Chapter 8

904 27 0
                                    

SERYOSONG-SERYOSO si Chance habang kinakaskas ang mga natirang gluestick sa Popsicle stick na nagamit na niya. Iyon din kasi ang gagamitin nila sa project niya para hindi masayang. Nasa balkonahe sila ng bahay nila Quinn at doon gumagawa ng project niya dahil mahangin at maliwanag.Isang bahay na gawa sa popsicle stick at nilalang dahon ng niyog ang ipapasa niya. Mabusisi iyon at dapat maging maingat lalo na't minsan na siyang nadisgrasya dahil doon.

"Kapag gagawa ka nito, dapat pulido. Kitang-kita ang marka ng mga gluestick. Hindi mo nilinis," sermon ni Chance sa kanya habang nakasalampak sa semento at seryoso sa pagkakaskas.

"Wala naman kasi akong tiyaga sa mga ganyang project. May maganda naman akong plano. Di ko lang alam paano ia-apply."

"Kaunting pasensiya, Quinn. Kung may magaganda kang plano, dapat matiyaga ka kapag ginagawa mo. Hindi mo dapat minamadali." Itinayo nito ang dingding ng bahay. "May isang dingding na matibay ka na. Di tulad kanina. Puro pandikit lang pero mabilis mabaklas. Di ka pa magkakapaltos."

Nangalumbaba ang dalagita at pinagmasdan itong mabuti. "Alam mo maswerte ang magiging girlfriend mo. Mabait ka na, matalino pa."

Tumikhim ito subalit nanatiling nakatuon ang tingin sa panibagong dingding na ginagawa. "Sabi mo bata pa tayo para diyan."

"Oo. Basta ang alam ko maswerte ang magiging girlfriend mo. Kung sa akin pa lang na kaibigan mo maalaga ka na, lalo na siguro kapag sa girlfriend mo. Basta huwag kang magbabago."

"I could say the same to you. Maswerte din ang magiging boyfriend mo balang-araw."

"Talaga?" tanong niya at bahagyang natawa.

"Ang totoo, kung noong isang buwan mo ako tatanungin niyan, di ko maiisip iyan." Tumango ito at nilagyan ng panibagong bala ng gluestick ang glue gun. "Oo. Kasi parang wala ka namang pakialam sa ibang tao noong una. Mukha ka ring suplada at pintasera. You have this look as if we are just mere mortals. The Queen. Di ka rin madalas na ngumingiti. Saka pakiramdam ko aapihin mo lang ang mga manliligaw mo lalo na pag di pumasa sa standard mo. At naisip ko na baka Greek god o kaya prinsipe lang ang iniisip mong bagay sa iyo."

"Grabe ka naman. Kahit di ako nagsasalita, ganoon na ang impresyon sa akin? Sinasarili ko na nga lang opinyon ko."

Humalakhak ito. "No. You are transparent. Kahit nang maging kaibigan kita, di ka nakakatiis na ipakita ang totoong nararamdaman. Kapag may ayaw ka, tumataas ang kilay mo. At kapag hindi mo gusto ang isang tao, tinitingnan mo mula ulo hanggang paa. Kaya nga lahat kami nanginginig sa takot sa iyo. Parang nasa pedestal ka kasi. Di ka namin maabot."

"Grabe! Hindi ko na-imagine na untouchable ako."

"Mapili ka kasi sa mga kaibigan. Hindi katulad ni Cindy na maraming kaibigan. Tapos madalas magkasalubong ang kilay mo. Madalang kang ngumiti. Laging seryoso. Saka parang mataas ang standard mo sa lalaki. Si Antoni nga na guwapo binasted mo, eh! Pati rin iyong ibang manliligaw mo."

Inayos niya ang mga gagamiting materyales sa harap ni Chance. "Di ko sila gusto. Guwapo nga sila, ubod naman ng yabang. Mas mayabang pa sila sa akin. Aba! Hindi naman kaguwapuhan ang lahat sa mundo."

"Kaya kami takot sa iyo. You are the ice queen. Pero siguro ganoon talaga ang mga beauty queen."

Luminga siya sa paligid para tingnan kung posibleng may makarinig sa kanya. "Wala naman akong pangarap na maging beauty queen."

"What? Pero parang ipinangak ka para maging beauty queen. Pagtapak mo pa lang ng stage, nakukuha mo na ang atensiyon ng mga tao."

Nilala niya ang dingding ng miniature house niya. "Ang totoo lahi kasi kami ng beauty queen. Mula pagkabata, na-train na kami ni Cindy kung paano mag-project, kumaway, ngumiti at sumagot sa mga tanong. Pati kung anong klaseng tao ang dapat naming maging kaibigan at makasama."

"Kaya nga. Hindi ko inaasahan na magiging kaibigan mo ako. Tapos pinoprotektahan mo pa ako sa mga taong mababa ang tingin sa akin. Wala kang pakialam kung sino ang nakakabangga mo. Narinig ko sa usapan nila Antoni na sinabihan mo si Turvey na huwag na akong pagkakatuwaan. Salamat!"

"Walang karapatan ang kahit sino na apakan ang pagkatao mo dahil di lang sila pumasa sa standard nila ng kaguwapuhan. May mga bagay na mas importante pa doon."

Ngayon lang niya iyon naisip nang makilala niya si Chance. Dati kasi ay may pagkapintasera din siya. Mas pintasera pa siya dahil kahit si Cindy ay napapaiyak niya sa panlalait niya. Ngayon ay di na iyon ang basehan niya ng pagkatao ng isang tao. Nakita kasi niya sa pamamagitan ni Chance na mas importante ang mabuting puso ng isang tao kaysa sa pisikal na anyo.

"Kaya siguro kahit masungit ka, marami ka pa ring nagkaka-crush sa iyo. Di ka man sumali sa pageant, beauty queen ka pa rin para sa akin."

Iwinaksi niya ang kamay. "Hindi ako superior sa iba dahil maganda o matalino ako. Hindi naman ako diyosa."

"Diyosa ka. Sa room natin, ikaw kaya ang unang naging crush ko kaso mukha kang suplada. Kung alam ko lang na down to earth ka, isa iyo sana ako nagkagusto at hindi kayCindy."

Hindi alam ni Quinn kung bakit nalungkot siya sa sinabing iyon ni Chance. Gusto ba niyang magustuhan siya nito gaya nang pagkagusto nito kay Cindy? O siguro kahit maldita si Cindy ay magaling itong magtago habang siya naman ay mas transparent.

Yumakap siya sa braso ni Chance. "Hindi bale. Kaibigan mo naman ako. Ako ang bahala sa mga aapi sa iyo. Di ako mawawala sa buhay mo. At walang ibang babaeng pwedeng manakit sa iyo kung hindi, kakalbuhin ko talaga siya."

"Kahit pa si Cindy?"

"Oo naman. Kahit pa si Cindy lalo na't wala siya sa lugar."

Humilig siya sa katawan nito at pumikit. Kapag kasama niya ito ay komportable siya at masaya. Kaya niyang ipakita ang totoong sarili niya nang di hinuhusgahan ng iba. Kapag nasa tabi niya ito,wala na siyang pakialam sa sasabihin ng iba."I love you, Chance."

"I love you, too, friend."

Napangiwi ang puso niya. Parang may libo-libong dart na ginawa iyong target board. Bakit parang may mali? Magkaibigan lang naman sila pero parang may kulang. Whatever it was, it meant trouble on her part. Hanggang magkaibigan lang sila ni Chance. It couldn't be something more.

My Fat Chance By: Sofia (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon