XVI. AYAWAN NA, MASAKIT NA EH! (LAST CHAPTER)

49 0 0
                                    


"Bro, umpisahan mo na mahalin sarili mo. Mahalin mo na din ng totoo ang mga taong nandyan para mahalin ka ng kagaya ng pagmamahal mo kay Khay"

Yan ang payo sa akin ni Jason.

May limang taon na din pala simula nang matapos ang lahat sa amin, dalawang taon simula nung huli kaming magkita sa isang coffee shop. At isang taon na kami ng girlfriend ko ngayon. Hindi ko maintindihan, litong lito ako. Tila ba may pintuang hindi nakasara sa akin na kailangan ko isara. Pero hindi ko kaya dahil sa takot, takot masaktan at makasakit pa ulit. Pero ayoko namang mabuhay sa panghihinayang at pagsusuot ng maskara na magtatago ng bukas na nakaraan at iniwang sugat nito.

Binaling ko ang aking atensyon sa musika, sa gitara at mga gadgets pa. Pinilit ko mahalin ang mga bagay na nakapagpapasaya sa akin para mapunan ang pagkukulang sa loob ko. Nagpunta ako ng madalas sa church, baka sakaling maghilom ang sugat ko.

Naalala ko ang pangakong binitawan ko matapos namin maghiwalay ni Khay, na kapag siya ay wala pang nagugustuhan matapos ang limang taon, gagawin ko ang lahat para maging kami ulit. Dahil naniniwala ako na sya ang itinakda sa akin ng Diyos. Yun ang "deal" namin ni Lord. Pero ako ang unang bumigay.

Makalipas ang limang taon, kahit hindi ko siya iniisip, patuloy siyang dumadalaw sa aking panaginip. Araw at linggo ang lumipas na laging sya ang nasa panaginip ko. Naalala ko ang aking pangako. Pero tila huli na ang lahat, may gusto na siyang iba. At masaya na siya. Hindi ko siya guguluhin para lang sa sarili kong kapakanan at kaligayahan.

Kaya ito na siguro ang huling chapter ng paghihintay ko. Minsan may mga pagkakataon talagang nasasayang at nangyayari ang hindi inaasahan. Hindi lahat ng kwento ay may masayang pagtatapos. Pero hindi rin naman ibig sabihin na malungkot ang katapusan. Dahil si Khay ay aking "ultimate" crush, naging magkaibigan, halos magkasintahan, nagaway, nagkabati, naging magkaibigan ulit. At yun ang mahalaga. Na wala kaming sama ng loob sa isa't-isa at masaya na siya.

Wala naman akong ibang nais kundi ang kaligayahan nya matapos ang sakit na naidulot ko sa kanya. Kung sino man ang nakakabasa neto na umaasa na magkaroon ng "second chance" ang naudlot na pagmamahalan, hindi lahat ng second chance ay para sa inyong dalawa, madalas ito ay para sa iyo. Pangalawang pagkakataon para mahalin ang sarili, pangalawang pagkakataon para bigyan ng oras ang sarili at hindi na muli sayangin ito. Pangalawang pagkakataon para maging masaya para sa minamahal.

Hindi lahat ng paghihintay ay nagtatapos para maging kayong dalawa. Dahil minsan ikaw ay naghihintay para sa sarili mo, na makita ang sarili at makilala pa ito ng higit. Naghintay ako. Akala ko na siya lang ang hinihintay ko, pero hinintay ko lang pala ang sarili ko na maging maayos at tanggapin na wala na ang taong mahal ko, na tanggapin at maging masaya para sa kanya. Dahil kung mahal mo ang isang tao, ang tanging naisin mo ay maging masaya ka, sa piling mo man o sa piling ng iba.

At kung mabasa man ito ni Khay, pansinin nya man ito o hindi. Ok lang. Hindi lahat ng relasyon ay kailangan ng "closure" dahil minsan ang pagtanggap sa katotohanan ay ang "closure" na mismo.

Ang paghihintay ko ay magtatapos na dito, paghihintay ko sa aking sarili na makawala na sa mundo ng paghihintay sa kanya. Paghihintay na maiayos ang sarili at maging malaya ulit sa kalungkutan at panghihinayang. Maaaring mawala ang sakit at hapdi ng isang sugat, pero ito'y paniguradong magiiwan ng peklat. Peklat na nagpapahiwatig na minsan kang nakaranas ng sakit, gumaling man pero habangbuhay na mananatili sa puso't isipan.

Pero bago ito matapos, napaisip ako... mahirap maghintay ng Bus sa sakayan ng Jeep. Naghihintay ka makasakay at naghihintay ang Jeep ng pasahero. Naghihintay din kaya si Khay? Naghintay din kaya siya? Naghintayan kaya kami?

Ano kaya ang sagot niya sa huling chapter ng paghihintay ko?

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 28, 2016 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

PAGHIHINTAY Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon