XI. "BEST"

23 0 0
                                    

Dumaan ang ilang buwan, tuloy-tuloy kami nagkakatext ni Khay. Araw-araw na din ako nagtetext sa kanya, at ganun din siya. Walang sawa, walang humpay. Mas nakikilala ko na siya, at ganun din siya sa akin. Sa t'wing may problema ako at bad trip sa professor, kaklase o subject namin, kay Khay ko din sinasabi.

Minsan din akong nagkaroon ng problema sa aming pamilya, hindi ko alam kung paano at kanino ko sasabihin. Hindi din ako nakapagtext ng isang buong araw kay Khay nung panahong iyon. Pero sa halip si Khay ang nagtext at nangamusta sa akin. Sobrang lungkot ng panahong iyon pero nandun si Khay at handang makinig sa akin. Tinanong ko kung pwede ko ba siya makita at makausap man lang, at walang alinlangan naman siyang pumayag.

Pagkatapos ng klase niya, hinintay ko siya sa labas ng kanilang building. Wala na ang hiya at "feeling awkward" na pakiramdam sa tuwing makikita ko siya, siguro ganun na kagaan ang loob ko sa kanya. Habang kami ay naglalakad papunta sa Sunken Garden sa UP Diliman, sinabi ko sa kanya lahat ng problema at sama ng loob ko sa aking pamilya. Unang beses ko lang magsabi ng problema sa ibang tao bukod kay Jason. Sa aming paguusap, halos hindi siya nagsasalita at nakikinig lang sa mga sinasabi ko. Umupo kami saglit sa isang bench, magkaharap lang kami at nakatingin siya sa mata ko habang inilalabas ko ang mga hinaing at problema ko.

Maya-maya, hindi ko alam na parang paiyak na pala ako. Siguro hindi ko na kinaya sa tagal ng pagtatago ko ng aking nararamdaman. Isa sa problema ng mga lalake ay ang pagtatago ng lungkot at kahinaan sa ibang tao. Nais lang ipakita ay ang kalakasan at hindi uubra ang kahit anong problema. Nang makita ni Khay na naliligid ang mga luha ko, iniabot niya agad ang panyo nya sa akin, napatingin ako sa mga mata niya at napansin ko na naiiyak na din siya. Siguro naawa o na-touch siya sa mga sinasabi ko, hindi ko alam, pero kahit na siya mismo ay naiiyak na ibinigay niya pa ang panyo niya sa akin.

"Tim, kaya mo yan. Tapang mo na harapin mga problema at bilib ako sayo" Sabi ni Khay pagkabigay ng kanyang panyo sa akin.

Nagpasalamat ako. Nagpunas ng patulo pa lang na luha at sinabi...

"Salamat Khay ha. Sorry ang korni ko, naiiyak na lalake. Lalabhan ko muna panyo mo. Babalik ko next time" Sagot ko sa kanya habang naka-iyak-tawa ang ngiti

"Ok lang yun no. Dapat minsan ang mga lalake umiyak din. Senyales na matapang din yun." Sabi ni Khay.

Niyaya ko siya magmerienda sa may UP Town Center. Bumili lang kami ng Burger at Fruit shake. Mahilig siya sa Mango shake pala at dun ko lang nalaman. Matagal pa kami nagkwentuhan at nagtawanan nung araw na yun. Wala din naman ako pasok kaya nagpalipas ako ng maghapon sa UP kasama ang taong pinapangarap ko lang makasama noon. Tumambay kami sa Oval at nanood ng mga naglalaro ng Soccer. May mga nagjojogging din sa tabi. Maraming estudyante at magbabarkada sa mga kalapit na bench. Bago magdapit hapon, nagpasalamat ako kay Khay sa pakikinig at pagsama niya sa akin sa oras na may problema ako at kailangan ng kausap. Ngumiti lang siya at sinabing

"Wala yun Tim. Magkaibigan tayo eh, close na din tayo. Syempre sasamahan talaga kita. Salamat din sa tiwala" sagot ni Khay na suot ang nakakapanghina niyang ngiti

Napangiti na lang din ako nang sabihin nya yun. Napatingin din ako sa paligid at nakita ko na may mga mag-partner din na nakaupo sa ibang upuan, feel na feel ko ang oras nay un dahil parang partner din kami ni Khay, at siya pa ang pangarap ko. Nagkwentuhan pa kami saglit at nagdesisyon nang umuwi.

"Salamat ulit Khay. Para kang si Jason, hindi lang sa saya kita nakakausap at nakakakwentuhan pero ngayon pati din sa oras na malungkot at may problema ako." Sabi ko sa kanya habang papunta kami sa sakayan ng Jeep

"Wala yun noh. Oo nga eh. Ako ang babaeng version ni Jason." Sabay tawa siya.

Masaya sa pakiramdam na makitang tumatawa si Khay, at ako sanhi ng tawa niyang yun. Nakakagaan ng pakiramdam. At bago siya sumakay ng Jeep, sabi ko sa kanya

"Khay, kapag ikaw may problema sabihin mo lang din sakin kung ok lang sayo. Dito lang din ako."

"Sige ba. Sige ingat ka" Sagot ni Khay.

Naglakad ako pauwi sa amin. Ibang-iba na ang pakiramdam ko kung ihahalintulad sa pakiramdam ko bago kami magkita ni Khay. Sobrang saya ko. Sobrang magaan. Alam ko na may problema parin sa pamilya at ibang aspeto ng buhay, pero dahil kay Khay nababalnse ang negatibo kong pakiramdam dahil sa positibong emosyon na nararamdaman ko kapag kausap at kasama ko si Khay. Paguwi ko sa bahay agad ko din tinext si Khay at nagpasalamat ulit.

Ilang linggo ang lumipas, humupa na ang problema sa pamilya at personal na buhay ko, balik na ulit sa dating saya. Ganun din sa ibang aspeto ng buhay ko. Pero ang relasyon namin ni Khay bilang magkaibigan ay patuloy na lumalalim at sumasaya. Kahit magiisang taon na simula noong una ko siyang beses nakatext at nakausap, iba parin ang kilig na nararamdaman ko sa twing magkatext kami. Nagkikita na din kami ng mga tatlo hanggang apat na beses sa isang buwan para magkwentuhan at magmerienda lang. Panay ang tawanan at walang hanggan ang mga kwentuhan na parang hindi kami nauubusan ng topic.

Hindi ako "assuming" ngayon, pero napapansin ko na gumagaan na din ang loob ni Khay sa akin. Minsan din ay nauuna na siya magtext sa akin. Halos araw-araw na din kaming naka unli-text. At sa tuwing mag uunli-text kami, sabay dapat kami para sabay din maexpire ang promo. Nakakatuwa na nakakakilig. Sa mga panahon din na yun, mas ginaganahan din ako magaral dahil na chachallenge ako sa pagsusumikap ni Khay sa pagaaral.

Pero isang araw, nagtext si Khay...

"Tim, pwede ba tayo magkita. May problem ako."

Pumayag agad ako. Unang beses na nag aya si Khay na magkita kami, at alam ko na may problema nga siya sa mga oras na yun. Nang magkita kami sa dating tagpuan sa may UP Oval, sinalubong nya ako na nakangiti pero nakikita ko sa mata niya ang mabigat niyang dinadala. Nagkwento muna siya tungkol sa school at halatang tinatago niya ang lungkot sa likod ng mga ngiti na patuloy niyang suot-suot sa oras na yun. Pero ilang minuto pa ang lumipas at bumigay din siya at naluha. Natahimik ako at hindi alam ang gagawin, unang beses ko makaranas na may babaeng umiiyak sa tabi ko. Binigay ko ang panyo ko sa kanya at tinanong kung bakit siya umiiyak. Bilang kanyang kaibigan, nakikita ko na kahit na malakas ang personalidad ni Khay, matapang at pala-ngiti, kilala ko siya na mahina ang loob at tinatago din ang problema at lungkot.

Dahan-dahan sinandal ni Khay ang kanyang ulo sa aking balikat habang magkatabi kami sa upuan. Hindi siya agad sumagot sa tanong ko, nagpupunas lang siya ng luha. Mga limang minuto din kaming tahimik. Hinihintay ko siya magsalita at hindi ko din siya pinilit. Maya-maya, umayos siya ng upo at nagkwento na. Ang problemang dinadala niya ay tungkol sa kanila simbahan, hindi daw siya maintindihan ng kanyang mga kasama at laging nasasabihan na mataray at suplada.

Naalala ko ang sinabi ni Ran sa akin noon patungkol sa personality ni Khay, at doon ko siya naintindihan. Dahil kahit ganon ang turing at tingin sa kanya ng kanyang mga kasama, nananatili parin siya sa simbahan dahil sa pagmamahal niya sa kanyang gawain at sa simbahan mismo. Binigyan ko ng konting encouragement lang si Khay kagaya ng kanyang ibinigay na encouragement sa panahong ako ang may problema. Nagkwento lang siya ng nagkwento at naglabas ng sama ng loob.

Makalipas ang ilang oras, naging okay na din siya. Ngumingiti na ulit. Nagkwento ako ng kung ano anong kalokohan. Binilhan ko din sya ng Mango Shake para mawala man lang kahit kaunti ang sama ng loob niya. Kwentuhan, tawanan, minsan iyakan. Yan ang nangyari sa buong maghapon na magkasama kami. Hindi ko maisulat dito kung gaano ako kasaya sa tuwing magkasama kami, basta ang alam ko masaya ako at kasama ko siya at nagkakaintidihan kami.

"Masaya pala sa pakiramdam kapag nailabas mo sama ng loob mo, tapos sa tao pang napagkakatiwalaan mo" Sabi ni Khay sa akin habang nakangiti.

"Uhmm. Salamat sa tiwala Khay! Asahan mo dito lang ako, kaya text mo lang ako kapag may problema ka, bibigyan kita ng Mango shake!" Sagot ko na puno ng saya

Sa paguwi namin, habang naglalakad papunta sa sakayan, sabi ko kay Khay

"Ikaw siguro Bestfriend ko na babae, at unang bestfriend na babae"

Natawa si Khay at sumagot sa akin, "Yan nga din iniisip ko, ikaw din unang bestfriend ko na lalake, at isang bestfriend lang"

Namula ang muka ko sa kilig at tila ba gusto lumabas ng puso ko sa aking dibdib ng sabihin niyang bestfriend ang tingin nya sa akin.

"Wow! So Best! Best nalang tawag ko sayo. Ok lang?" Reaksyon ko sa sinabi nya na suot ang ngiti na kinikilig

"Sure Best! Salamat ulit!"Sagot ni Khay. 


PAGHIHINTAY Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon