Chapter 1 Part 1

4.3K 62 16
                                    

"I NOMINATE Cindy Arboleda for muse."

Inilista ni Quinn ang pangalan ng pinsan sa blackboard. Siya ang bagong nominadong class secretary ng third year section one ng Sitangco Academy. Para iyon sa homeroom officers ng klase.

Umulan ng hiyawan at palakpakan sa classroom. Sa simula pa lang ay si Cindy na ang laging nananalong muse. Puno ng kompiyansang tumayo ng upuan si Cindy at naglakad aisle na parang isang tunay na beauty queen. Kumaway pa ito at nag-flying kiss na parang nanalo na ito sa pageant.

"I nominate Quinn Barameda."

Nakamaywang na hinarap ng dalagita ang nakangising nag-nominate na si Sosimo. "Sosimo Binayubay!" Itinuro niya ito gamit ang chalk. "Hindi mo ba nakikitang class secretary na ako? Hindi ko na kailangan pang maging muse."

Ipinaypay nito ang abaniko na parang isang donyita. "At bakit hindi? Maganda ka naman! Sexy ka rin. Wagi ang ganda mo, sister."

"Oo nga!" sagot ng iba pa nilang kaklase.

"Bakit nga ba hindi pwedeng maging secretary na muse?" wika ni Miss Soriano, class adviser nila na nasa likod ng classroom at pinapanood sila. "Saka maganda ka at matalino. I am sure maire-represent mo ang klase natin."

"Ikaw kaya ang nagturo sa akin kung paano ang kilos ng isang tunay na beauty queen nang sumali ako sa Miss Gay Baranggay," dagdag ni Sosimo saka kumaway habang nakanganga pa na animo'y isang tunay na beauty queen.

Bata pa lang kasi sila ay iyon na ang training nila sa bahay. Ang mga maging beauty silang magpipinsan balang-araw at susunod sila sa yapak ng mga nanay nila na parehong nakalaban sa mga beauty pageants. Ipinasa ng mga ito sa kanila ni Cindy ang pangarap ng mga ito na maging Miss Universe. Kung ganda lang naman ang pag-uusapan, di nagkakalayo ang ganda nila ni Cindy. Pareho silang matangkad. Mas balingkinitan lang siya dito at mukhang mas bata kahit na magkaedad lang sila.

Nahuli niya ang pagsimangot at pag-ingos ni Cindy. Ayaw kasi nito nang kinokompitensiya. Bukod pa sa gusto nito ay maging kasingpayat niya. "Ma'am, tatanggihan ko na lang po. Gusto ko naman na magkaroon ang iba ng chance na magkaroon ng posisyon," anang si Quinn at ngumiti sa pinsan.

"Ay!" angal ni Sosimo at nakasimangot na umupo.

Di rin niya gustong makabangga ang pinsan. Di naman siya interesado na maging muse. Ayaw niyang maging beauty queen. Para sa kanya ay may iba pang bagay na magpapasaya sa kanya kaysa sa pagpapaganda at pagpapa-sexy para hangaan ng lahat. Kaya bakit di na lang iyon ibigay sa taong totong may gusto nito?

Muling sumilay ang ngiti ni Cindy. At lalong lumapad ang ngiti nito nang ito ang nanalong muse. Ang tanging kaligayahan lang naman nito ay ma-recognize ng lahat na ito ang pinakamagandang babae sa kahit saan.

"The table is now open for the nomination of escort."

"Turvey Sitangco!" anunsiyo ng maiingay na lalaki sa likod.

Awtomatiko siyang sumimangot. Si Turvey ay anak ng may-ari ng academy. Kahit na wala namang utak ay nasa section one. Guwapo nga ito pero nuknukan ng yabang. Mahilig pang mang-bully at animo ay hari ng paaralan. Kahit mga teacher ay natatakot na pagsabihan ito dahil baka mawalan ng trabaho.

Tumikhim si Turvey at kumaway. Lalo namang naghiwayan ang mga alagad nito. Tumahimik ang iba dahil maraming may ayaw kay Turvey. Subalit walang magtatangkang magsalita sa mga ito dahil takot na lalong ma-bully o kaya ay mapag-initan ng grades.

Hinila-hila ni Turvey ang harap ng polo at tumabi sa kinikilig na si Cindy. "Kitang-kita naman na kami ang bagay, hindi ba?" tanong ng binatilyo sa klase.

My Fat Chance By: Sofia (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon