Chapter Nineteen

14 1 0
                                    

Chapter Nineteen

"Ange, tahan na," pag-aalo nila sa akin.

Hindi muna ako umuwi sa amin kaya dumiretso kami sa bahay ni Helena. Gusto kong magpalamig muna. Ayaw kong makita si Justin. Bakit ba kasi kami magkapit-bahay? Hindi ko tuloy siya maiwasan.

"Hindi naman ako umiiyak dahil doon e," sabi ko sa kanila.

Ayaw ko nang isipin yung mga nangyari kanina. Puwede kayang niloloko lang ako ni Justin? Bakit ba kasi ako nagpaloko? Pero bakit ko ba iniisip iyon? Mas lalo tuloy tumindi ang pag-iyak ko.

"Bakit ka ba umiiyak?"

"Masakit yung paa ko. Sobrang sakit."

Kumuha pa ako ng tissue at ipinamunas iyon sa mukha ko. Pero kahit anong pigil ko sa pag-iyak, ayaw tumigil. Nakakailang tissue na rin ako at nagmumukha ng landfill kuwarto ni Helena dahil sa mga ginamit mong tissue.

"Sigurado ka ba talagang paa yung masakit sa iyo o iyan?" tanong ni Helena at pagkatapos ay itinuro ang kinalalagyan ng puso ko.

"Ganoon ba ako kapangit?" tanong ko sa kanila.

Dati-rati, sila ang nasa posisyon ko ngayon at ako ang nagpapatahan sa kanila. Lahat ng sinasabi ko sa kanila noon, kinakain ko ngayon. Ang hirap talaga kapag hindi ikaw yung nasa sitwasyon at bigay ka lang nang bigay ng payo.

"Huwag kang magpaapekto sa sinabi kanina ni Mirachelle. Alam mo naman ugali niya, nilamon na ng insecurity niya," dagdag naman ni Rizza.

"Pangit ba ako?" tanong ko sa kanila.

Iniisip ko man na huwag magpaapekto, pero wala e. Nakaramdam ako ng hiya kanina. Kung mababa na yung self-confidence ko noon, mas bumaba pa ngayon.

Nagulat ako nang bigla akong batukan ni Helena. Kahit sila Rizza at Adrian nagulat. Bigla tuloy ako napatigil sa pag-iyak at pagda-drama.

"Hindi ko inasahan na mas masahol ka sa amin umiyak at mag-drama. Akala ko ba hinding-hindi ka tutulad sa amin? Anong nangyari sa mga payo mo? Kinain mo? Nabusog ka ba?"

Iyan na nga sinasabi ko e. Bakit ba kasi kasing talas ng bibig niya yung memorya niya? Hinawakan ni Helena yung sentido niya at biglang bumuntong-hininga.

"Kapag hindi ka pa titigil, tatawagan ko si Justin," panakot niya at walang ano-ano'y, napatigil ako sa pag-iyak.

"Ange, ano ba talagang problema at ngumangawa ka riyan? Hindi namin alam kung dahil sa selos o may iba pang dahilan. Napaka-OA naman kasi ng iyak mo kung sa selos lang. Kung tutuusin wala ka namang karapatan."

"Helena!" saway ni Rizza.

"What?" tanong naman niya habang nakataas ang kilay.

Dahil pakiramdam ko wala na rin ako mailuluha, ikinuwento ko na lang yung mga tumatakbo sa isipan ko. Simula sa sinabi ni Jamie kanina, sa pangalan na Gretchen at hanggang sa agam-agam ko at kinakatakutang mangyari. Baka tuluyan na akong mabaliw kapag kinimkim ko pa ito.

Habang nagkukuwento, napansin ko na talagang nakikinig sila. Kaya pagkatapos kong magkuwento, parang lumuwag yung dibdib ko. Mas gumaan ang pakiramdam ko.

"Hindi kaya tinatakot ka lang ng kaibigan mo?

"Kilala ko si Jamie kapag nagsisinungaling siya. Isa pa pala, huwag niyong ipagsasabi na maayos na kami ha."

Tumango naman sila. Humiga ako sa kama ni Helena at ipinatong ang braso ko sa mukha ko. Hindi ko alam kung bakit ba ako nagkakaganito. Hindi ko na makilala ang sarili ko. Gan'to ba kapag nagmamahal?

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 11, 2016 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

#11Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon