Makapangyarihan ang pag-ibig. Walang sinuman ang kayang labanan ito sa oras na binalot na nito ang ating mga puso. May mga paraan itong hindi natin maunawaan. Basta dumarating na lang ang panahon na nasasabi mong umiibig ka na. Hindi mo alam kung bakit, o kung paano; ang tanging mahalaga lang sa iyong puso ay ang pag-ibig na iyong nadarama.
Ang pag-ibig, nagdudulot ng kabutihan sa atin. Di ba't kapag tayo'y umiibig, para bang napakaganda ng lahat ng bagay? Kapag kasama mo ang taong iyong mahal, di ba't napakaperpekto ng bawat sandali? May kakaibang tuwa kang nadarama sa iyong dibdib na di mo maipaliwanag. Para bang may ibang enerhiyang sumasakop sa iyong buong katawan na siyang pumapawi sa lahat ng problemang iyong pinapasan.
Subalit, hindi sa lahat ng pagkakataon ay masaya tayong umiibig. Minsan ay iniiyakan din natin ito. Nandiyan ang awayan, tampuhan, selosan. Ganoon naman talaga, walang perpektong relasyon. At hindi lahat ng pinapasukan nating relasyon ay tumatagal ng habambuhay.
Kadalasan ay sa taong hindi naman nakalaan para sa atin tayo unang umiibig. Masakit mang isipin, pero kinakailangan din naman nating umibig sa maling tao at masaktan. Sa huli, tayo rin naman ang makikinabang sa mga aral na ating napupulot mula sa isang di nagtagal na relasyon.
Noong una'y takot din akong masaktan tulad mo. Takot ako na ang taong mamahalin ko ngayon ay maaaring mawala sa akin balang araw. Pero ang takot kong iyo'y napawi ng kapangyarihan ng pag-ibig. Nawala ang takot na iyon nang unang beses akong nagmahal. Ang aking unang pag-ibig, siya ang nagmulat sa akin na wala dapat akong katakutan.