Jeepney
by: superjelly
Hindi ko inaasahan na mangyayari sa akin ito; ang mahulog sa isang taong ngayon ko pa lang nakita.
Unang sulyap ko pa lang sa mukha niya, para bang tinamaan na agad ako ng palaso ni kupido. Totoo pala ang love at first sight. Pakiramdam ko aytila nagbukas ang langit, at itong oras na ito ang itinakda para kami ay magkita. Para bang siya ang soulmate ko.
Posible pala ito. Tumitibok ng mabilis ang puso ko habang napagmamasdan ko siya ngayon sa harap ko. Ang makakapal niyang kilay, mapupungay na mga mata, matangos na ilong at perpektong labi ay mistulang sa isang anghel na ibinaba ng Diyos mula sa langit. Napakagat ako sa labi ko upang pigilin ang sarili kong mapasigaw sa kilig na nadarama ko sa pagkakataong ito. Sasabog na nga yata ang puso ko. Gusto ko siyang kausapin, gusto ko siyang mahawakan, gusto ko malaman ang pangalan niya at pati na ang lahat ng tungkol sa kanya. Gusto kong mapatingin din siya sa akin, na titigan din niya ako tulad ng pagtitig ko sa kanya. Mas interesado ba siya sa kung ano ang tanawin sa labas ng jeep kaysa sa akin?
At naisip kong ‘oo nga naman’ang sagot sa katanungan kong iyon.
Hindi naman sa panget ako. Ang akin lang, mukha akong plain para sa lalakeng gaya niya. Masyado siyang mataas, parang hindi ko siya kayang abutin. Ano ba 'tong naiisip ko? Nababaliw na yata ako!
Oo, nababaliw na nga ako.... sa kanya.
Ngayon lang ako nakatagpo ng tao na sobra ang epekto sa akin. Ngayon ko lang naramdaman ito. Matagal-tagal na rin simula noong huling nangyari sa akin ito. Dati kasi, nasaktan lang ako. Umasa sa wala. Kaya nga ba nawalan na rin siguro ako ng pag-asa na may kakayahan pa akong magmahal muli at tinanggap ko na sa sarili ko na mukhang malabo na yatang mahanap ko pa ‘yung lalakeng mamahalin ako at makakasama ko na pang-habangbuhay...
Pero bakit ganito... bakit ngayon na nakita ko ang binatang kasabay ko dito sa jeepney, parang bumalik ‘yung pag-asa ko? Parang may nabuhay sa akin na namatay na dati.
Nagulat ako nang unti-unti siyang napalingon sa gawi ko at napatitig din siya sa akin. Di-inaasahang nagkatitigan kami. Lalo pang bumilis ang pagtibok ng puso ko. Pakiramdam ko ay nawala lahat ng tao sa paligid koat kaming dalawa na lamang ang nakasakay sa jeep na ito. Nawalan na akong ng pandama sa oras. Umabot ako sa puntong hinihiling ko na sana ay ‘wag nang matapos ang sandaling ito...
"Bababa na po," nasira ang pagmumuni-muni ko sa sinabing iyon ng aleng katabi ko. Nahila ako pabalik sa realidad. Ano nga bang iniisip ko? Nagbabakasakaling interesado din sa akin ang binatang kasabay pasahero? Na may pag-asa ako sa kanya?
Bumaba na ‘yung ale at sumunod naman ako dahil pareho kami ng kalyeng bababaan. Pagkababa ko ng jeep, nasilaw ako sa sikat ng araw. Naging dominante sa aking pandinig ang ingay ng mga kotseng dumadaan. Iyon na ang hudyat para magising ako sa maiksing panaginip ko habang nakasakay sa jeepney; panaginip na nagbigay rin sa’kin ng reyalisasyon. Nahimasmasan ako at napagtantong imposibleng magkatotoo ang gusto kong pantasya.
Pero nanghihinayang ako. Sayang. Kahit pangalan niya ay hindi ko man lang nalaman. Magkikita pa kaya kami? Ganito ba talaga ang tama sa akin ng lalakeng iyon na kung anu-ano na ang mga pinag-iisip ko?
Napalingon ako at napatingin muli sa jeep na patungo na ngayon sa kabilang kanto. Hindi na nahagip ng mga mata ko ang mukha nung binata. Naglaan pa ako ng ilan pang sandali para pagmasdan ‘yung jeep hanggang sa mawala na iyonng tuluyan sa paningin ko. Sana kasabay din nun ang paglisan ng nararamdaman ko; pero hindi. Abnormal pa rin ang tibok ng puso ko.
Napapikit na lang ako at pagmulat ko muli, naroroon na siya sa harapan ko. Kakapusin yata ako ng hininga...
Dug dug.
Nagkatitigan kaming muli. Walang nagsasalita kundi ang aming mga mata. Nagkakaroon kami ng hindi maipaliwanag na komunikasyon sa aming simpleng pagtitinginan. Pwede nga kayang... posible nga kaya...
Ngumiti siya sa akin. Inilahad niya ang kaniyang kamay. Napatingin ako sa kamay niyang iyonna parang masarap hawakan. Hindi ko maipaliwanag ang saya na aking nadarama.
"Ako nga pala si Joel," sabi niya. Kahit ang boses niya, malaki rin ang epekto sa akin. "A-anong.... maaari ko bang... maaari ko bang malaman ang pangalan mo?"
Tadhana. Fate. Destiny.
Sinuklian ko ang ngiti niyang iyon. Nahiya akong bigla sa kamay ko kasi medyo magaspang ito at pasmado pa. Dagli kong ipinunas ang aking kamay sa pantalon na suot ko.
Inabot ko ang kamay niya at pinisil ito ng mahina. Hindi nawawala ang ngiti sa aming mga mukha at hindi naalis ang aming mga titigan sa isa't isa.
"Ang pangalan ko ay...”
“...Michael John. Pero MJ na lang for short."