Chapter Five:
Surprises.ISANG linggo na ang nagdaan. Oo ganoon kabilis, parang pagkahulog ng loob ko sa kaniya. Isang linggo na ring nakatago sa damitan ko 'yung 15 signs. Oo nakatago lang, parang pagtatago ko ng feelings sa kaniya. Teka, bakit ba ang bitter ko ngayon at bakit ko nga ba napagdesisyunang itago? Sa totoo lang masakit kasi. Ang hirap umasa na may pag-asa ka para sa isang taong 'di ka man lang nage-exist sa kaniyang isip. Ayaw ko. Kung umaasa lang ako, e 'di umaasa. Bakit kailangan ko pang gumawa ng signs para malaman? Bahala na si Batman, Superman, Wonderwoman, at lahat-lahat ng may man sa huli ng pangalan. . . well, maliban lang siguro kay 'Carrotman.'
Habang mag-isa akong naglalakad sa corridor, hinihiling ko na sana hindi pumasok si Maria. Isang linggo na rin kasi niya akong tinatanong tungkol sa mga senyales e kaso nga ayaw ko na e. Ganun din si Kuya, puro tanong kung ano nang nangyari sa mga senyales. Maski si Ate Fe bumisita pa sa bahay namin para lang sa pesteng labinlimang senyales na 'yan. Anong magagawa nila kung ayaw ko nang magpakatanga? Kahit naman hindi mangyari lahat 'yon, alam ko na ngayon na talagang umaasa lang ako.
Laking-tuwa at pasasalamat ko dahil wala nga si Maria. Sa wakas, ligtas na rin ako sa mausisa't tila nange-enterrogate niyang mga tanong. Mula lunes hanggang kahapon binugbog niya ako ng mga tanong. Kesyo bakit ko raw tinago. Kesyo bakit daw ako titigil. Bakit. . . bakit. . . puro bakit. . . bakit 'di na lang kaya siya 'yung gumawa ng signs 'no? Tapos may note: Walang katapusang signs na magiging straight na ang pagtatagalog mo at 'di na conyo.
Kaurat na e.
Wala namang bagong naganap sa kasagsagan ng pagtuturo ng mga nakakaurat na guro. Lahat naman ng lessons nila nakakaurat. Puro na lang ebolusyon. Evolution ng computation ng Math problems. Evolution ng teknolohiya. Evolution ng tao mula unggoy. Evolution ng kasaysayan. Evolution ng arts. Ng films. Ng theaters. Ng music. Ng bokks. Wala bang evolution ng taong umasa hanggang sa habulin na ng lalaki? Kung meron, baka sakaling mapukaw pa ang atensyon ko.
NANG dumating na ang oras ng recess, nagdesisyon akong manatili rito sa klase. Wala akong ganang kumain. Ni maglakad-lakad at mag-a la famous sa corridor hindi ko maaatim, dahil una tinatamad ako at pangalawa hindi naman kasi ako famous kagaya ni Jack.
Yumuko na lamang ako at doon nilabas ang lahat. . . lahat ng baho ng hininga ko. Paano ba naman, mula noong araw na itinago ko 'yung signs e hindi na nila ako nakausap nang matino. Basta, parang once in a blue moon lang ako kung magsalita. Pakiramdam ko ang baho na ng hininga ko.
"Guys, kulang pa kami ng isang member!"
"Bes, kumpleto na grupo n'yo?"
"Bhie, amin ka na lang bhie!"
"Bhie, meron na bhie."
"Sino pa walang group para sa project?"
"Oy, sino pa kulang sa inyo?"
"Guys, wala pa akong ka-grupo!"
Kaniya-kaniyang likha ng ingay. Kaniya-kaniyang gawa ng paraan para magkaroon ng kagrupo para sa isang group project sa Music. Basta ako wala akong pake. Bakit siya, may pake ba siya sa akin?
Nitong mga nakaraan, napapansin kong ang tindi ko nang humugot. Tipong pwede nang mag-viral sa internet at ma-scout ng nga creative writers ng Rated K.
Minsan nga, noong nanonood kami ni Kuya ng isang nakakatawang pelikula e bigla na lang nag-brown out. Hindi ko alam pero bigla na lang ako nakapagbitiw ng hugot: "Bakit ganun? Sa umpisa patatawanin ka niya, pasasayahin, tipong akala mo happy ending na ang lahat, kaso bigla na lang dadating doon sa puntong bigla na lamang maglalaho ang lahat na parang bula. Bigla na lang magdidilim ang lahat sa paligid mo, tapos unti-unting mapapawi 'yung sayang nakapinta sa mukha mo kani-kanina lang? Bakit kaya?"
"Ashley, may ka-grupo ka na ba?" Awtomatikong bumilis ang tibok ng aking puso nang marinig ko ang boses ni Jack. Parang may mga unicorns na nagtatakbuhan sa dibdib ko. Kaagad akong napatingala at bumungad sa akin ang nakangiti niyang mukha. "Kulang pa kami ng isa sa grupo, baka lang naman pwede ka?"
Bakit naman ako papayag? Lalapit lang siya kapag may kailangan. Kakausapin lang niya ako kung kailan niya gusto. Pati paano si Maria? E 'di mawawalan 'yon ng grupo? Alangang piliin ko pa sila kesa kay Maria na matalik kong kaibigan?
"Ah e, oo naman!" Sa sobrang kilig bigla na lamang akong napa-oo. Pasensiya ka na, Maria. "Basta siguraduhin n'yong may papel ako ha? Ang hirap kasing pumasok sa isang sitwasyon na para ka lang posteng nakatindig sa lupa. Hindi pinapansin. Walang papel. Tanging ang magbigay ng liwanag sa mga nagyayakapang magkasintahan."
Sa unang pagkakataon, nakita ko nang harapan kung paano tumawa si Jack.
"Ang tindi mo humugot, Ashley." Sinundan niya pa ng isang tawa. "Bale, bukas may praktis tayo sa bahay namin. Ala-una ng tanghali sa tapat ng school ang hintayan. Okay? Huwag kang mag-alala sagot ko meryenda ninyo." Nag-iwan muna siya ng isang ngiti bago tuluyang umalis sa harapan ko.
Na-surprise ako sa kaniya. Biruin mo, bawat grupo kinakailangang may limang miyembro. Napaka-suntok sa buwan naman na ako ang mapansin niya sa dinami-rami ng kaklase niya, sa dami ng wala pang grupo sa buong klase 'di ba?
"Sino wala pang grupo?" sigaw ng isa kong kaklase na naka-assign sa pag-aayos ng mga grupo para sa aktibidad na ito.
"Wala na. May grupo na lahat."
Ay, ganun, bale last choice na pala ako? E ano, at least si Jack 'yung lumapit sa akin.
Nang kumalembang na ang kampana sa muling pagkakataon. Kampana talaga? 'Di pwedeng school bell o bell na lang? Isa lang ang ibig sabihin nito. Uwian na!
Masaya akong naglalakad sa corridor nang biglang may dumamping palad sa aking balikat.
"Oy, Jack!" ani ko.
"Basta, bukas ha? Kita-kits na lang. Huwag kang male-late ha? Baka mamaya maghintay kami sa wala?" aniya habang nakapatong pa rin ang palad sa aking balikat.
Hinawi ko muna ang braso niya. Medyo mabigat, e. "Hindi naman ako paasa 'di tulad ng iba. Huwag kang mag-alala, hindi ako male-late. Kaya sana, dumating din kayo sa tamang oras, ha? Nakakasawa rin kasing maghintay sa isang taong hindi mo sigurado kung darating pa ba."
"Ang tindi talaga."
"Sobra. Sobrang tindi kaya ng epekto niya sa akin."
"Nino?"
"Ikaw. . ."
"Ha?"
"Ka ko, ikaw ang gumawa ng paraan para malaman mo kung sino."
"Ako?"
Bumilis ang tibok ng puso ko. Huy, anong ikaw? Ba't mo alam?
"Ha?"
"Ka ko, ako ba ang gagawa? Pwede naman kasing sabihin mo na lang sa akin."
"Ayaw ko."
"Okay."
"Bye."
"Ge."
"K."
Naghiwalay na kami ng direksyon na tinahak. Siya papunta sa right, samantalang ako. . . hindi ko alam kung right ba 'tong desisyon ko na sumali sa grupo nila. Baki kasi mamaya, mas lalo lang akong umasa sa wala.
BINABASA MO ANG
15 Signs na Umaasa Ka
عاطفيةSi Ashley "Ash" Mendoza ay ang klase ng babaeng patay kung patay sa pagkakaroon ng crush sa isang lalaki. Mula noong unang pasukan pa lang talaga ay tumibok na ang puso niya para kay Jackson "Jack" Collins. Subali't nangangalahati na ang school yea...