Theme: Kwentong kababalaghan (secretheartache)

483 17 26
                                    

LEIN

---

"Happy birthday Princess!" masayang bati ni Nate kay Natalie, pero nanatiling nakapangalumbaba ang kapatid habang nakatitig sa kanya. "Bakit matamlay ka? Hindi mo ba nagustuhan 'yung regalo ni Kuya?"

Itinapat ng pitong taong gulang na si Natalie ang natanggap na teddy bear sa webcam. "Gusto," walang buhay n'yang sabi "Pero hindi ito ang wish ko. Sabi mo uuwi ka na."

Napabuntong hininga si Nate. "Next month," muli n'yang pangako. Uuwi naman talaga s'ya sa kaarawan ng kapatid kaso lang ay nagkaaberya ang pinamamahalaan n'yang pagpapatayo ng isang gusali. Hindi tuloy s'ya makaalis.

Tiningnan lang s'ya ni Natalie na may halong pagdududa. "Next month ulit?" Hindi naman kasi n'ya masisisi ang kapatid. Iyon din ang pinangako n'ya noong isang buwan maging noong nakaraang dalawang buwan. Mga sampung buwan na n'yang ipinapangako ang pag-uwi. "Miss na kita Kuya. Wala akong kalaro."

"Si Xander," suhestiyon ni Nate na agad naman n'yang binawi dahil sa naging reaksyon ng kapatid. Kumunot ang noo nito at humaba ang nguso. Malamang nag-away na naman ito at ang kanilang kapitbahay. "O kaya si Lein! Di ba sabi ni Kuya si Lein muna ang kalaro mo habang wala ako?"

"Ikaw ang gusto ko Kuya," pagmamaktol ni Natalie. "Saka sabi ni Xander bumalik na daw 'yung monster sa ilalim ng cabinet ko kasi wala ka na. Kaya bumalik ka na."

Gustong matawa ni Nate sa sinabi ng kapatid. "Nandyan naman si Lein. Matapang si Lein," seryoso n'yang sabi. "Si Lein ang magbabantay at poprotekta sa prinsesa ko habang wala ako."

Halos madurog ang puso ni Nate nang makita ang panginginig ng labi ni Natalie. Kaya nga minsan, ayaw n'yang mag-Skype sila dahil ayaw n'yang nakikita na umiiyak ang kapatid. "Huwag ka nang malungkot Princess. Babalik din naman si Kuya. Pero habang wala ako d’yan, si Lein muna ang kasama mo. Hindi ka n'ya iiwan."

--

"Alis dyan," malamig na utos ni Natalie kay Lein. "Alis, hindi tayo bati."

Gaya ng dati, tinitigan lang s'ya ni Lein at nagkibit balikat. "Makikipagbati ka rin after five minutes," balewalang kumento ni Lein. "Magsasayang lang ako ng lakas na tumayo rito."

Pinukol na lamang n'ya si Lein ng masamang tingin at hindi na nagsalita pa. Ano pa ang silbi ng pag-angal n'ya kung totoo naman ang sinabi nito?  "Ang sama-sama mo kay Xander. Kakalbuhin ko na talaga 'yang balahibo mo," pagbabanta n'ya.

Tinawan lang s'ya ni Lein at tinapik ang espasyo sa tabi. Napabuntong hininga na lamang si Natalie. Wala rin naman s'yang magagawa kundi tumabi kay Lein sa pagtulog. Kung hindi lang s'ya naaawa ay sa labas n'ya ito patutulugin nang magtanda. "Alam ko namang hindi mo gagawin 'yun," buong kumpyansang sabi ni Lein nang yakapin n'ya ito. "Mas mahal mo ako kaysa sa Lando na 'yun."

"Hindi rin," sabi ni Natalie. "Saka Xander ang pangalan n'ya. Malala na 'yang selective amnesia mo."

"Hindi naman kasi s'ya importante para tandaan," bulong pa ni Lein. "Iiwan ka rin naman n'ya, sasaktan, gaya nang ginawa ng iba sa'yo. Pero huwag kang mag-alala, nandito lang ako. Nandito ako para bantayan at protektahan ka."

Hinigpitan ni Natalie ang yakap n'ya kay Lein. "Alam ko." Si Lein na lang ang natitira kay Natalie. Kahit ang Kuya Nate n'ya na nangakong uuwi, inabot na ng mahigit sampung taon pero hindi pa rin bumabalik. Maging mga kaibigan n'ya ay unti-unti ding lumayo sa kanya. Tanging si Xander nga lang ang bumalik, tapos inaway pa ni Lein. Sa bagay, hindi n'ya naman ito masisisi, ayaw ni Lein ng nasasaktan s'ya. Sobrang protective sa kanya nito. Lahat ng pwedeng makasakit ay inilalayo nito sa kanya at lahat ng magpapaiyak ay inaaway.

Team WarLordsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon