PAGKATAPOS ng halos isang oras na pag-aayos sa rest house ni Wallace ay inihatid din sila nito sa shop niya. Nauna nang bumaba si Myla, samantalang siya ay pinag-lock pa ni Wallace ng pinto. Tiningnan niya ito nang hindi niya mabuksan ang pinto.
"Invited ka sa party mamaya, isama mo ang assistant mo," anito.
"Hindi ako puwede," aniya.
"Bakit naman hindi puwede? Kaunti na lang naman ang paninda mo. Puwede na kayong magsara at magpahinga."
"Marami akong gagawin sa bahay."
"Grabe naman. Kahit isang oras lang hindi ko ba mahihiram?"
"Hindi naman ako party ng pamilya mo."
"Kahit na. Malay mo balang araw magiging party ka rin ng pamilya ko. Patunayan mo sa akin na hindi ka apektado ng presensiya ko. Kapag hindi ka pupunta sa party mamaya. Ibig sabihin gusto mo ako."
Bumuka ang bibig niya ngunit walang katagang nanulas.
"Susunduin kita sa bahay mo mamayang seven o mas maaga pa. Saan ka ba nakatira?" anito.
"Hindi nga ako puwede," pilit niya.
"Kahit kalahating oras lang. Kakain lang kayo, tapos puwede na kayong umuwi."
Ano naman ang akala nito sa kanya, patay gutom na pupunta lang sa party para kakain?
"Gusto mo talaga ako, ano?" simpatikong sabi nito.
"Ang yabang mo rin, eh. Sige na, pupunta kami," sabi na lamang niya.
"'Yon! Okay na sa akin kahit napipilitan ka lang. Ito 'yong calling card ko pala," anito sabay abot sa kanya ng card.
Tinanggap naman niya ito. Nang subukan niya ulit buksan ang pinto ay naka-lock pa rin ito. "Pumayag na ako, baka puwede mo na akong palabasin," aniya.
"Hindi mo pa binibigay sa akin ang address mo. Isulat mo dito sa likod," anito saka siya binigyan ng isa pang card at ballpen.
Nakasimangot na kinuha naman niya ang card at ballpen saka isinulat sa likod nito ang buong address niya.
"Alam mo kung palagi ka lang nakangiti, ang ganda-ganda mo. KAhit hindi ka nag-aayos, attractive ka pa rin," mamaya'y sabi nito.
Medyo nasasanay na rin siya sa kapreskuhan nito. Ayaw lamang niya itong patulan.
"May nagustuhan akong babae dati na parang katulad mo. Maganda siya pero wala nang panahon mag-ayos ng sarili dahil sa sobrang busy niya sa buhay. Matagal ko siyang niligawan kaso sumuko ako noong ma-realize ko na mahirap maging karebal ang propisyon niya. Isa siyang novelist at business woman. Magmula noon, hindi na ako nagtitiyaga sa katulad niya. Pinapatulan ko na lang ang mga babaeng kusang lumalapit sa akin. Noong makita kita sa simbahan, bigla ko siyang naalala. Parehong-pareho kayo maging sa ugali, mas mataray ka lang ng konti," palatak nito.
Ibinigay na niya rito ang card at ballpen. Pero ayaw pa ring mabuksan ang pinto. Kumislot siya nang bigla nitong hawiin ang ilang hibla ng buhok niya na tumakip sa isang mata niya saka iyon inipit sa likod ng tainga niya. Napilitan siyang tingnan ito. Napalunok siya nang mamalayan na isang dangkal na lang pala ang pagitan ng mukha nito sa mukha niya.
"Mahilig ako sa roses, kaya noong magkaengkuwentro tayo, naikompara kita sa isa rosas. Maganda, kaakit-akit, pero matinik. Gusto kong hawakan pero natitigilan ako dahil natatakot akong matinik. Pero handa akong maninik para lang mapitas ang puso mo," makahulugang wika nito.
Pansamantalang naparalisa ang katawan niya nang ipaglandas nito ang likod ng kamay sa makinis niyang pisngi. Sa tanang buhay niya, ngayon lamang siya nakatagpo ng katulad ni Wallace na palaging may baong makatang salita. Maling-mali ang first impression niya rito na masyado itong modernong lalaki. Liberated, maaring tumama siya roon. Mahilig pa rin siya sa mga lalaking maka-old fashioned.
BINABASA MO ANG
Bartenders Series 12, Wine (Complete)Under Editing
RomanceNakilala siya ng pinakamatinik sa babae. Lahat ng gusto nito ay nakukuha nito. Nagmula sa kilalang pamilya at hinubog ng luho at attensiyon, kaya para sa kanya ay kaya niyang bilhin lahat. Kilala siya sa larangan ng fashion, malakas ang appeal sa pu...