CHANCES
By: secretheartache
Nagsimula ang lahat sa pagtatapat ng prinsipe sa maling prinsesa.
Napatulala ako sa langit habang isa-isang lumilipad ang limang Chinese Lantern na nagbigay liwanag sa madilim na kalangitan; hindi makapaniwala sa mga katagang nakasulat sa kanila.
WILL YOU BE MY GIRLFRIEND?
Hindi ako nakakibo. Bumilis ang pintig ng puso ko. Parang gusto nitong kumawala sa dibdib ko at lumipat sa taong katabi ko ngayon. Ni sa hinagap hindi ko naisip na maaari palang pareho kami ng nararamdaman ni Arthur. Ganito pala ‘yung pakiramdam ng mahal ka rin ng taong mahal mo. Para akong nakalutang sa lupa.Wala akong ibang naririnig kundi ang lagabog ng puso kosa kabila ng pagputok ng mga nagliliparang kwitis at ngingay mula sa nagaganap na kasiyahan sa loob ng function hall kung saan kami nanggaling. Wala rin akong ibang nakikita kundi ang limang Chinese Lanternna nakapagpaliwanag sa mundo ko. At, walana akong ibang maramdaman (kahit alam kong kumikirot ng sugat ko sa braso) kundi kasiyahan lamangdahil sa wakas, napansin din n’ya ako.
Nanatili kaming tahimik. Nakatingalalang kaming dalawa hanggang sa mawala ang makukulay na kwitis sa kalangitan. Nilingon ko na si Arthur at hinihintay ko siya na magsalita. Tulad ko’y namumula din s’ya, pulang pula. Pero hindi gaya ko na halos magtatalon na sa walang mapagsidlang tuwa, nakakunot ang noo n’ya at halata ang inis sa mga mata n’ya. Pumikit siya at huminga ng malalim. Gusto ko sanang itanong kung ano ang problema pero parang may nakabara sa lalamunan ko.
“Aria…” panimula n’ya tapos ay huminga ulit ng malalim. Parang gusto ko nang takpan ang bibig n’ya. Hindi ko alam kung bakit, pero kinukutuban akong hindi ko magugustuhan ang sasabihin n’ya. Umiwas na lamang ako ng tingin sa kaniya.
‘Di sinasadyang naibaling ko ang aking tingin saisa pang Chinese Lantern na nahuli yatang paliparin. “Lea…” basa ko sa nakasulat doon. Pinagmasdan ko itong lumipad pataas habang bumubulusok pababa ang puso ko. Ganito pala ang pakiramdam ng mahulog at walang sumalo.
Lumunok ako. Pinilit kongtanggalin ang nakabara sa aking lalamunan para hindi malaman ni Arthur na paiyak na ako. "That was...sweet."
"Pero palpak,” pilit n’yang tawa.
"Yeah, epic fail." segunda ko. "But nonetheless, sweet."
Nakakailang na katahimikan ang pumagitna sa aming dalawa. Sa totoo lang, wala akong ideya kung paano na ako makikitungo sa kanya. O kung paano ko pipigilang tumulo ang luha ko.
"Sige, ano—" bulong ko sabay talikod sa kanya, "—pasok na ako sa loob. Baka hinahanap na ako ni Lea."
"Sandali," pigil n'ya sa akin. "’Yung braso mo, dumudugo pa rin."
Tiningnan ko ang sugat sa braso ko. Nakalimutan kong nabubog nga pala ako nang nahulog ang chandelier kanina. Nakalimutan kong kaya nga pala n'ya ako hinila palabas ng function hall ay dahil sa nagdudugong sugat ko. Nakalimutan kong takot nga pala si Lea sa dugo. Nakalimutan ko na lahat ng bagay na ginagawa n'ya ay para kay Lea. Nakalimutan kong ang kambal ko nga pala ang mahal n'ya. Nakalimutan ko ang lahat ng ‘yan dahil saglit akong umasa na baka sakaling ako naman talaga. Sana ako na lang.