Madilim. Mabilis ang yapak ng taong humahabol sa akin. Ang tanging tumatakbo sa isip ko ay ang bilisan lalo ang aking pagtakbo. Tumulin ang pagtibok ng aking puso. Sa sobrang dilim, hindi ko na talaga maaninag ang daanan. Hindi ko napansin ang malaking bato na nakaharang sa aking dinaraanan. Napabagsak ako. Sa hindi ko malamang dahilan, hindi ko na maigalaw ang aking mga binti. Bumagal ang paglakad ng taong sumusunod sa akin; tanda na papalapit na siya.
"Nagustuhan mo naman eh. Pareho tayong nag-enjoy," wika ng lalaki. Hindi ko siya nakilala kaagad sa boses niya. Pero nang lumapit siya lalo, nagwala na ako.
"Wahhhhhh! Gag* kaaaaaaaa," sigaw ko.
——————————Pawis na pawis akong gumising sa aking higaan. Nakakainis ang panaginip kong iyon. Hindi pa rin siya mawala-wala sa isip ko. Huminga ako nang malalim.
Bakit ako ang hinahabol sa panaginip ko? Hindi ba dapat ako ang humahabol sa kanya dahil sa ginawa niya sa aking kahayupan? Arghhh.
Kinuha ko ang cellphone ko at may tinawagan. Hindi kaagad sinagot ni Tito Diego ang kanyang telepono. Makalipas ang limang minuto, mukhang nagising ko na siya.
"Oh ang aga-aga Zach. Anong meron?" bungad nito. Halata sa kanyang boses na kagigising niya pa lang.
"Sorry po kung nabulabog ko ang tulog niyo pero tito, may lead na po ba kayo?" tanong ko sa kanya ukol sa pagkawala ng punyetang si Anthony.
"Wala pa pero huwag kang mag-alala, mahahanap din yun. Sandali nga, bakit mas agitated ka pa kaysa kay Ram sa paghahanap sa kuya-kuyahan niya? May hindi ka ba sinasabi sa akin Zach?" usisa ni tito.
Hindi ko alam kung anong isasagot ko kaya nag-isip na lang ako ng magandang rason.
"Ah eh, nag-aalala lang po ako kay Ram. Pinapakita niyang masaya siya pero alam kong hindi ito ang totoong nararamdaman at naiisip niya," pagsisinungaling ko. Hindi niya puwedeng malaman kung bakit galit ako kay Anthony.
"Ah ganun ba? Sige tawagan kita agad kapag nakakuha na kami ng impormasyon. Talagang sinusunod mo 'yung bilin sa iyo ng tatay niya ah," saad pa ni tito ukol naman sa huling habilin sa akin ng papa ni Ram bago ito mamatay.
"Sige 'to. Thank you. Maliligo muna ako. May lakad na naman eh," paalam ko.
"Salamat na lang din sa paggising sa akin," biro niya bago tuluyang ibinaba ang tawag.
"Hayyyy," buntong-hininga ko bago tumungo sa banyo para maligo. Kailangan kong mag-ayos ngayon dahil niyaya ako ni Ram na samahan siya sa party ng isang kaklase niya.
BINABASA MO ANG
Kubli [Continuation of Sikreto 1]
General FictionNagbago na ang lahat. Hindi na maaaring ibalik ang nakaraan. Hindi na pwedeng itama ang mga maling nagawa. Ngayong ang mga sikreto ay tuluyang nabunyag, ano ang dapat gawin? Problema'y dapat bang harapin o magKUBLI na lang sa dilim? Halina't tunghay...