Kadiliman. Kalungkutan. Wala na akong nararamdaman. Tila manhid na ako sa mga nangyayari sa paligid ko. Wala na akong pakialam sa mga sinasabi ng ibang tao sa akin. Kilala lang nila ako sa aking pangalan at hindi kung sa ano ang aking mga naranasan. Oo, inaamin ko. Maituturing ninyo ako bilang isang masamang babae. Walang pinag aralan, mukhang pera, bayaran, demonyita, isang puta.
Kung nakilala ninyo ako nung bata pa ako ay marahil hindi ninyo aakalain na magiging ganito ang buhay ko paglaki ko. Nag-iisang anak ako ni dating Mayor Ramon Oreta at ng sikat na beauty queen na si Leticia Manawan. Pinalaki ako na nakukuha ko ang lahat ng gusto ko. Nag aaral sa isang pribadong paaralan, honor student, may takot sa Diyos, magalang at mahiyain. Nakatira sa mansion, nakakakain ng mga pagkain na hanggang pangarap lng ng ibang bata. Lahat ng gusto ko nakukuha ko, mula sa mamahaling damit, sapatos, alahas at mga laruan. Nakakapunta sa iba't-ibang lugar dito sa Pilipinas at sa ibang bansa.
Perpekto ang buhay ko. Noon. Ngunit hindi ko inakala na biglang maglalaho ang lahat ng ito. Noong unang taon ko sa kolehiyo,
tandang tanda ko pa ang araw na yun. Papauwi na ako sa bahay galing sa unibersidad ng biglang tumunog ang cellphone ko.
"Che, Huwag ka munang umuwi ng bahay. Maglibot ka muna, punta ka ng mall, magshopping ka muna" sabi ni Mama sa kabilang linya na halatang may tinatago.
"Ha? Ma? bakit??"
"Basta, mamaya ko nalng ipapaliwanag sayo"
At biglang naputol ang linya. Sinunod ko naman ang utos ni mama at sinabihan ang driver namin na si mang Oliver na sa SM muna kami pupunta.
Hindi ko alam na habang pumipili ako kung asul o berdeng sapatos ba ang bibilhin ko, ang aking papa ay nasa bahay, nakahandusay at naliligo sa sariling dugo. Binaril siya ng mga hindi kilalang lalaki habang papalabas sa bahay. Sa mismong harapan ng pintuan. Marahil mga kalaban niya sa pulitika ang mga pumaslang. Wala namang sapat na ebidensyang magpapatunay nito.
Hindi ako makapaniwala sa mga nangyari. Ang aking pinakamamahal na ama, biglang nawala. At dahil sa depresyon na nadarama ng aking mama dahil sa pagkawala ni papa, nanghina , nagkasakit, nawalan ng gana para mabuhay.
"Ma, please, wag mong gawin ito sa sarili mo. Nandito pa ako. Aalagaan kita" sambit ko kay mama habang nakahiga siya sa kwarto niya.
Hindi siya sumagot, nakahiga lang siya. malayo ang tingin at nakita ko nalng na unti unting tumutulo ang kanyang luha.
"Ma! naririnig niyo ba ko?! Ma! alam kong mahal na mahal ninyo si papa! Mahal na mahal ko rin siya! Pero wala na tayong magagawa! Wala na siya! Kailangan ko kayo ma! please! "
umiiyak kong sigaw kay mama na ngayon ay nakatingin na sakin.
Tumayo siya. Nagbihis ng mamahaling cocktail dress niya na binili pa niya sa HongKong. Umupo sa harap ng malaking salamin at nagsimulang mag make-up. Pulang lipstick sa maninipis niyang mga labi. Tinakpan ng concealer anh mga eyebags dahil sa kaiiyak. Nakalugay ang straight na straight nyang bukok na pinarebond lang bago ang pagpaslang kay papa.
"Ma? anong ginagawa niyo?" hindi ko lubos maisip kung bakit nagpapaganda ang aking mama.
"Minahal lang niya naman ako dahil maganda ako. Dahil sa sikat ako. Isa lamang akong palamuti sa buhay niya. Mas mahal pa niya ang pera niya, ang mga babe niya. Ayaw mong nalulungkot ako? Pwes. Lalabas ako. Sawang sawa na ako sa pagiging isang perpektong asawa. Isang ulirang ina. Hindi mo lang alam kung ano ang pinagdadaanan ko " sambit ng aking ina na halatang pinipigilan ang pag iyak. Tumayo siya, kinuha ang mamahaling bag at lumabas ng kwarto.
Hindi ko alam kung ano ang dapat bang maging reaksyon ko. magagalit ba?? malulungkot??
"Ma? Saan ka pupunta? Ano na ang mangyayari sa atin ngayon?" tanong ko sa aking sarili.
At yun na pala ang simula ng aking kalbaryo. Sa gabing iyon na lumabas si mama sa pintuan, ay ang huling gabi na nakita ko ang aking mama. Dahil sa pagbalik niya, ibang babae na ang nakita ko. Kamukha niya pa rin ang aking ina, parehong asul na cocktail dress, parehong alahas na suot, parehong sapatos at bag pero iba na ang nakita ko sa kanyang mga mata. Galit. Poot. Pagkamuhi.