Chapter 16

811 24 4
                                    

"Parang di mo pa yata nababawasan ang cake mo," puna nito at dahan-dahang umupo. "Hindi ba parang hinihipan lang ang cake kapag inilapag sa harap mo? Ganon ka pa rin ba?"

"Kapag may time at nasa mood. Bestseller sa kanila ang blueberry cheesecake. Gusto mo subuan kita?" alok niya at inilapit sa bibig nito ang tinusok niyang cake sa tinidor.

Kumagat naman ito at nagtawanan sila. Ikinuwento nito sa kanya ang pagpapatuloy nito ng pag-aaral sa Italy. At ikinuwento naman niya dito kung paano niyang tinatakasan ang nanay tuwing sinusubukan siya nitong pasalihin sa pageant.

Parang bumalik sila sa dati - noong mabuti pa silang magkaibigan at hindi pa sila nito binabalewala para kay Cindy. Sana ay ito na ang simula ng magandang samahan nila.

"Wala ka talagang naging girlfried sa Italy?" tanong niya. "Baka naman hindi mo lang sinasabi kay Tita."

"Wala. Mas gusto ko pa rin ang mga Filipina."

"At ano ang gusto mong Filipina?" nang-iintriga niyang tanong.

Bahagyang nawala ang atensyon niya nang pumasok ang isang grupo ng mga babaeng kaedad din nila at palinga-linga. "Dito iyon. Dito nga ang nasa picture ni King. Dito sila kumain ng friends niya. Sabi nga niya baka mapadalas daw punta niya dito dahil dito laging pumupunta at tumatambay mga friends niya."

"E wala naman si King dito ngayon," nakabusangot na sabi ng payat na babaeng spaghetti strap dress at maong shorts. "Mukhang mahal pa mandin um-order dito."

"Okay lang iyan. Mahalaga parang kasama na rin natin si King."

Tumingin siya kay Chance na kalmado lang habang kumakain. Di niya alam kung deadma lang ito sa mga fans nito o sadyang abala lang ito sa pagtitig sa kanya. Mabuti na lang at naka-disguise ito kaya hindi nakilala ng mga fans. Kung hindi, baka dumugin ito at mawawalan na sila ng quality time. May perks din pala ang disguise nito.

"Yuck! Tingnan mo sila. Ang ganda-ganda 'nung babae tapos sexy pa atbalyena levels 'yung guy," pasaring ng babaeng naka-mataas na ponytail habang nakatingin sa direksyon nila ni Chance. "Pwede sila sa fairy tale. Beauty and the Pig!"

My Fat Chance By: Sofia (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon