Chapter Three

124 10 10
                                    

Chapter Three:
Flood Likes.

PAGKAUWING-PAGKAUWI ko galing sa eskwelahan, kaagad na bumungad sa akin ang masayang mukha ni Kuya.

"Good evening, my princess, Ash. Anong gusto mong hapunan? May gusto ka rin bang dessert o midnight snack? Ano? Dali, lahat ng gusto mo ibibigay ko. Sabihin mo lang," litanya ni Kuya habang patuloy pa rin sa pagngiti nang pagkalawak-lawak.

"Hindi ka ba nangangawit kangingiti? At isa pa, anong meron? Anomg tinatago mo sa akin? May kailangan ka ba?" sunod-sunod kong tanong marahil kakaiba ang akto niya ngayong umaga.

"Ah, e. . . n-nandito kasi si Ate Fe mo, nandoon siya sa kwarto ko nagla-laptop. Siya lang kasi mag-isa sa bahay kanina, kaya naman pumunta ako para sunduin ko siya. Syempre, alam mo naman, pasyal-pasyal kung saan-saan. Kaso lang, sobra yata kaming nag-enjoy kaya nawala sa isip niya 'yung susi ng bahay nila na nasa bulsa lang ng pantalon niya. Nailaglag yata niya kaya kailangan niyang hintayin na bumalik 'yung papa niya sa bahay e kaso bukas pa 'yon. Ayun 'yung nangyari," mahabang paliwanag ni Kuya sa akin at ngumiti ulit.

"O, tapos?" tanong kong muli. Nakataas pa ang isa kong kilay habang ang mga noo ko ay nangungunot.

"Balak ko sanang dito muna siya patuluyin. Hanggang bukas lang naman. Kung pwede sana tabi kayo sa kwarto mo. Alam mo naman, lalaki ako, babae siya. Masyadong delikado." Hindi ako tumugon. "No, no, no! Kung ayaw mo naman pwedeng dito na lang ako sa sofa para doon siya sa kwarto ko. Kung ayos lang naman sa 'yo," dugtong pa niya.

"Babae? E pareho naman kayong lalaki ha," ani ko.

"Babae turing ko kay Ate Fe mo kahit transgender lang siya. Ano, patutulugin mo ba siya sa kwarto mo o. . ." Lumungkot ang mga mata niya at sumimangot ang mukha. ". . .hahayaan mong mahirapang matulog ang kuya mo sa sofa para sa kapakanan ng kaniyang minamahal na girlfriend."

Napailing ako.

"Oo na! Ayos lang. Close na rin naman kami ni Ate Fe," ani ko at sumilay sa aking mukha ang isang banayad na ngiti.

"Salamat, Ash!" Mahigpit akong niyakap ni Kuya. "Salamat!"

"Teka, kumusta na nga pala 'yung ginawa mong signs?" tanong ni Kuya nang kumalas na siya mula sa pagkakayakap.

Tumanaw ako sa itaas, sa kisame, pinipigilang bumagsak ang mga luha.

"Hula ko walang natupad 'no?" Kiniliti pa niya ako sa tagiliran. Ayun na, hindi ko na napigilan pa. Napahagulgol na ako.

"Sorry, Ash, masakit ba 'yung pangingiliti ko?" pag-aalala ni Kuya.

"Ewan ko sa 'yo! Syempre hindi 'yon 'yung dahilan kung ba't ako umiyak." Hinampas ko siya nang malakas. Buong pwersa rin kagaya ng pagbagsak ko ng libro sa mukha ni Jack.

"Kung ganun, bakit?" aniya.

"Dalawa kasi kaagad sa signs ang natupad e. Baka nga umaasa lang ako, Kuya," nalulungkot kong saad.

"Hay naku, ako nga dati e, gumawa rin ng 15 signs para lang malaman kung tutuloy ba ako sa panliligaw kay Fe o hindi. Kapag nangyari 'yung mga signs, ibig sabihin hindi ko dapat ligawan si Fe. Alam mo ba? Sa loob ng isang araw lang, 14 signs 'yung nangyari. Halos sumuko na ako nun. Pero kinabukasan, nagulat ako kasi bigla akong nilapitan ni Fe at siya mismo ang nagtanong sa akin kung ayos lang ba raw na may nagkakagusto sa kaniyang isang transgender. Aba, kahit transgender siya ha, mahal na mahal ko siya dahil maraming meron siya na hindi ko nakita sa mga babae. See? Tiwala lang kasi, Ash." Tumango lang ako at nagpunas na ng pisngi gamit ang palad. Napakaiyakin ko talagang babae. Napakaselan. Punyemas de galapong.

ALAS-ONSE na ng gabi at nag-uusap pa rin kami ni Ate Fe. Alam mo na, girl talk. Minsan tungkol sa kanilang dalawa ni Kuya, minsan naman tungkol sa mga ex-boyfriend niya, minsan tungkol sa family ko, pero madalas tungkol sa mga crush namin na artista.

15 Signs na Umaasa KaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon