Chapter 10

183 3 0
                                    


TEN

NANINIKIP ang dibdib ni Reni sa mga nasaksihan niyang pangangaliwa ni Jeth. Hindi niya akalaing magagawa iyon ng kanyang asawa sa kanya. He is too good to be true on his promises. Sabi na nga ba niya at maaaring ilusyon lamang ang lahat ng ipinapakita nito. Subalit sadyang napakahirap niyong tanggapin sapagkat mahal na mahal niya ito. Losing him feels like the end of the world for her.

Hilam sa luha ang mga matang nagtungo siya sa bahay ng kanyang ina. Tinuyo niya ang sulok ng mga mata at galit na hinarap ito. May kasalanan pa itong dapat niyang siningilin.

"Anong plano ang pinagsasasabi ninyo kay Rose, Mama? Totoo bang kayo ni Daddy Hermino ang pasimuno sa mga planong iyon?" Tinapunan niya ng masamang tingin ang ama-amahan nang pumasok ito sa sala.

Bumalik ang tingin niya sa ina nang humikbi ito. Nagmamakaawa ang mga mata sa kanya. "Pakiusap, Reni, anak. Makinig ka muna sa sasabihin ko. Kailangang-kailangan natin ng pera. Bankrupt na ang negosyo ng Daddy Hermino mo. Nag-aaral pa ang kapatid mong si Rose. Napakataas ng matrikula. Wala tayong pagkukunan ng pera. Sana maintindihan mo."

"At paano ako? Gusto ninyong maging kapalit niyon ang pagkawasak ng pamilyang gusto kong buuhin? Anong karapatan ninyong manghimasok sa buhay namin? Hindi ninyo ba naisip na mahal ko si Jeth at labag sa kalooban ko ang gagawin ninyo? Asawa ko na siya, Mama. Nasasaktan ako sa gusto ninyong gawin. Hindi ninyo ba naisip na maano bang humingi tayo ng tulong sa kanya kung kailangan? Napakababaw ng mga dahilan ninyo. Sadya lamang marahil na napakasakim ninyo sa salapi!"

Napipi ito. At sa isang saglit ay bumaha ng luha sa mga mata ng kanyang ina. "Hindi mo naiintindihan, Reni. Kailangan ko ng pera. Kailangan kong magpagamot. Ayoko pang mamatay. Natatakot ako sa sakit ko. Tulungan mo ako, anak. Tulungan mo ako pakiusap."

"Napakamakasarili ninyo, Mama. Napakamakasarili ninyo."

"Reni! Tampalasan kang bata ka!" Isang sampal ang ipinatikim sa kanya ng Daddy Hermino niya na nagpupuyos sa galit ng daluhan silang mag-ina. "Napakakitid ng pag-iisip mo, Reni. Lubog tayo sa utang at wala ng gustong magpautang sa atin. Said na said na tayo. Maski asawa mo na ang Jeth na iyon ay hindi pa rin tayo nakasisiguro na pahihiramin niya tayo ng napakalaking salapi. Kaya ginawan na namin ng paraan ang bagay na iyon. Hindi na na natin kailangang mangamba pa sa problemang pinansyal. Nasa pangalan mo na halos lahat-lahat ng ari-arian niya. Gagawa tayo ng private account mo para hindi na iyon magalaw pa ng asawa mo saka mo siya ngayon hihiwalayan ng maputol na ang legal ninyong koneksyon sa bawat isa."

"Anong sa palagay ninyo papayag akong lokohin ang sarili kong asawa?"

"Suwail ka talagang bata ka! Ipagpapalit mo ang pamilya mo sa isang lalaking kakakilala mo pa lang? Hindi mo ba alam na ang Jeth na iyon ang dahilan ng pagbagsak ng negosyo natin!? Kinikil tayo ng kompanya nila para tuluyan tayong magsara. Pinabagsak nila tayo. Isipin mo na lang na makagaganti na tayo sa gagawin natin. Mababawi natin ang ganang sa atin. Kaya huwag na huwag mong idadahilan sa akin ang lintik na pag-ibig na iyan! Parehong-pareho kayo ng nanay mo! Mga inutil! Napakalaking suwerte ang dinala mo sa buhay natin, Reni. Akala ko pa naman ay napakawalang kwenta mo. Huwag na huwag mo akong bibiguin."

"Sinungaling! Sakim! Hindi ko alam kung paano ninyo naaatim na gawin ang bagay na ito sa akin. Pinagkakaisahan ninyo ako!" Isang sampal muli ang natanggap niya mula sa amain. Hindi niya ininda iyon. "Manigas man tayong lahat at mamalimos sa kalsada hinding-hindi natin papakialaman ang pera ni Jeth!" taas-noong wika niya at tinalikuran ang mga ito.

"Reni! Reni, anak!" habol na tawag sa kanya ng kanyang ina ngunit hindi niya ito pinansin.

Nagtuloy-tuloy siya sa paglabas ng bahay at pinara ang pinakaunang taxi na nakita niya. Wala siyang tiyak na destinasyon. Pinasikot-sikot niya ang biyahe ng taxi sa kahabaan ng mga hi-way hanggang sa maliliit na kalye. Nang mabagot siya sa loob ng sasakyan ay naisip niyang bumaba sa lugar na hindi niya alam kung nasaang lupalop ng bansa. Gayunman, hindi siya natakot. Walang pangambang naglakad-lakad siya. Nagmuni-muni sa isip at nilasap ang saya ng mayuming gabi.

My SerenityTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon