MAGMULA noong tinanggap ni Vanessa si Wallace ay halos araw-araw na siya nitong hinahatid-sundo sa shop niya. Kahit busy ito sa kaliwa't-kanang trabaho ay naglalaan pa rin ito ng oras para lang makasabay siya sa tanghalian. Hindi na niya pinansin ang mga negatibong reaksiyon ng mga kaibigan niya.
"Sana pinaabot mo muna ng kahit kalahating taon ang panliligaw ni Wallace bago mo siya sinagot!" sabi ni Nicole. Maaga ito sa shop niya para lang kagalitan siya.
"Nicole, wala namang kaso roon. Dapat na 'yong relasyon ang pinapatagal hindi ang panliligaw. Nakita ko naman ang effort niya," aniya habang gumagawa ng bouquet.
"Ganyan lang naman 'yan sa umpisa. Kapag nagsawa na siya sa 'yo, ewan ko lang kung hindi ka magsisisi."
"Nicole, please, akala ko ba susuportahan mo ako kapag nagkanobyo na ako."
"Pero kasi, Van, si Wallace De Vega ang pinili mo, isang ultimate playboy."
"Alam mo, hindi tama na hinuhusgahan mo siya. Oo, playboy siya, pero wala na ba siyang karapatang magbago?"
"Bahala ka nga." Tinalikuran na siya nito. Nakialam na ito sa counter niya.
Bumuntong-hininga siya. Ayaw niyang magpaapekto sa mga sinasabi ng kaibigan dahil alam naman niya ang ginagawa. Gumagawa naman siya ng paraan para mas makilala si Wallace.
Pagsapit ng tanghali ay dumating na si Wallace at may dalang pagkain na nagmula pa sa hotel ng mga ito. "Lunch break na, babe," sabi nito habang papasok ng counter.
Ito pa ang nag-ayos ng mesa na kakainan nila. Day off ni Myla kaya siya lang mag-isa. Iniwan naman niya ang ginagawa. Magmula noong opisyal na silang magkasintahan ni Wallace ay hindi na siya nagbabaon o kaya'y bumibili sa labas.
"Hindi ba pumasok si Myla?" tanong ni Wallace nang kumakain na sila.
"Day off niya ngayon."
"Sana sinabi mo para masamahan kita."
"Okay lang ako. Wala naman akong deliveries ngayon."
"Kahit na. Mahirap na walang kausap."
"Naku, mangungulit ka lang dito."
"Bakit, nagsasawa ka na ba sa akin?" anito.
Tiningnan niya ito ng masama. "Hindi pa naman. Wala kasi akong nagagawang trabaho kapag nandito ka."
"Kunwari ka pa. Hindi ako pupunta sa hotel mamaya. Sasamahan kita rito."
"Huwag na. Baka mainis na ang mommy mo niyan."
"Matutuwa ka'mo. Panay nga ang tanong niya kung kailan tayo magpapakasal."
"Masyado naman siyang excited."
"Dalawin mo naman daw siya sa bahay kapag hindi ka busy."
"Next mondy na ng gabi."
Pinagmamasdan niya ito habang inaalisan ng buto ang fried chiken, saka inilagay sa plato niya ang laman. Hindi na talaga niya maiaalis rito ang pagtrato sa kanya na parang bata sa tuwing kumakain sila. Gusto pa nga nito subuan siya pero nagagalit siya.
Pagkatapos nilang kumain ay pinaubaya na niya rito ang paghuhugas ng pinagkainan nila. May pumasok kasing kostumer. Bumili lang ng tatlong pirasong pulang rosas ang lalaki saka umalis.
Abala siya sa pagbibilang ng pera nang marinig niyang bumukas ang pinto. Hindi lamang niya ito tiningnan. Mamaya'y nagulat siya nang may kumalampag sa desk sa harapan niya. Gulat na tumingin siya sa kaharap niya.
BINABASA MO ANG
Bartenders Series 12, Wine (Complete)Under Editing
RomanceNakilala siya ng pinakamatinik sa babae. Lahat ng gusto nito ay nakukuha nito. Nagmula sa kilalang pamilya at hinubog ng luho at attensiyon, kaya para sa kanya ay kaya niyang bilhin lahat. Kilala siya sa larangan ng fashion, malakas ang appeal sa pu...