Chapter 10

850 28 1
                                    

"MAG-MALL naman tayo. I need to breathe. I need to relax. Haggardo Versoza na ako sa dami ng projects natin. Nag-evaporate na ang ganda ko, girl," ungot ni Sosimo nang dalawin si Quinn sa bahay niya. Sabado noon at dahil tapos na nila ang mga assignment at projects kaya naman malaya silang mag-relax kung gusto nila.

Kinagat ng dalagita ang pang-ibabang labi. "May iba kasi akong plano ngayon."

"Ano? Magmumukmok?" nanlalaki ang matang tanong ng kaibigan. "Balita ko nga kay Tita Sue, ayaw mong sumali sa pageant sa kabilang baranggay."

"Gusto kong dalawin si Chance. Ilang araw na kasi natin siyang hindi nakakasama." Namanipula na ni Cindy ang atensyon ng pinsan niya at nakalimutan na silang mga kaibigan nito.

"Naku! Malamang kasama na naman niya si Cindy at cheering squad siya para suportahan ang pagpapa-register sa pageant. Iinit lang ang ulo mo kapag kasama mo sila."

"Tumawag na ako sa bahay nila. Nandoon lang daw siya." Gusto lang niyang malaman ni Chance na nandoon pa rin silang mga kaibigan nito. "Saka nandoon ang pinsan ni Chance na fitness trainer galing sa Italy."

"Yung guwapo, hot na hot at namumutok ang muscles?" nagniningning ang mga matang tanong ng kaibigan.

Tumango siya. "Siya na nga."

"Hindi ko na pala kailangang pumunta sa mall. Doon na lang tayo kay Chance pumunta. Libre pa ang food natin," kinikilig na sabi ng kaibigan niya. "Bilisan mong magbihis. Ang bagal mo talaga. Baka biglang bumalik ng Italy si Hottie Cousin. Sayang ang biyaya."

"Tita, nasaan po si Renan?" bungad agad na tanong ni Sosimo pagdating nila sa bahay ng mga Anonuevo.

"Si Renan?" gulat na tanong ng ina ni Chance na si Vera. "Si Renan ba ang dadalawin ninyo?"

"Hindi po. Si Chance po, Tita? Nagdala po kasi ako ng barbaque para sa kanya," aniya at inabot ang plastic container na may lamang pagkain. Glutten barbeque iyon pero nagustuhan ni Chance dahil malinamnam ang lasa kahit na hindi totoong karne.

"Nasa library siya at mula kahapon pa may pinagpupuyatan. Puntahan n'yo na lang siya." At home na sila sa bahay nila Chance at parang anak na ang turing ni Tita Vera sa kanila.

Magagaan ang hakbang ni Quinn habang patungo ng library habang palinga-linga naman si Sosimo na may hinahanap. Mula sa taas ng hagdan ay nasalubong nila ang pinsan ni Chance na si Renan. Biglang tumigil sa paggalaw ang kaibigan sa tabi niya at halos tumulo ang laway habang nakatitig sa beinte anyos na pinsan ni Chance.

Nakasuot lang ng cargo pants at black sando ang lalaki. Mamasa-masa pa ang buhok nito at mukhang kagagaling lang sa paliligo. "Ciao!" bati nito at bineso-beso sila ni Sosimo. Muntik nang tumirik ang mga mata niya nang halos himatayin ang kaibigan. "Are you here to visit Chance?"

"Yes. But I also need your help," sagot ni Sosimo nang makabawi at kumapit agad sa braso ng lalaki. "I have a project in P.E. I need to research about jujitsu. You know jujitsu, right?"

"Yes. I can help you with that."

"I just need a little demo," sabi ng kaibigan at kumindat sa kanya. Napailing na lang si Quinn nang mapilitan siyang mag-isa na puntahan si Chance sa library. Kumatok muna siya sa pinto pero walang sumagot. "Chance! Chance!" Nang wala pa ring sumagot ay pinihit niya ang seradura ng pinto. Pagbukas ng pinto ay nakita niyang nakayukyok sa harap ng laptop ang binatilyo. Nakakalat ang iba't ibang libro sa harap nito. Nakatulog na marahil ito sa sobrang pagod.

Inangat niya ang kamay para haplusin ang buhok nito pero pinigilan niya ang sarili dahil baka magising ito. Ayaw niyang abalahin ang pamamahinga nito. Masaya na siyang ganito - makasama lang ito at matitigan ito nang walang nang-aabala sa kanila. Walang Cindy na basta na lang aagaw sa oras nito. And she just wanted this quiet time with him. Quiet time kahit na tulog ito at di nito alam na naroon siya.

Hindi niya alam kung bakit possessive at protective siya kay Chance. Matagal na silang magkaibigan ni Sosimo pero di naman siya possessive dito. Kahit na nang magka-crush ito at nawalan ito ng oras sa kanya ay di naman siya nagtatampo dito. Sinermunan lang niya ito pero di katulad kay Chance na miss na miss niya ito.

Gumuhit ang ngiti sa labi niya. Masaya na siyang ganito sila. Matitigan lang niya ito at magkasama sila. It was weird. Di niya alam na ganito kababaw ang kaligayahan niya.

And she was scared to find a word about what she was feeling. What if it was something more? Paano kung higit sa pagkakaibigan ang nararamdaman niya para dito?

Ipinilig niya ang ulo. She could handle friendship but she couldn't handle more. Hindi niya alam kung posible iyon. Mas magiging komplikado ang lahat sa kanila lalo na't pinsan nito ang gusto niya.

Napatuwid siya ng upo nang may kumatok sa library. Nang pagbuksan niya ay si Tita Vera iyon na may dalang tray ng miryenda. "Baka kasi gutom na kayo."

"Tulog po si Chance," sabi niya.

Inilapag nito ang tray sa mesa. "Naku! Nagpuyat na iyan kagabi at di ko alam anong oras na natulog. Pagkakain dito agad sa library tumuloy. Kailangan daw kasi niyang matapos agad."

"Ano po ang ginagawa ni Chance, Tita?"

"Project daw niya sa P.E."

"Project?" At nakita niya na nagre-research ito ng iba't ibang equipment na gamit sa iba't ibang sports. Ang alam niya ay make-up project iyon para sa mga bumagsak sa practical exam sa P.E. At ang pagkakaalam niya ay mataas ang grade ni Chance.

Ginising si Chance ni Tita Vera at nagulat nang makita siya. "O! Nandito ka pala."

"Kanina pa siya dito. Hala! Mag-ayos ka muna para makapag-miryenda na kayo. Si Sosimo naman daw sasabayan si Renan na magmiryenda. Nagpapaturo yata ng jujitsu para sa project niya."

"Jujitsu?" nausal ni Chance at nagtataka siyang tiningnan. Tumaas lang ang dalawang kilay niya na ibig sabihin ay mamaya na siya magpapaliwanag.

Nang bumalik si Chance ay nakapaghilamos at nakapag-toothbrush na ito. Naabutan siya nito na binabasa ang sports encyclopedia. "Nagpunta ba kayo dito para kay Renan?"

"No. Pero ginamit ko si Renan para samahan ako ni Sosimo na dalawin ka. Mas gusto kasi niya na mag-mall."

"Bakit di na lang kayo nag-mall?" tanong nito.

"Dahil nami-miss ka namin." Siya lang talaga ang nakaka-miss dito pero di naman niya pwedeng sabihin iyon.

Pagak itong tumawa. "Lagi naman tayong nagkikita sa school. Para namang napakalayo ko sa iyo."

"Araw-araw nga tayong di nagkikita pero di naman na tayo nagkakasama o nagkakausap katulad ngayon. Akala ko makakapag-bonding tayo pero may ginagawa ka naman."

"Para kay Cindy ito. Make up project niya sa P.E."

"Ikaw ang gumagawa ng project ni Cindy?" bulalas niya.

"Magpapa-register siya para sa pageant kaya di niya maasikaso ito. Akala ko nga sasali ka rin doon."

Umiling siya. "No. Ayoko munang sumali sa pageant. Gusto kong mag-focus sa pag-aaral ko." Di nga siya sumali doon dahil gusto niyang makasama si Chance ngayon. "Magpahinga ka muna."

"Kailangan kong matapos ito para maipasa na ni Cindy. Nangako kasi ako na tatapusin ko para sa kanya."

Bumagsak ang balikat niya. "Nakaabala pala ako kung ganoon." Tumayo siya. "Sabihin ko na lang kay Sosimo na umuwi kami. Nakakahiya naman sa iyo."

Nakakasama talaga ng loob. Kahit wala si Cindy, parang anino pa rin na nakasunod ito sa kanya. Pakiramdam niya ay nawawala na sa kanya ang kaibigan niya.

Pinigilan ni Chance ang braso niya. "H-Hindi naman sa ganoon. A-Ang totoo nami-miss din naman kita."

"Parang hindi naman," aniya at bahagyang umingos.

Tumayo din ito at inayos ang mga gamit sa ibabaw ng mesa. "Ano bang gusto mong gawin ngayong araw na ito?" tanong nito.

"Magkwentuhan tayo. Maglakad-lakad. Nothing special. Parang normal na magkaibigan lang sa isang normal na araw. Yung magkasama lang tayo gaya ng dati."

"Picnic at the park?" tanong nito.

Sumilay ang ngiti sa labi niya. "Gusto ko iyan."

My Fat Chance By: Sofia (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon