Miracle 3: Secret Portal

144 8 1
  • Dedicated kay Louwigin Cruz
                                    

Miracle 3: Secret Portal

"Maraming bagay na mahirap unawain sa mundong ito. Ang madalas hindi maintindihan ng tainga, puso ang umuunawa."

Paglabas ko ng bahay, naroon ang isang babae sa harap ko. Bumilis ang tibok ng puso ko.

"Pupunta ka ba sa farm?" bungad niya. "Gusto ko sanang maglakad na kasabay mo."

"Ou, dun nga ko papunta. Halika."

Lumapit ako sa kanya at inabot ang kamay niya. "Alam mo ang ganda ng araw ko. Masaya ko na ikaw ang una kong nakita."

Mabilis namang nagkulay rosas ang pisngi niya.

Magkahawak kami ng kamay habang naglalakad. Ang lambot ng kamay niya. Ito ang unang pagkakataong nahawakan ko ang mga kamay ni Ritz.

Ritz?! Ritz na naman. Nabenta na tong panaginip na to ha.

Nagising ako mula sa kalampag ng mga gamit sa kusina. Bigla akong napatakbo nang 'di man lang nakakapagdadasal ng maikli o nakapag-aayos ng buhok.

"Good morning!" nakangiti siya sa akin. Malayo sa takot na takot na itsura niya kagabi.

"Napatakbo na ako, akala ko si Belinda ang nangangalkal sa kusina."

"Meeeeh!" sagot naman ng alaga ko habang inaabutan siya ni Tablea ng pechay.

"Oh narinig mo si Belinda?" tanong niya. Ou narinig ko, tuwing maririnig nya naman ang pangalan niya, humuhini siya. "Sabi ni Belinda, wag daw siya ang sisihin mo," tumingin siya sa akin nang nakangiti. Maaliwas ang mukha niya. "Di ba, Belinda?"

"Naiintindihan mo ang sinasabi niya?" bahagya pa akong napatawa.

"Ou naman. May alaga rin akong kambing noon bata ako. Hindi lang yun. May pusa. May rabbit. May gansa," nakatalungko siya sa harap ni Belinda habang yakap-yakap niya ang mga tuhod niya. "Maraming bagay na mahirap unawain sa mundong ito. Ang madalas hindi maintindihan ng tainga, puso ang umuunawa."

"Lalim nun ha."

"Syempre," ang laki pa rin ng ngiti niya. Unti-unti tuloy nawawala ang pag-aalala ko sa kanya kagabi. "Alam ko gutom ka na rin. Di naman tayo naghapunan. Sandali na lang maiinin na ang kanin, isusunod ko nang lutuin ang ulam."

Kanin?

Ulam?

Mabilis kong nilibot sa kusina ang paningin ko. Nakasalang na nga ang kanin. Marunong siyang magparingas sa gatong. Sa mesa naman ay ang mga sangkap pang-gisa, balat ng upo sa plastic at nakahiwang upo sa malaking mangkok. Aaminin ko nagulat ako kaya napalapit ako sa mesa at hinawakan ang isang cube ng nakahiwang upo. Maayos ang pagkagawa, hindi siguro kutsara ang ginamit niya dito.

"Panu mo nabalatan at nahiwa?"

"Secret."

"Hindi ka na takot gumamit ng kuts-"

"Bumabawi lang ako sayo, Dee," wika niya bago ko pa man matapos ang sasabihin ko. Pinitik niya ang ilong ko. "Takot ako sa bagay na iyon. Sana kahit pangalan lang nun ay huwag mo ng babanggitin kung maririnig ko."

"Bak-"

"Ayoko. Ayoko ko nang balikan yun. Hindi ko kayang ikwento sayo," wika niya. Una kong pinansin ang reaksyon ng mukha niya. Nakangiti pa rin siya. Gusto ko sanang piliting alamin pero ayaw kong mabura ang maaliwalas niyang aura ngayong umaga.

Death by Tablea [Yatnihihgan]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon