siya sa sobrang takot. Hindi na niya napigilan ang sumigaw nang makitang tumatalbug-Oalbog ang mga iyon sa dingding at kisame ng banyo. Kasunod niyon ay ang pagguhit ng masaganang dugo sa kaharap niyang salamin. Gumagalaw ang dugo. Hanggang sa napansin niyang tila may mga letrang iyong binubuo.
Hindi nagtagal ay nabuo ang salitang KABIT sa salamin.
"Ahhhh!" malakas niyang sigaw at lumabas ng banyo. Kaagad niyang dinampot ang cellphone at isinukbit ang kanyang shoulder bag saka nagmamadaling tinungo ang pinto upang makalabas na ng kanyang opisina. Subalit ayaw bumukas niyon. "Bumukas ka! Bumukas ka, please!"
Nagpatay-sindi ang ilaw kasabay ng pag-ihip ng malakas na hangin. Nagsiliparan ang mga papel na nasa loob ng opisina.
"Tama na! Tama na!" Pumapadyak-padyak na siya sa takot.
BINABASA MO ANG
Overnight
HorrorEight people... One haunted resort. Samahan mo sila sa isang nakagigimbal na gabi. Samahan mo silang harapin ang mga nakakatakot na kaluluwang gusto silang hilahin sa impyerno. Pero sasamahan mo ba sila... hanggang hukay?