Naglakad lang ako habang nakabuntot naman sa akin si Luke. Nang napansin niyang papunta kami sa may gubat ay nag-alinlangan na siyang tumuloy pa.
"Boss, san ba tayo pupunta? Mukhang delikado diyan sa kagubatan."
"Basta sumunod ka na lang sa akin."
Ipinagpatuloy ko lang ang paglalakad. Unti-unting kumikitid ang daan, palago nang palago ang mga halaman. Nang malapit na kami sa pagdadalhan ko sa kanya'y tumigil ako.
"Luke, ipikit mo muna yang mga mata mo" utos ko sa kanya.
"Pero..."
"Pikit nga sabi eh." Pumikit naman siya. "Walang sisilip ha? Ibubukas mo lang ang mga mata mo kapag sinabi ko na."
"Sige na nga Boss. May tiwala naman ako sa iyo."
Hinawakan ko ang kanyang kamay at ginabayan siya sa paglalakad. Ilang saglit pa'y nakarating na kami.
"Nandito na tayo" sabi ko sa kanya sabay bitaw sa kanyang kamay. "Pwede mo nang idilat ang mga mata mo Luke."
Marahang idinilat ni Luke ang kanyang mga mata.
"Wow!"
Iyon lang ang kanyang nasabi sa kanyang nakita. Isang ilog ang dumadaloy sa aming harapan. Mala-kristal ang tubig sa linis nito. Matatayog ang mga punong hitik sa bunga at malalago ang mga halamang ligaw na namumulaklak sa tabing-ilog. Ilang metro lang palibot sa kinatatayuan namin ni Luke walang puno o halamang-ligaw, bagamat may tumutubong damo na siyang bumabalot sa lupa. Tahimik ang paligid, liban lang sa tunog ng umaagos na tubig at huni ng mga ibon.
Naupo si Luke sa damuhan at muling ipinikit ang kanyang mga mata, gayon din ako. Halos sabay din kaming huminga nang malalim. Pinakinggan namin ang mga ibon na animo'y kumakanta. Ninamnam namin ang katahimikan ng paligid. Napawi ang pagod na aming nadarama sa mga oras na iyon.
Sabay ulit naming idinilat ang aming mga mata, nagkatitigan. Pakiramdam ko'y nagliwanag ang paligid at bumagal ang pagtakbo ng oras. Muling naulit ang kakaibang tuwa na naramdaman ko nang una kaming magkatitigan ni Luke. Naputol lang ang sensasyong iyon nang ibaling ni Luke ang kanyang tingin sa paligid.
"Alam mo ba, bata pa lang ako noong una akong nagawi dito. Sa sobrang ganda ng paligid ay dito na ako nagpupunta kapag gusto kong makapag-isip-isip, o kung gusto ko lang talagang mapag-isa. Ito ang nagsisilbi kong munting paraiso" sabi ko.
"Tama ka Boss. Ang ganda talaga dito. Napaka-peaceful pa."
"Ang sarap ng ganitong buhay" sabi ni Luke sabay unat ng kanyang mga kamay. Humiga siya sa damuhan. Inilagay niya ang kanyang mga kamay sa likod ng kanyang ulo na siyang nagsilbi na niyang unan.
"Oo. Ang sarap mamuhay kapag walang masyadong iniintinding mga problema" pagsang-ayon ko naman sa sinabi niya. Humiga na rin ako sa tabi ni Luke.
"Lalo pang sumasarap kapag kasama mo ang mga taong mahal mo, di ba Boss?"
Tumingin ako sa kanya. Nagkasalubong muli ang aming mga titig. Ngumiti ako. Sinuklian din naman niya iyon ng isang nakakakilig ding ngiti, ngunit agad din niyang ibinaling papalayo ang kanyang mukha. Ngayon nama'y sa mga ibong nakatuntong sa mga sanga sa itaas namin siya tumingin. Napabuntong hininga na lang ako.
Maya't maya'y napansin kong inalis ni Luke ang kanyang kaliwang kamay mula sa pagkakaunan. Naramdaman ko na lang ang kamay niyang iyon ay nakahawak na sa aking kanang kamay. Hinayaan ko na lang siyang hawakan ang aking kamay. Tinamasa ko na lang ang sandaling iyon, at alam kong ganon din siya. Ako at si Luke, magkatabing nakahiga at magkahawak-kamay sa isang tagong paraiso.