Chapter 2

1.4K 29 2
                                    

"Ang sarap-sarap talaga ng enseymada na gawa ng Mama ni Chance. Panalo 'to!" Hindi halos magkamayaw si Quinn sa pagkain ng enseymada. Nasa botanical garden siya at nagla-lunch break. Kinahapunan ay P.E. nila kaya sa eskwelahan na rin siya nagpapalipas ng oras.

Nakangiwi si Sosimo habang pinagmamasdan siyang kumain ng ube enseymada. Anuman ang mga epektus o masasarap na pagkain na manggagaling kay Chance ay dito na dadaan. "Alam mo di ka magandang ehemplo sa mga aspiring beauty queen na tulad ko. Grabe ka kung makakain."

"Shhh!" saway niya dito at uminom ng tubig. "Paminsan-minsan lang naman 'to. Saka hindi naman ako basta-basta tataba."

"Gaano ba kadalas ang minsan, aber? Baka bukas-makalawa magkasala ka na naman." Tumayo ito at nagpalakad-lakad sa harap niya na parang nakapalalim ng problemang kinakaharap. Taliwas iyon sa itsura niya na parang nasa langit habang kumakain ng masarap na enseymada. "Sabi mo hindi ka naman nililigawan ni Chance. Pero para saan ang enseymada?"

"We have a deal. Kung tutulungan ko siya para makalapit kay Cindy, palagi akong makakatanggap ng mga pagkaing nagmula sa langit."

"Ayan na. Tinupad na niya ang usapan ninyo. Paano ka naman? May nagawa ka na ba para sa kanya?"

Lumabi siya. "Wala pa sa ngayon."

"May naiisip ka na bang idea para masunod ang usapan ninyo?"

Marahan siyang umiling. "Wala pa rin. Kapag natapos ko nang kainin itong enseymada niya, makakapag-isip na ako."

Nasapo ni Sosimo ang noo. "Kahit ako walang maisip na paraan. Kasi parang himala naman yata na mailapit mo ang isang gaay ni Chance sa pinsan mo. Maldita iyon. Gusto niya beautiful people tulad ko lang ang nakapaligid sa kanya. Ang naiisip ko na lang sigurong paraan ay magayuma mo siya para mapalapit siya kay Chance."

Napaisip siya. "Oo nga, no? Parang mahirap nga. Hindi naman ako fairy godmother na may magic para i-transform siyang Prince Charming. Di rin naman ako mangkukulam para magawan siya ng gayuma na aakit sa pinsan ko. At lalong di naman ako si Doktora Vicky Belo na kayang higupin ang mga taba niya. Baka umasa pa siya sa wala."

Biglang sumakit ang ulo ni Quinn. Kung bakit nagpadala siya sa tawag ng katakawan. Hindi naman kasi niya alam na seseryosohin iyon ni Chance. Bigla tuloy siyang namoroblema. Di niya inanalisa ang pros and cons bago niya tinanggap ang pakikipagkasundo sa kaklase.

"Ano? Uurong ka na ba?" Itinuro ni Sosimo ang box ng enseymada. "Ngayon ka pa uurong kung kailan nabawasan mo na ang bigay niya? Sarap na sarap ka pa mandin."

Nakagat niya ang labi nang makitang dalawang pirasong enseymada na lang ang natitira. "Oo nga. Di na ako pwedeng umurong."

Pero parang sasabog na ang isip niya pero wala siyang epektibong paraan na maisip. Kasama kasi si Chance sa listahan ng mga tao na di nanaising maka-close ni Cindy. Tiyak daw na makakasira sa magandang image nito. After all, birds of the same feather flock together. Gusto nito na palibutan lang ito ng mga glamorosang tao - mayayaman, sikat, magaganda at guwapo. Hindi kailangang matalino o mabait basta pleasing sa mga mata nito. At parang gagalisin ang pinsan niya kapag may mga di pasado sa standard ng kagandahan para dito na nasa paligid nito. Kapag napansin nito na ginagawan niya ng paraan para idikit si Chance dito, tiyak na kakalbuhin siya ng pinsan.

"Saan ka dapat uurong?"

Gulat siyang napalingon sa pinanggalingan ng boses. Napalunok siya nang makitang si Chance iyon. "O! Anong ginagawa mo diyan?"

Narinig ba nito ang usapan nila ni Sosimo? Hanggang saan? Baka bawiin na nito ang enseymada at magalit sa kanya.

"Hinahanap kasi kita para ipahiram ang notes na kinopya namin sa Social Studies kanina. Ikaw ang secretary kaya ikaw ang nagsulat ng lecture sa blackboard. Baka wala ka pang nahihiraman ng notes mo." At inabot sa kanya ang notebook nito. "Hiramin mo muna."

My Fat Chance By: Sofia (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon