II. UNANG ARAL

101 1 0
                                    


Hiyawan, sigawan, palakpakan; yan ang mga bagay na sumalubong sa akin nang ako ay nanalo sa isang poster making contest noong ako ay nasa 2nd year high school pa lang.

"Tim! Tim! Pa-picture naman!" sigaw at pakiusap ng isang grupo ng mga babae.

Hindi ako fan ng picture o "selfie". Hindi ako mahilig sa litrato lalo na kung ako ang kukuhaan. Ayoko na sikat at napupuri ako sa harap ng madaming tao. Pero hindi din naman ako suplado para hindi pagbigyan ang mga nakikiusap. Hinahayaan ko lang sila. Ngingiti, kakamay, yan lang ang ginagawa ko. Kasi alam ko na lilipas din naman ang mga yun.

Minsan naisip ko, sana hindi na lang ako ang sinasali sa contest para hindi ako nakikilala. Mas gusto ko mabuhay ng normal, tahimik at walang nakakaalam ng pangalan ko. Na ituturing akong simpleng estudyante lang din kagaya ng iba. Hindi ko kasi alam kung sino ba talaga ang tunay na kaibigan o kaibigan lang dahil may kailangan.

May isa akong kaibigang babae, si Jean. Kaklase ko sya. Maliit, maputi, chinita, makulet at matalino. Lage syang nasa top 3 ng klase. Para syang bata minsan kumilos kaya hindi mahahalata na matalino pala sya. Siya yung tipo na hindi ako tinuturing na "sikat" at iba, kaya kapag siya ang kausap ko, feeling ko normal na tao lang ako.

Pumasok sa isip ko noon na ligawan siya. Pero sa loob loob ko, ayaw ko magkaroon ng girlfriend, at baka ayaw nya din sa akin. Pinalipas ko ang aking nararamdaman, hinayaan ko na lang. Hanggang tingin lang ginagawa ko, tinititigan sya. Tipikal na lalake na may crush sa isang babae. High school life.

Hindi ko napansin na malapit na pala ang graduation namin sa high school. Mas masaya na ang samahan, pero hindi ko parin nasasabi na crush ko si Jean. Humanap ako ng tyempo para sabihin sa kanya na matagal ko na syang gusto. Nagpatulong ako sa bestfriend kong si Jason. Hindi ko din alam kung saan ako humugot ng lakas ng loob, gumawa kame ng linya na sasabihin ko...

"Jean, matagal na kitang gusto. Pero natatakot kasi ako na baka di mo ako gusto. Baka isipin mo kasi masyado akong presko. Pero bago matapos ang high school, at least nasabi ko sayo na matagal na kitang crush"

Binigyan din ako ng mga tips ni Jason.

"Una! Huminga ka ng malalim, huwag magpahalata na kinakabahan ka"

"Pangalawa, tumingin ka sa mata nya habang nagsasalita"

"Pangatlo, huwag ipapahalata na praktisado mo ang mga sasabihin mo"

"Pangapat, magdala ka ng bulaklak, tatlo dapat para I Love You"

"Panglima, magbigay ka ng chocolate. May binebenta mama ko, libre na lang para sayo"

Hindi ko alam paano ko naging kaibigan ang jologs na to. Pero pumayag naman ako sa mga sinabi nya kasi madami syang kwento sa mga niligawan at sinaktan daw nya na babae. Bilib na bilib ako kay Jason sa mga kwento nya.

Dumating na ang araw na pinakahihintay. Pagkatapos ng practice namin sa graduation, bago maguwian, hinintay ko sa may gate ng school si Jean. Nakaabang sa may ilalim ng punong mangga sa labas din ng gate ang mga tropa ko, sila Jason at ang kanyang mga ungas na alagad. Handa na sila na isigaw ang "Congratulations" sa oras na masabi ko ang dapat kong sabihin.

Nang makita ko si Jean, sumenyas na ako kila Jason. Nagtago na sila habang nakasilip sa mangyayari. Tinawag ko si Jean...

"Jean! Jean!"

"Uy bakit Tim?" Sabay sagot nya na nakangiti pag tingin sa akin.

Nagsimula na akong kabahan. Pero naalala ko ang rule number one, huminga ako ng malalim at hindi nagpapahalata na kinakabahan.

"Uhmm. May sasabihin kasi ako sa'yo" medyo nauutal na ako habang binubuksan ang bag ko para kunin ang nakatagong tatlong bulaklak at tsokolate

Bago ko mailabas ang regalo ko sa kanya, bigla syang nagsalita na may kasamang pananabik...

"Nga pala, may papakilala ako sayo Tim!" Sabay tawag sa isang lalake sa likuran nya na akala ko ay nagaabang lang ng nakakakilig na kaganapan.

"Si Angel nga pala, boyfriend ko, yung nasabi ko sayo na bestfriend ko" habang nakangiti na kanyang sinabi

Huminto ang mundo. Parang lahat ng bagay sa paligid ko ay hindi gumagalaw. Kulob lahat ng naririnig ko. Hindi ko alam kung ano ba talaga nangyayari o totoo ba ang nangyayari. Napatingin ako bigla kila Jason, at nang makita ko sila, lahat sila ay nagtatawanan at nagbabatukan. Ang mga tunay na kaibigan, tatawanan ka muna bago ka damayan.

Hindi ko alam ang sasabihin ko kay Jean habang nakasuot ang mga peke kong ngiti, biglang pumasok sa eksena si Jason at sinabi

"Tim! Uy Jean nandito ka din pala. Pupunta kasi kame nila Tim sa Mall, may nirereto kame sa kanya dun eh." Habang kinukurot nya ako sa braso na parang gusto nyang umo-o ako sa sinasabi nya.

"Ay oo nga, sa katunayan yun ang sasabihin ko sayo dapat, eto nga oh handa na bulaklak na ibibigay ko. Tatlo pa yan para 'I love you'" Sabay tawa.

Pagtingin ko kay Jason, siryoso syang nakatingin sa akin na parang may mali sa sinabi ko. Sabay biglang bawi sa eksena at binati ang kasama ni Jean

"Hey kamusta ka Angel? Ikaw nga ang nakekwento ni Jean. Akala ko babae ka. Angel kasi pangalan mo."

Pambihira. Hindi ko na alam mga sinasabi ko. Kaya nagpaalam na ako. Tahimik lahat sila at parang ako lang ang nagsasalita.

Pag layo namin ni Jason, bigla syang umakbay sakin at sabi

"Sana di ka na nagsalita eh, nanginginig boses mo kanina. Halatang paiyak ka na. Halata tayo! Ganda na nga ng pasok ko eh!"

At simula noon ay natuto na ako na dapat kapag may gusto ka sa isang tao, sabihin na ito agad. Pero ayos lang, crush ko lang naman sya at walang sakit na nadama. Yun ang unang aral na natutunan ko pag dating sa love – true love man o puppy love – na sabihin mo ang nararamadaman mo dahil baka huli na ang lahat at pagsisihan mo ito.

Kinabukasan, sa kwentuhan namin ni Jason sa nangyari, tawanan na lang ang ginawa namin. Ang jologs pala ng ginawa at mga sinabi ko. Natapos ang high school na may saya at tawanan. Hindi na din talo. Tapos na din ang kasikatan at matatamasa ko na ang normal na buhay estudyante.

Ang pagibig makakapaghintay yan, pero ang saya ng pagkakaibigan hindi dapat lumipas yan.



PAGHIHINTAY Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon