7:30 PM
Finally , narating na rin nila ang San Simeon. Hindi kagaya sa naunang bayan, medyo maliwanag na roon at may mga iilang bahay na rin silang natatanaw. Pero kakaunti lang talaga. Mabuti na lang at hindi sila nahirapang hanapin ang Villa Luzviminda. Kilala kasi ang nasabing resort sa buong probinsya, kaya nang magtanung-tanong sila ay tama ang direksyong itinuro ng mga residente roon.
"Magu-overnight kayo?" tanong ng security guard na nadatnan nila sa gate ng resort.
"Opo sana. Magkano po ba'ng bayad?" tanong ni Darylle.
"Naku, pasensya na pero hindi pa pinapapasukan itong resort ngayon ,eh. May isinasagawang imbestigasyon ang pulisya sa loob."
"Ha? Bakit po? Ano'ng nangyari?" tanong ni Euvelyn at iginala ang paningin sa loob ng resort. Walang tao roon.
"'Yong matandang caretaker kasi dito, pinatay ng isang grupo ng kabataang guests dito sa resort. 'Ewan , naka-drugs 'ata ang mga 'yon, eh. Itinapon nila ang kawawang matanda do'n sa kabilang bayan. Kawawa naman. Hay naku, iba na talaga ang henerasyon ngayon. Nakakatakot."
Bumagsak ang balikat nilang lahat. Paano na ang plano nila? Ang layo pa naman ng ibinyahe nila 'tapos hindi lang matutuloy? Hindi naman yata tamang umuwi na lang sila. Ang layo pa ng pinanggalingan nila at pareho na silang pagod.
"Do'n na lang tayo, o!" suhestiyon ni Darylle at may itinuro.
Villa Prudencia
Medyo malayo iyon nang konti mula sa kinatatayuan nila pero tanaw na tanaw naman nila ang malaking karatola niyon na parang inaamag na.
"Sigurado kayong diyan kayo?" tanong ni Manong Guard.
"Bakit po?" tanong naman ni Brial na nagtaka sa naging reaskyon ng matandang gwardya.
"Marami kasing natatakot diyan, eh. Pero kung diyan n'yo talaga gusto, mag-iingat na lang kayo, ha."
"Naku, hindi po uso sa'min ang mga takot-takot na 'yan," ani Delfin na naka-recover na yata do'n sa nakita niyang matanda kanina.
"Gorabels na! 'Wag na tayong choosy, 'no. Basta makaligo sa beach!" Sheena exclaimed.
"O, halina kayo!" naunang pumasok si Delfin sa van at sumunod naman ang lahat.
Lihim na nagpasalamat si Darylle dahil natupad ang plano niya. Mangyayari na ang gusto niyang mangyari sa gabing iyon. Ilang taon niya itong pinaghandaan.
Subalit pagkarating na pagkarating pa lang nila ng Villa Prudencia ay hindi na maganda ang pakiramdam ni Realin sa nasabing resort. Nagtaka siya. Para kasing may kung anong enerhiya ang pumapalibot roon na nagpapabigat ng pakiramdam niya.
Kaagad naman silang inasikaso ng isang matandang lalaki na sa tantiya nila'y nasa mid 50s ang edad. Nagpakilala ito bilang si Mang Edward na caretaker raw ng nasabing resort mula pa noon.
Ipi-nark nila ang van sa tabi ng isang puno. Pagkababa nila'y sinuyod ni Realin ng tingin ang buong paligid. Napakataas ng gate na mahihirapang akyatin ang sino man. Bahagyang kinakalawang na rin iyon. May tatlong palapag na lumang bahay ro'n na sobrang dilim. Malaki iyon pero nakakapangilabot kung tititigan ang lumang istruktura niyon na mukhang itinayo no'ng unang panahon pa. Iyong tipo ng bahay na makikita mo lang sa mga black and white photos. Sa kaliwang bahagi ng lumang bahay na iyon ay may isang malaking puno ng acacia.
BINABASA MO ANG
Overnight
HorrorEight people... One haunted resort. Samahan mo sila sa isang nakagigimbal na gabi. Samahan mo silang harapin ang mga nakakatakot na kaluluwang gusto silang hilahin sa impyerno. Pero sasamahan mo ba sila... hanggang hukay?