Sabi nga nila, kahit gaano man daw kamanhid ang isang tao, nakakaramdam din yan. Yan ang parati kong iniisip sa tuwing ako ay gigising sa umaga. At palagi ko din dinadalangin na balang araw ay makikita ko din ang pagasa na magkakagusto din sa akin si Khay. Siya talaga ang pangarap ko at naniniwala ako na magigising ako isang umaga na ang pangarap ay hindi imahinasyon lamang.
Bago matapos ang bakasyon, nagkaroon ng Summer Camp ang aming church kasama ang church nila Khay. Sa tingin ko magiging masaya ang Summer Camp na yun dahil ito ay gaganapin sa Puerto Galera, at dahil kasama si Khay. Ilang araw na lang ay makikita ko na ulit siya.
Lunes ng umaga, handa na kami papunta sa Puerto. Kasama ko ang aking mga churchmate at si Jason. Pag dating namin sa Batangas Pier, nakita ko na sila Ran at sa di kalayuan ay nandun din si Khay kasama ang mga kapatid niya. Halos humigit kumulang singkwentang kabataan ang pupunta sa Summer Camp na yun. Nilapitan ko si Khay at kinamusta. Kinakapalan ko na ang muka ko talaga huwag lang lumipas ang pagkakataon na baka mawala pa ang pangarap ko. Pinakilala din ako ni Khay sa kanyang mga kapatid. Ok silang lahat at mababait din kagaya ni Khay. Natuwa ako ng sobra dahil nakilala ko din ang mga kapatid nya sa personal. Nagusap pa kami ng ilang minuto bago ako tawagin para sumakay na sa Bangka papuntang Puerto.
Iba ang camp na ito, hindi kagaya ng ibang camp na napuntahan ko. Bukod sa magandang lugar, exciting din ang mga activities na gagawin; aakyat ng bundok, magha-hiking, at marami pang pisikal na gawain na alam kong excited ang mga kabataan. Kasama ako sa mga leaders ng camp, ganun din si Khay. Tuwing gabi may meeting ang mga leaders para sa mga gagawin sa susunod na araw. Sa tuwing nagaganap ang meeting, panay ang tingin ko kay Khay habang nakaupo kaming lahat sa isang malaking lamesa. Madalas siyang nagsusulat sa notebook niya, habang ako naman ay hindi mapakali sa aking kinauupuan. Hindi ko alam kung bakit, pero siguro ganun talaga kapag kasama mo ang crush mo sa isang lugar, hindi ka mapakali at panay ang tingin sa kanya.
Kasama ko sa aking grupo ang kapatid ni Khay, si Ruth. Siya ang panganay sa magkakapatid. Naging malapit din kami dahil parehas kaming leader sa isang group sa camp. Makulit sya pero ang kulit niya ay hindi kagaya kay Khay. Friendly din si Ruth at gusto siya ng lahat ng taong nakapaligid sa kanya. Habang kasama ko siya, iniiwasan kong magtanong tungkol kay Khay kahit gusto ko sana magtanong, sa kadahilanang nahihiya din ako at baka mahalata niya na gusto ko si Khay. Pero isang araw habang kami ay naghahanda ng merienda para sa aming grupo, kinausap niya ako...
"Tim, nagkakatext kayo ni Khay diba? Ikaw ah!" habang nakangiti na may halong pangaasar
"Uhmm. Paano mo nalaman? Wala, kaibigan ko lang siya, kasi madami din siyang alam sa music." Pagtatanggol ko sa sarili ko at sa tunay na nararamdaman ko
"Nasabi nya sa akin. Close kami no. Kami pinaka close sa magkakapatid kaya mga ganung bagay alam ko din." Ang sabi ni Ruth.
Sa oras na yun, iniisip ko kung paano ba nasabi ni Khay sa kapatid nya na magkatext kami. Baka naiirita siya sa akin, baka naiistorbo ko na pala siya, baka din makulit na ako masyado. Kaya tinanong ko si Ruth
"Hmm. Alam nyo pala. Paano naman nasabi sa inyo ni Khay na magkatext kami?" Tanong ko kay Ruth
"Ahh. Nasabi nya lang. Tinanong ko nga kung pumoporma ka eh. Sabi ni Khay sakin mukang pumoporma ka nga daw sa kanya" Sagot ni Ruth
Nagulat ako at nahiya ng sobra. Halatang-halata pala na pinopormahan ko si Khay! Tinanong ko si Ruth kung ano reaksyon ni Khay
"Ok ka naman daw. Hindi ko na tinanong yung iba pa. Kayo na bahala dun, Malaki na kayo." Sagot ni Ruth sa akin.
Napangiti ako ng sabihin na "Ok" naman daw ako. Ibig sabihin ok lang ako kay Khay at ok lang na nagtetext ako sa kanya. Medyo nakahinga ako ng maluwag ng malaman ko yun, pero hindi parin mawala sa isip ko yung takot na baka ayaw niya talaga sa akin at naiirita siya sa akin.
Huling araw sa Summer Camp at naka-schedule kami na umakyat ng bundok kasama ang ibang campers. Kasama din si Khay sa mga aakyat at ganun din si Ruth. Kasama ko naman si Jason at Allen, samantalang ang ibang leaders ay naka-assign sa ibang lugar para samahan din ang ibang campers. Matarik ang bundok, madulas din. Mahirap akyatin lalo na kung hindi sanay umakyat ang aakyat dito. Kailangan din ng teamwork sa pag akyat para makaabot sa tuktok ng maaga. Kanya kanyang tulungan ang mga campers. Kapit dito, kapit doon. Madami ang nadudulas at nasusugatan, pero masaya parin at puno ng tawanan.
Sa unahan ako ng grupo pumwesto kasama si Allen, at si Jason naman sa dulo. Pumwesto kami para alalayan ang mga campers. Nagkataon naman na si Khay at Ruth ay nasa likod namin ni Allen. Walang nakakaalam na gusto ko si Khay, tanging si Ruth at Jason lang. May isang parte ng bundok na kailangang magtulungan at hilahin pataas ang mga nasa baba. Nauna ako at si Allen pataas dahil abot namin ang tutungtungang bato. Inabot ni Allen ang kamay nya sa isang babaeng kasunod namin at sinabing ako daw sa isa. Nang makita ko yung tinutulungan nya, si Ruth pala, at ibig sabihin ako ang tutulong at hihila kay Khay. Para akong nanghina at nawalan ng lakas sa sobrang kilig, hindi pa nga nangyayari ay kinikilig na. Inabot ko ang kamay ko kay Khay at kumapit siya sa kamay ko. Holding Hands kami!!
"Ingat lang ha, baka madulas ka. Kapit ka lang maigi" Sabi ko sa kanya sa tono na parang si Superman
"Sige, huwag mo ko bibitawan Tim! Lagot ka sakin" Kinakabahan na boses ni Khay pero nakangiti parin
Sobra ang kilig ko at sinasabi ko sa isip ko... "Oo, hindi kita bibitawan. Hindi kita sasaktan". Hindi ko maipaliwanag ang saya na nadarama ko ng oras na yun. Habang magkahawak ang kamay namin, parang nawala lahat ng campers sa paligid, tumugtog ang kantang "Forevermore" by Side A sa background, at slowmo lahat ng nangyayari. Sana tumigil ang oras na magkahawak kamay namin. Hinila ko siya paitaas, at agad naman siyang nagpasalamat. Nginitian ko siya at ganun din siya sakin – love story sa limang minuto
Nakaakyat kaming lahat sa tuktok ng bundok. Kitang kita sa mata ng mga campers ang saya kahit mahirap, pero mas doble ang saya ko dahil mas naging malapit pa kami ni Khay sa isa't-isa. Sa pagbaba sa bundok, tinignan ko ulit sa likuran ang inakyat namin. Hindi na mabubura sa isipan ko ang saya at alaala sa bundok na iyon. Kasama si Khay at ang karanasan namin sa bundok kung saan ko naramdaman ang sobrang kilig na kayang maging rason ng lindol (OA joke lang).
Sa huling gabi sa Puerto, naisipan kong ibigay kay Khay ang Key chain na bigay pa sa akin ng Mama ko nung nasa Elementarya ako. Regalo niya ito sa akin nung nanalo ako sa isang contest ng poster making. Key chain na may bulaklak na Tulip. Pagkatapos ng huling leaders meeting, tinawag ko si Khay at kinamusta. Nagkwentuhan kami saglit at bago siya umakyat sa kanilang kwarto, inabot ko ang keychain sa kanya
"Khay, sayo nalang. Thanks for the friendship"
Ngumiti at nagpasalamat si Khay, tinignan ang keychain, nagpasalamat ulit. Inilagay sa bulsa ang keychain at umakyat na sa kwarto. Habang pabalik na ako sa kwarto ng mga lalake, tumunog ang cellphone ko – Nagtext si Khay.
"Tim, Punta ka ulit dito sa may meeting area. saglit lang"
Dali-dali akong nagpunta sa meeting area, pero wala siya. Maya-maya bumaba siya sa kwarto at may inabot sa akin – Card na may quotation:
"God grant me the serenity to accept the things I cannot change, the courage to change the things I can, and the wisdom to know the difference"
Ito ang unang regalo na binigay sa akin ni Khay. Abot tenga ang ngiti ko at rinig ng mga anghel sa langit ang kilig na nadarama ko. Biglang nagsalita si Khay
"Salamat din Tim. Thanks for the friendship." Sabay ngiti habang magkatinginan ang mga mata namin.
Sa paguwi naming pabalik ng Manila, ibang pagpapasalamat ang gusto ko idalangin sa Maykapal. Sa masayang camp bago magpasukan, mga bagong kaibigan na nakasama, at mas lumalim na pagkakaibigan namin ni Khay. Habang nasa byahe pauwi, naisip ko na kung natakot ako at hindi tumuloy noon wala sana ang saya na nararamdaman ko ngayon.
Balik sa dating buhay, balik eskwela. Pero hindi parin tapos ang pag suyo ko kay Khay.
C
BINABASA MO ANG
PAGHIHINTAY
RomanceIto ay kwento ng sakit at saya na mayroon sa paghihintay. Marahil ito ay narinig, nakita o naranasan na ng mga simpleng tao na minsan ay umasa sa salitang "Pag-ibig". Gaano nga ba katagal dapat umasa? Gaano katagal dapat maghintay sa salitang kasing...