Chapter 11 part two - Dance Party

9.3K 281 7
                                    


KINAGABIHAN ay sumagi sa isip ko na baka hindi ako siputin ni Danica. Nagsimula na kasi ang programa at punong puno na ng mga estudyante ang pavilion ng hotel kung saan ginaganap ang party. Sa pagkakaalam ko ay pagmamay-ari ng pamilya ng isang estudyante ng Richdale ang hotel na iyon.

Ilang beses ko na tinitingnan ang wristwatch ko. Sampung minuto, labing limang minuto, kalahating oras. Wala pa rin si Danica.

"Nasaan na ang date mo?" pakantiyaw na tanong ni Jasper habang ang kamay ay nakapaikot sa baywang ng isang magandang babae.

"Late," sagot ko na lang dahil lumapit na rin sa akin sila Armi at William kasama ang mga date nila.

"Late o hindi darating?" tanong ni Armi.

"Sinong hindi darating?" biglang tanong ni Sabrina na nakalapit na rin sa amin.

"Makakarating siya, okay?" sabi ko.

"Sino nga?"

"Iyong date niya," sabi ni William.

Umasim ang mukha ni Sabrina. Pagkatapos ay parang biglang may naisip na ngumiti at kumapit sa braso ko. "Well, kapag hindi pa siya dumating ako na lang ang isayaw mo."

Umangat ang mga kilay ko. "Wala ka bang date?"

"Meron. Pero handa akong iwan siya para sa iyo."

Napailing ako. Kahit na sinasabi nila na chickboy ako ay wala naman akong balak mang-agaw ng date ng iba. Labag iyon sa personal rules ko. Sasabihin ko pa lang sana iyon kay Sabrina nang bigla ay parang may bumulong sa likod ng isip ko na lumingon sa entrada ng pavilion. Instinct. Kaya lumingon ako. Noon ko nakita si Danica na kapapasok lamang sa venue.

Napaderetso ako ng tayo at nahigit ang hininga habang nakatitig sa kaniya. She was wearing a tube-style yellow dress. Hanggang tuhod iyon at simple lang ang tabas. Ang buhok niyang mahaba at palagi lang naka-ponytail ay nakalugay at ginawang alon-alon. Iginala niya ang tingin sa paligid na parang may hinahanap. Malamang ako ang hinahanap niya. Hindi ko siya nilulubayan ng tingin na kinalas ko ang braso mula sa pagkakahawak ni Sabrina. Pagkatapos ay mabilis akong naglakad palapit kay Danica.

Ilang metro na lang ang layo ko nang sa wakas mapunta sa akin ang tingin niya. Noon ko nakitang naka-make up pala siya. Manipis lang pero pinatingkad niyon ang kagandahan niya. O make-up nga ba ang dahilan kung bakit parang ang ganda ganda niya sa paningin ko sa gabing iyon? Dahil kung ako ang tatanungin, it was as if her beauty was radiating from within. Higit ko tuloy ang paghinga ko nang sa wakas ay huminto ako sa mismong harap niya.

"Hey," usal ko.

May sumilay na nahihiyang ngiti sa mga labi niya. "Hey," ganting bati niya.

Pakiramdam ko parang may panang tumusok sa puso ko at napatitig lang sa mukha niya. Nagulat ako na makita ang ngiting iyon mula kay Danica. Kilala ko siyang malakas ang personalidad. Bakit ngayon ay parang nahihiya siya at parang namumula pa ang mukha.

"Pasensiya ka na kung nahuli ako. Nakatulog ako maghapon at late na ako nagising," sabi niya na lalong nag blush.

Ah. Alam ko na kung bakit siya nag-ba-blush. Dahil sa nangyari sa amin kagabi. Napahawak ako sa batok ko dahil bigla ay nahawa yata ako sa kaniya. Uminit din kasi ang mukha ko at medyo nahiya. Disaster nga kasi ang nangyari kagabi at nagalala akong hindi na niya ako haharapin pagkatapos niyon. Nakahinga ako ng maluwag. Nakangiting inilahad ko ang braso ko para sa kaniya. "Let's go?"

Nakangiti ring kumapit siya sa braso ko. Saka kami magkaagapay na naglakad. Lahat ng mga nadadaanan namin napapalingon sa amin. I felt so proud and... happy. Kaya nang malapit na kami sa lamesa na inookupa ko at ng mga kaibigan ko ay hindi ko napigilan ang ngisi ko. "Nandito na ang date ko," mayabang na sagot ko.

CHICKBOY (His Sweetest Mistake) REVISED AND COMPLETE VERSIONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon