Sa gabing iyon ay hindi ko maintindihan ang aking nararamdaman. Para bang may kung anong tumutusok sa aking puso, pero halos kumulo ang dugo ko sa tuwing naaalala ko si Luke. Tinawagan niya ako at tinext. Pero hindi ko siya sinagot. Hanggang sa napagod din siya sa pangungulit sa akin. Kinabukasan ay si Luke agad ang unang lumapit sa akin. Subalit hindi pa rin humuhupa ang galit sa loob ko.
"Pam, puwede ba kitang makausap?"
Hindi ko siya pinansin. Nagkunyari akong hindi niya ako tinanong. Iniisip ko kung nasaan ngayon si Gina, para naman may iba akong makausap at hindi ang lalaking ito.
"Pam, bakit hindi mo ako pinansin kahapon?"
Ganun pa rin. Hindi ako umimik. Nagbusy-busy-han ako. Inilabas ko na rin ang aking cellphone at nagbasa ng mga mensahe, kasama na roon ang mga tinext sa akin ni Luke na ngayon ko lang binasa. Pati ang aking notebook ay inilabas ko rin, pinahapyawan ko ang lecture namin kahapon.
"Pam, galit ka ba sa akin?"
"..."
"Pam. Sorry na. Pakinggan mo naman ang sasabihin ko."
Kukulitin pa sana ako ni Luke kaya lang nagpakita na ako ng pagkainis sa ginagawa niya. Tumayo ako at lumabas. Tinumbok ko ang CR, para siguraduhing hindi ako susundan ni Luke. Ilang minuto lang ako doon, nakatingin sa salamin na parang tanga. Nang bumalik na ako sa aming silid ay nasa loob na ang prof namin sa oras na iyon. Dumiretso ako sa aking silya at inayos ang sarili.
Magsusulat sana ako ng lecture notes ng mapansin kong may nagsulat sa bagong pahina ng aking notebook.
Pam. Alam ko may problema satin ngayon. Pag-usapan naman natin o. Sige, ok lang sakin na wag mo akong pansinin ngayon. Pero sana magkita tayo mamayang hapon after class, sa may acacia malapit sa Social Hall. Luke.
Napatingin ako sa kinauupuan ni Luke. Nakatingin pala siya sa akin, hinihintay na mabasa ko ang sulat niya. Inirapan ko na lang siya.
Hindi ko siya pinansin sa buong araw. Tinotoo niya ang kanyang sinulat sa aking notebook, hindi nga niya ako kinausap. Napansin ng mga kaklase ko, lalo na ni Gina, ang pag-iwas ko kay Luke. Pero hindi naman nila ako tinanong kung bakit, kaya hindi na rin ako nagsalita. Alam kong hindi naman alam ni Gina ang totoong nangyari kahapon noong nagpunta kami sa mall, at wala akong balak sabihin sa kanya ang nakita ko.
Kinahapunan, nagmadali kong naglakad pauwi nang matapos ang last period namin. Napatigil lang ako kasi nakita ko si Luke na parang hindi mapakali. Napansin kong tinungo ni Luke ang Social Hall. Doon ko naalala ang pakiusap niyang pag-uusap namin. Sinundan ko siya patungo sa ilalim ng puno ng acacia. Wala na masyadong mga estudyante sa oras na iyon, at tanging kaming dalawa lang ni Luke ang nasa mismong lilim ng puno.
Nakaupo lang si Luke sa isang bench nang nakita niyang papalapit ako. Pero hindi siya nagsalita. Nanatili lang siyang nakaupo at walang kibo. Umupo na rin ako sa tabi niya. Walang nagsalita sa amin, nagpakiramdaman lang kami. Mayamaya'y may kinuha siya sa kanyang bag at inabot sa akin. Tinanggap ko naman iyon. Doon ko lang napansin na dalawang ticket ang ibinibigay niya, mga VIP tickets para sa darating na concert.
"Para saan to?" tanong ko. Alam kong isang estupidong tanong ang binitawan ko. May galak din naman akong naramdaman kasi hindi pa talaga ako nakakabili ng ticket para sa concert.
"Sabi ng CSC pwede raw kami magdala ng dalawang kapamilya sa concert. Pero busy naman sina mama at papa para dumalo. Si Lyra naman masyado pang bata para manood ng mga ganitong palabas. Kaya kayo na lang ni Gina ang pagbibigyan ko ng mga nito" paliwanag niya. Si Lyra ang nakakabatang kapatid ni Luke, pero hindi ko pa siya nakikilala ng personal, pati na rin ng kanyang mga magulang.