Nakabibinging palakpakan ang naririnig mo habang nasa taas ka ng entablado. Kita mo ang mga matang humahanga sa naabot mong tagumpay. Nagtapos ka bilang magna cum laude sa kursong political science at inaasahan nilang itutuloy mo ang iyong pag-aabogasya. Naniniwala rin silang magiging isa ka sa mga kinikilalang abogado sa bansa katulad ng mga magulang mo.
Ngunit...hindi ito ang nais mo. Ipinangako mo sa sarili mo na pagkatapos mo sa kursong pinili nila para sa 'yo, ay itutuloy mo na ang totoong pangarap mo—ang maging isang manunulat."Mom and Dad." Tumingin ang mga nagsusumamo mong mata sa kanila. "Gusto ko pong maging manunulat. Ayaw ko pong ituloy ang law." Buo ang loob mo nang sabihin mo ito sa kanila subalit tinutulan ka nila.
"Wala kang mapapala sa pagsusulat! Sa tingin mo ba'y may mararating ka sa larangang iyon? Wala! Magugutom ka lamang!" Ito ang mga salitang dumurog sa puso mo. Wala nang mas sasakit pa sa sinabi nila. Para na rin nilang sinabing walang kwenta ang bagay na tanging nagpapasaya sa 'yo.
Hindi mo matanggap na pagkatapos mong sundin ang lahat ng nais nila ay hindi ka pa rin nila pagbibigyan. Pakiramdam mo'y kinokontrol nila ang buhay mo. Ayaw mo na. Pagod na pagod ka na kaya sinunod mo ang gusto mo. Dahil dito, itinakwil ka nila subalit hindi ka nagsisi. Naging masaya ka sa pinili mong landas kahit na alam mong nasaktan mo sila.
Ngayon ay naging sikat ka nang manunulat at hindi mo inaasahang makikita mo sila sa unang book signing mo. Masaya sila—nakikita mo ito sa mga mata nila. Lumapit sila sa 'yo at niyakap ka ng mahigpit. Sinambit nila ang mga salitang matagal mo nang minimithing magmula sa kanila, "Ipinagmamalaki ka namin at sana'y patawarin mo kami."

BINABASA MO ANG
From Quotes to Stories
RandomAng librong ito ay naglalaman ng iba't ibang kwento mula sa iba't ibang mga manunulat sa bansa. Ang mga kwentong inyong mababasa ay pawang mga interpretasyon ng mga manunulat sa mga siping ibinigay ng grupo.