Chapter 3

307 4 0
                                    


THREE

"DYAN lang ako sa may berdeng bahay," ani Reni kay Jeth na itinuturo ang bahay ng kanilang kapit-bahay. Pinahinto naman nito ang kotse sa harapan ng tarangkahan niyon. "I had a long day with you," Dinampian niya ito ng halik sa labi subalit hindi siya hinayaan nitong makawala agad. Ngunit napapitlag siya ng matanawang lumabas ng pedestrian gate ang Daddy Hermino niya.

"What's the matter?" nabiting tanong nito.

"Wala lang, kailangan ko na talagang umuwi," paliwanag niya.

"Oo nga pala, may gusto muna akong ibigay sa'yo." Kinuha nito sa glove compartment ang isang pulang kahon. May tatak iyon ng Tiffany and Co. Nang buksan nito iyon ay tumambad sa kanya ang isang napaka-eleganteng kwintas.

"Sigurado ka bang para sa akin ito? Mamahalin ito!" Nanlalaki ang mga mata niya, pati yata ang butas ng ilong niya. Wala pang nagreregalo sa kanya ng ganoon kaganda at kamahal.

"Of course, it is for you. Come and let me wear this to you." Lumapit nga siya rito at tumalikod. Hinawi nito ang mga hibla ng buhok niya sa batok at ikinabit sa kanya ang kuwintas. Parang hinaplos ang puso niya sa affection na nadama niya.

"Hindi ko alam kung paano ka pasasalamatan. Napakaganda talaga nito." Pilit niyang sinipat ang sarili sa rearview mirror. Hinawakan niya ang pendant na infinity ang disenyo.

He smirked. "Just kiss me again."

Hinalikan nga niya itong muli. Banayad na banayad. Saglit lamang.

"Kailangan ko na talagang umalis. Maraming salamat sa pagpapasaya ng araw ko."

"No, thanks for making me happy and making me sucker for kisses."

"Walang anuman kung ganoon." Lumabas na siya ng kotse nito. Itinago niya ang kuwintas sa loob ng kanyang damit para hindi iyon mapuna. Hinintay muna niya itong makaalis bago siya pumasok sa bahay nila.

Ilang sandali ay naramdaman niyang pumasok ang ama-amahan niya. Madilim ang mukha nito, as usual naman. Taas-noong inignora niya ito ngunit nagulat na lamang siya ng bigla siya nitong lapitan at hiklatin ang braso niya.

"Akala mo hindi ko nakita, ano? Sino ang kasama mo? Bakit hindi ka umuwi kagabi tapos ginabi ka pa ng uwi ngayon, ha?" galit na pagtatanong nito, humigpit pa lalo ang pagkakapisil sa braso niya.

"None-of-your-business!" mariin at pabalang niyang sagot.

"Tampalasan kang bata ka! Sasagot ka ng maayos o masasaktan ka sa akin?!" Diniinan pa nito lalo ang pagkakahawak ng kamay sa kanya. Paniguradong magkakapasa na naman iyon.

"Si Jeth," simpleng tugon na lamang niya. Natatakot din siya rito dahil tiyak na tototohanin nito ang banta sa kanya.

"Sinong Jeth?"

"Ano ba kasing paki mo?"

"Sumusobra ka ng bata ka! Napakatigas ng ulo mo! Gusto mo ba talagang masaktan?"

"Jethrosco Mendaro! O, ano, masaya ka na? I-search mo pa sa Facebook kung gusto mo!" Pinilit niyang makawala sa hawak nito, hinayaan naman siya nito. Nahaplos niya ang braso. Bumakat roon ang marka ng daliri at palad nito.

"Nagsumbong sa akin si Linda. Pinakialaman mo na naman daw ang mga gamit niya." Tinitigan lamang niya ito ng matalim at hindi na ito pinansin pa sa pagkakataong iyon. Sinikmatan pa niya ito bago nagtuloy sa kanilang silid. Hindi naman na siya nito sinundan doon.

Buwisit na buwisit siya. Maganda na sana ang buong araw at gabi niya ay sinira pa nito. Letse talaga ito at ang katulong nilang si Linda. Alam naman niya, ng kanyang kapatid na si Rousetti at ng kanilang ina na may relasyong namamagitan sa kanilang ama-amahan at sa kanilang kawaksi ngunit walang umaalma sa kanila. Martyr kasi ang kanyang ina. Walang kwenta ang mga dahilan nito sa buhay. Subalit hindi niya rin ito masisisi. Wala na kasi silang ibang maaasahan maliban sa Daddy Hermino niya. Ito ang kumakayod para sa kanila dahil may sakit ang kanyang ina. Ito rin ang nagpapaaral sa kanyang kapatid. Siya naman ay napilitang huminto sa pag-aaral dahil nahihirapan siyang makitang nag-iisa ang kanilang ina na walang umaasikaso. Nawala na rin sa pangarap niya ang magtapos ng pag-aaral. Gusto na niyang magtrabaho pero nahihirapan siyang maghanap ng matino at may mataas na sweldo na papasukan dahil hindi man lang siya nakatuntong ni isang taon sa kolehiyo.

My SerenityTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon