Iniwan kaming dalawa ni Ram. Pumasok na siya sa loob ng kanyang kuwarto.
"Uy sorry ah. Sinira ni Burn 'tong reunion niyo sana ni Ram. Tigas talaga ng ulo ng lalaking 'yon," paghingi ko ng dispensa.
"Okay na rin siguro 'yun para hindi na magkagulatan. Sige ah, mauna na ako," paalam niya.
"Oh teka, sabay na tayo. Pareho lang naman tayo ng pupuntahan eh. Para 'tong baliw," saad ko nang natatawa. Unless sineryoso niyang makikitulog ulit siya kay Jane.
"Alam mo Zach, mahirap 'yang setup na gusto mo eh. Actually, ako lang pala ang masasaktan kung sakaling... kung sakaling ayaw mo na. Ramdam ko namang napipilitan ka lang eh," malalim na pahayag niya. Tungkol ito sa pagpapanatili ko sa kanya sa bahay at pagpapanggap na may gusto ako sa kanya.
"Hinde, pramis bukal sa loob ko 'to," pagsisinungaling ko na naman.
" Ang pag-ibig ay hindi isang limos na basta-basta mo na lang ibibigay sa taong kinaaawaan mo. Kaya sana, please tigilan na natin ang kalokohang 'to," wika niya nang may kasamang diin. Iniwan niya akong napaisip.
Oo nga naman. Bakit ko nga ba ginagawa 'to? Dahil ba sa guilt na ako ang dahilan kung bakit lumala ang kondisyon niya? Na imbes na nagpahinga siya, nagtrabaho siya para may ipangtustos sa sarili sa panahong nagtatago siya? O dahil alam kong wala na siyang kamag-anak na malalapitan? Pero ito nga ba ang tamang paraan? Ang paasahin siyang may gusto ako sa kanya kahit imposible? Mali ito at may mas magandang paraan para ako'y makatulong.
Tumakbo ako palabas ng bahay nina Ram para sundan si Anthony.
"Anthony, Anthony," sigaw ko sa pangalan niya habang tumatakbo papuntang kalsada. Mabuti at hindi pa siya nakasakay ng jeep. Nilapitan ko siya kaagad.
"Hindi mo na ako mapipilit pa Zach. Mahirap bang intindihin 'yun?" pambungad niya kaagad sa akin.
"No sorry. Naiintindihan na kita. Okay, hindi na ko magpapanggap na may gusto sa'yo. Ang laswa na talaga minsan eh. Pero sana pumayag kang sa bahay ko na lang tumira dahil mag-isa lang naman ako 'tsaka para hindi ka na rin mahirapan pa," alok ko rito.
"Oh tingnan mo, edi umamin ka rin. Haha. Kaso kapag pumayag ako, parang ganun din 'yun. Hindi ko pa rin mapipigilan 'tong nararamdaman ko para sa iyo kung lagi tayong magkasama," sagot niya. Kung sabagay, tama naman siya. Bakit hindi ko man lang naisip 'yun?
"Ah basta sa bahay ka titira. Hahanapan na lang kita ng iba. Pwede na ba si Bernard?" biro ko na agad naming pinagtawanan.
"Okay. Payag na ako, basta hahanap ka ng magugustuhan ko ah. Babae na lang please. Huwag sa Bernard o Rico na 'yun. Ikaw lang naman yata ang magugustuhan kong lalaki eh," pagsang-ayon niya. Hindi ko alam kung anong irereact. Nafaflatter kasi ako, feeling ko ako na ang pinakaguwapong lalaki sa mundo dahil sa sinabi niyang 'yun.
"No prob. Basta magpagaling ka sa bahay ha para wala nang arte 'yung pipiliin ko para sa iyo. Tara na?" yaya ko sa kanya pauwi. Nauna siyang maglakad patungo sa motor ko. Buti napapayag ko siya.
Pagdating namin sa bahay, wala pa si Bernard. Akala ko nagbibiro lang siya na may makikipagkita sa kanya. Dito pa rin kaya matutulog ang loko-lokong 'yun?
"Ah Anthony, may ipabibili ka bang pagkain o gamot? Pupunta kasi ako sa department store," tanong ko sa kanya.
"Huwag na Zach. Ako na lang, nakakahiya naman sa iyo," pagtanggi niya.
"Nope, I insist. Dito ka na lang from now on. Nakalilimutan mo yatang may sakit ka Sir Anthony. Ako na bahala, ilista mo na lang dito," hinagisan ko siya ng isang bond paper.
BINABASA MO ANG
Kubli [Continuation of Sikreto 1]
General FictionNagbago na ang lahat. Hindi na maaaring ibalik ang nakaraan. Hindi na pwedeng itama ang mga maling nagawa. Ngayong ang mga sikreto ay tuluyang nabunyag, ano ang dapat gawin? Problema'y dapat bang harapin o magKUBLI na lang sa dilim? Halina't tunghay...