Lagi akong nakaabang sa araw;
Pagsapit man o paglubog
Hindi titigil hanggang ika’y matanaw
Sa gitna ng mga itim na bilog
Pinagmamasdan ko ring sakupin
Ng kadiliman ang kalangitan
Habang puso ko’y nakatingin
Sa walang hanggang kawalan
Kailan ka ba babalik?
Nais ko nang hindi magising
Dahil puso ko’y puno na ng tinik
Kaya’t damdami’y balak ng ilibing
Naalala ko ang ating pinagsamahan
Parang magkasintahang may pinanghawakan
Mga pangako’y sinlawak ng kalawakan
Na sa hangin na lang ata kinulayan
Kailangan ko na ba itong kalimutan
Na para bang tinangay ng kawatan?
Dahil hindi na ata ito maduduktungan
Na kahit sa imahinasyon walang abangan
Pero alam mo ba?
Laman ka ng aking panalangin
Umaasa na ako’y Kanyang didinggin
Dahil sa akin, ikaw ang bida
Ipagpapatuloy ko ang aking sinimulan
Ikaw at ako sana’y itinadhana
Tayong dalawa ay lalaban
Hanggang tayo’y magtagpo sa dambana
Laban lang| 10, October 2017
Isinulat sa ilalim ng kalabaw at sa gitna ng dilim
Rev Esguerra
To the woman I’m praying for
