Miracle 18: Little Spark

66 5 1
                                    

Miracle 18: Little Spark

Abalang-abala si nanay isang gabi ng Sabado dahil bigla na lang akong nilagnat. Ang taas ng temperatura ko at ang init ng pakiramdam ko. Si mama naman pinupunasan ang buo kong katawan ng basang bimpo. Si papa naman ay kauuwi at may uwing mainit na lugaw. Yun nga lang ay wala akong ganang kumain.

Bago ako pumikit noon ay nagdasal ako at bago matulog ay may ibinulong sa akin si mama. Tatlong letra yun na lagi niyang ibinubulong sa akin tuwing may sakit ako.

Kinabukasan, ginising ako ni mama, "Dee, gusto mo bang sumama samin ni tatay mo na magsimba?"

Iiling sana ako kay mama dahil sa pagkakaakalang may lagnat pa rin ako pero nang hipuin ko ang noo ko, normal na at ng bumangon ako ay ang sigla ng pakiramdam ko. Para bang hindi mataas ang lagnat ko kagabi.

Tulad ng dati, maagang gumising si mama at si papa. Nagluto kaagad si Mama ng almusal bago kami magsimba.

"Hala, Dee, bilisan mong kumain, ha, nang makaligo ka na," habang nilalagay ni mama sa plato ako ang pritong itlog na pinalamanan ng patatas. "Paborito mo yan di ba?" wika pa niya.

Habang kumakain naman ako'y dumaan si papa. "Tay, good morning," bati ko ng nakangiti. Tumugon naman siya. "Tay, pwede ko bang isama si Tablea?"

Noong mga panahon na iyon tila alam na rin nila na may imaginary friends ako. Hind naman nila yon ikinabahala at pinagbigyan lang ako.

"Sige, isama natin sya," pagpayag ni papa. "Sabihin mo magbihis na siya."

"Okey na, tay, pareho pa nga kayo ng suot."

"Aba panlalaki to, kala ko ba sabi mo sa nanay mo babae si Tablea?"

"Ou nga po, pag si Mama ang kausap ko."

"Oh siya, tapusin mo na yan, Dee, at baka mahuli tayo sa Misa," tangi niyang naitugon.

Pitong taon ako noon at yun ang kinamulatan kong buhay. Kahit gaano sila kaabala sa buong linggo, hindi pwedeng hindi kami magsimba sa araw ng pahinga.

Pitong taon ako noon, matapos ang Misa, nagkita ko si ninong malapit sa pinto ng simbahan. Agad naman akong nagmano.

"Aba, talaga naman napakabait ng inaanak ko na ito," sabi ni Ninong Adong habang kinukusot ang buhok ko. "Gusto mo ampunin na lang kita?"

"Yan naman ang hindi pwde, kumpadre," tugon ni tatay na nasa likod ko. "Nag-iisa lang yan."

At si nanay naman na nasa likod ko rin ay pinuna ako, "Oh, anak, sa kaliwang kamay ka na naman ng magmano." Napangiti na lang ako kay nanay tumakbo.

Iniwan ko silang tatlo na nag-uusap. Nagmamadali akong nagpunta sa may harap ng simbahan, sa maliit na bangko sa lilim ng matandang acasia. Doon, kinakausap ko ang kaibigan kong si Tablea nang lapitan ako ng isang payat na batang babae. Parang hugis kabute ang gupit ng buhok niya at siguro ay pitong taon na rin siya.

"Uy! Sinong kausap mo dyan?" ang una niyang bati sakin. Hindi ko sana siya papansinin pero mukha namang mabait siya.

"Si Tablea," tangi kong sagot.

"Sino si Tablea?" usisa niya.

"Kaibigan ko. Heto sya oh," sabay inakbayan ko si Tablea.

"Ah," kunware nakita nya pero alam ko namang ako lang ang nakakakita kay Tablea. "Ano namang itsura ni Tablea?" tanong pa niya.

Tiningnan kong mabuti si Tablea at tila salamin siya ng batang kausap ko. "Kahawig mo," wika ko. "Gupit kabute rin ang buhok at may nunal malapit sa bibig."

"Kahawig ko?" sinuklay niya ng daliri ang buhok niya.

"Yes! Kung anong itsura ng huling taong nakita o nakausap ko, ganoon ang itsura ni Tablea."

"Siguro wala kang kapatid," sabi niya.

"Ou, paano mo nalaman?" nagtataka ko noon kung panu niya nahulaan.

"May imaginary friend ka kasi," sagot nya. Hindi ko alam noon kung ano yun. "May kaibigan ka na hindi mo talaga nakikita, kaibigang nasa imahinasyon mo lang.  Madalas ka sigurong mag-isa at naghahanap ka din ng kalaro at kausap."

"Totoo naman siya saka wag natin syang aawayin kasi hindi na siya babalik," ika ko.

"Sa Corinthians ka ba mag-aaral ng Grade 1?" tanong niya. "Doon kasi ako mag-aaral at sana mag-classmate na tayo papha wala ka ng pwedeng ipag-alaala dahil may lagi ka ng makakalaro at pwede na nga tayong maging magkaibigan."

Napangiti naman ako ng marinig ko ang mga salitang kalaro at kaibigan. Nilabas ko ang hinliit ko at gumawa kami ng promise sa isa't isa -- isang pangakong hihintayin ko ng matagal.

"Yeng!" tinawag na siya ng mama niya. Mabilis siyang tumakbo palayo pero nakita ko pang nag-flying kiss sya sa akin. Yeng -- yung ang pagkakaalam kong pangalan niya. Nang mga sumunod na linggo ay umasa akong magkikita pa kami muli pero sa kasamaang palad hindi ko na siya nakitang muli sa lumang simbahan.

Dumating ang June. Kabado ako ng unang araw ng pasok, hindi lang dahil mag-aaral na ako sa elementarya kundi dahil punong-puno ako ng pag-asa na isa sa mga bago kong kaklase ay si Yeng. Bawat kaklase kong babae ay tinititigan kong mabuti, sinusuri kung isa ba sa kanila si Yeng pero wala sya sa klase ko. Sumilip din ako sa kabilang section at hindi nawalan ng pag-asa, pero wala talaga siya. Ni wala ngang grade 1 students na Yeng ang pangalan.

Pero hindi ako nalungkot, umasa pa rin akong mag-eenrol siya. Buong taon akong umasa, naghintay at napagod. Hindi niya natupad ang simple naming pangako sa isa't-isa.

Unti-unti, nagkaroon ako ng bagong mga kaibigan at kalaro. Unti-unti, napagod na rin akong hanapin siya pero hindi ko nalimutang may mga pangako kami sa isa't-isa. Parang nagtampo pa ako sa kanya noon.

Mabilis kong naalala lahat ng mga ito ng marinig ko ang sigaw ng isang dalaga mula sa rooftop ng school building. Tiningnan ko siyang mabuti. Tama! Madalas niya akong ngitian tuwing magkakasalubong kami. Madalas ko rin nga siyang nakikitang kausap ni Andrea.

Ang laki ng pinagbago ng mukha niya pero ngayon sigurado na ko na siya si Yeng. Ilan beses ko siyang nakasalubong, ilang sulat din ang ipinaabot niya kay Andrea. Wala siyang pinagtapat pero naramdaman ko kung gaano ko kahalaga sa kanya.

Death by Tablea [Yatnihihgan]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon