Chapter 9

815 24 0
                                    

"QUINN, maganda ang project mo. Maisasama natin ito sa exhibit," puri ni Miss Soriano na siyang nagpagawa sa kanila ng project. Gusto daw kasi nitong I-promote ang kakayahan nila sa paggamit ng indigenous materials. Gagamitin nila iyon para sa exhibit na gagawin sa foundation day.

Pero di lang simpleng kubo ang ipinasa niya. Ginawan din nila iyon ni Chance ng clay figures nila Andres Bonifacio, Emilio Jacinto at mga Katipunero na nagpupunit ng cedula na kagaya sa Sigaw ng Pugadlawin. Gusto kasi ni Quinn na maging makabuluhan iyon.

"Tinulungan po ako ni Chance sa project ko," pagmamalaki niya sa guro. "May sugat po kasi ang kamay ko."

"Mabait talaga ang batang iyon. Talented pa. Gusto mo bang makita ang ginawa niya?" tanong ng guro at iginiya siya papasok sa library kung saan nakalagak ang ibang entry sa exhibit.

Nanlaki ang mata niya nang isang miniature Spanish era community ang ginawa nito gamit ang maliit na capiz at shell. Gumamit din ito ng recycled papers at abaka. "Wow! Ang galing niya."

"Napaka-talented niya. Natutuwa din ako na nagtutulungan kayong magkakakaklase. Sabihin mo sa kanya ang magandang balita."

Magagaan pa ang hakbang ni Quinn habang papunta sa botanical garden kung saan nandoon si Chance. Pero pagdating doon ay natigilan siya nang makita sina Chance at si Cindy na magkasama sa paborito nilang tambayan. Umiiyak ang huli habang inaalo ni Chance. "Sobra silang manlait. Pinagtatawanan nila ako. Sabi nila wala daw magkakagusto sa ginawa kong picture frame. Wala daw ako kahit kaunting creativity. Parang sobrang tanga ko," humihikbing sabi ng pinsan niya.

"Hindi naman siguro. Baka naman nagjo-joke lang ang mga kaibigan mo o ganoon lang sila mang-asar."

"Nakakasakit na sila. Baka nakakalimutan nila kung sino ang inaasar nila. I am Cindy Arboleda. A-Akala ko pa mandin tinatrato nila akong prinsesa at sa ganitong pagkakataon ko sila maasahan. But they treated me like trash. How dare them!"

"Huwag ka nang magalit. Hindi bagay sa iyo ang nagagalit."

Humikbi ang dalagita. "Sino ba naman ang di magagalit kung ganyan ang mga kaibigan mo? Mabuti pa si Quinn may mabuting kaibigan na tulad mo."

Nakahalukipkip lang si Quinn sa likuran ng mga ito habang di maiwasang makinig sa usapan. Di muna siya lumapit dahil gusto niyang malaman kung anong drama ng pinsan niya.

"Gusto mo bang ulitin ang project mo? May materials pa sa bahay. Ako na ang gagawa para maihabol mo bukas."

"Talaga? Tutulungan mo ako sa project ko." Pinahid agad ni Cindy ang luha. "Salamat, ha? Naku! Basta ikaw na ang magpaganda. Alam ko naman na kaya mo iyon. Ang bait mo nga talaga."

"Basta ikaw!" sabi nito. "Malakas ka sa akin."

Di na nakatiis si Quinn at lumapit sa mga ito. "Masakit din ba ang kamay mo at sa iba ka magpapagawa ng project, Cindy?" nakataas ang kilay niyang tanong. May paiyak-iyak pang nalalaman. Iyon pala ay magpapagawa lang ng project. May kakapalan din ang mukha. Matapos ang panlalait nito sa kaibigan niya, dito pa tatakbo. Kahit pinsan niya ito, di niya ito-tolerate ang kagagahan nito.

"Naglabas lang naman ako ng sama ng loob kay And he is so nice. He is willing to help." Matamis na ngumiti si Cindy at bumaling kay Chance. "Pagagandahin mo ang project ko, di ba?"

"Oo naman. Gusto mo gawin natin ang katulad ng project ni Quinn para mas mataas ang grade mo?" alok ni Chance sa pinsan niya.

"Excuse me! Sarili kong design iyon. Kung hindi lang masakit ang kamay ko, hindi ko iyon iaasa sa iyo. Kung hanggang picture frame lang ang kaya ni Cindy, hanggang doon lang ang gawin mo," maasido niyang sabi habang nakapamaywang.

"Kung ano na lang ang kaya mo, Chance. Oo nga pala. Invited ka sa swimming party sa Saturday. Mag-o-overnight kami sa Antipolo," anang si Cindy dito.

Napanganga si Chance sa pagkagulat. "Ako? Iniimbitahan mo ako?"

"Oo. Saka walang aaway sa iyo dahil ako ang kasama mo." Sama ka, ha?"

Tumango naman agad si Chance na animo'y manghang-mangha. "O-Oo naman. Hindi kita kayang tanggihan."

Matagumpay na ngumiti si Cindy nang lingunin siya. Parang nagsara nang dam ang mga mata nito at walang luha. Ganoon lang at nakuha na nito ang gusto nito. "See you around, cousin!"

Nagngangalit na sinundan ng tingin ni Quinn si Cindy. Nang makaalis ito ay si Chance ang pinagbalingan niya. "Bakit ka pumayag na gawin ang project niya? At gusto mo pa na katulad ng project ko ang gawin mo. Sinuswerte siya. Di siya naghirap."

Nanatili pa rin ang ngiti sa labi ni Quinn. Ni di nito pinansin ang iritasyon sa boses niya. "Narinig mo ba iyon? Isasama niya ako sa lakad nilang magkakaibigan. Overnight sa Antipolo. "

Humalukipkip siya. "Huwag kang sumama doon. Di ako sasama. Baka kung ano pa ang mangyari sa iyo gaya dati.

"Ang importante nandoon si Cindy. Siya mismo ang magbabantay sa akin. Matagal ko nang pangarap na makasama siya at ngayon, ako ang pinakamasayang lalaki sa mundo!" Nagtatalon ito at humiyaw sa tuwa. "Ako ang gagawa ng project ni Cindy! Isasama niya ako sa lakad nilang magkakaibigan. Nagsisimula nang matupad ang mga pangarap ko. Magugustuhan na niya ako. Hindi ka ba masaya para sa akin, Quinn."

Nagmistilang sinagasaan ng pison ang puso ni Quinn. Gusto niyang ipamukha sa kaibigan kung anong klaseng babae ang gusto nito. Natatakot siya na masaktan na naman ito. Kahit pa sabihing pinsan niya si Cindy, di ito dapat pagkatiwalaan lalo na't hindi naman basta-basta bibitawan ng pinsan niya ang mga kaibigan nito. Mas malaki ang napapakinabangan nito sa grupo nila Turvey.

"Tumuloy ka kung gusto mo. Diyan ka masaya basta mag-ingat ka lang," aniya at tipid na ngumiti. Sana lang ay hindi na masaktan pa si Chance dahil siya ang higit na masasaktan.

My Fat Chance By: Sofia (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon