Chapter 14: Taking Risks

300 6 4
                                    

May 11, 2013

Nikki’s POV

 

“A, hindi ba’t ikaw ang bunsong anak nina Danny at Claire Agravante na si Nicole? Oh my. Talagang ang napakaganda mo nang dalaga ngayon!” Ang tugon sa akin ng isa na naman sa sigurado akong kasamahan sa trabaho ng mga magulang ko, sabay bigay ng isang napaka-kaswal na yakap at halik sa aking pisngi.

Agad ko namang inilapat sa aking mukha ang napakapilit na ngiting kanina ko pa paulit-ulit na ipinapakita sa halos lahat ng mga taong sumasalubong sa akin nung gabing iyon.

“Maraming salamat po sa pagpupuri ninyo sa akin. At opo, ako nga ang bunsong anak nina Danny at Claire Agravante.” Pagkukumpirma ko sa kanyang katanungan. “Nga pala, kayo po si…?” Tugon ko, sabay tango nang konti sa kanyang direksyon bilang paraan ng pagrespeto at pagkilala.

Napabungisngis naman ang ginang at ngumiti nang sobrang laki pagkatapos.

“Ako ang Tita Amanda Salde mo. Ang dating katrabaho ng Papa mo nung nagtatrabaho pa siya bilang finance manager sa kumpanya na ‘Melivra Merchandises.’ Lagi pa nga akong bumibisita sa bahay ninyo noon, at kayliit at kaybabata niyo pa ng kuya mong si Carlo!” Pagkukwento niya, bakas ang tuwa sa ekspresyon sa kanyang mukha.

“A, ganun po ba? Long time no see po.” Saad ko, ngunit sa katotohanan ay sadyang hindi ko pa rin talaga siya lubusang maalala.

Sa totoo lang talaga kasi, kahit na napakapamilyar man ng itsura ng aking kausap ay sadyang hindi ko pa rin maalala ang mga pangyayaring kanyang ikinukwento. Either masyado pa akong bata nung mga panahong iyon, o sadyang hindi lang talaga tumatak sa aking isipan ang kanyang katauhan. Kung tutuusin rin naman kasi, halos lahat ng mga taong nandito ay naaalala ko na sa kanilang mga mukha, ngunit hindi ko pa rin talaga magawang igunita ang kanilang mga pangalan.

“Nga pala, nasaan ba ngayon ang mga magulang mo? Kanina ko pa kasi sila hinahanap-hanap para makausap at makakwentuhan, pero sadyang hindi ko talaga sila makita-kita.” Pahayag ni Tita Amanda pagkaraan.

Lumingon naman ako sa aking bandang likuran at itinuro sa kanya ang daanang pumapatungo sa direksyon ng dining hall, na siyang punung-puno ng mga bisita at maingay-ingay na rin dahil sa sobrang dami ng taong nagkukwentuhan at nagkakainan sa loob.

“Nandun lang po sila sa may banquet table, kasama at kausap ang ilan sa mga kliyente, mga business partners at iba pa nilang mga kakilala doon.” Saad ko.

Madali namang tumango ang aking kausap at mapagpasalamat na tinapik ako sa aking balikat.

“Maraming salamat, Iha. Sige, mauuna na muna ako, ha?” Ang agarang pagpapaalam niya sa akin.

“Sige po.” Sagot ko naman, at pagkatapos ay dagli na siyang umalis.

Nang lumaon ay nagpatuloy na ako sa paglalakad papunta sa veranda ng venue para doon na lang muna tumambay at para na rin makapagpahangin.

Napatingin ako sa aking suot-suot na wristwatch, at nakita kong mag-aalas-siyete pa lamang ng gabi. Mariin akong napabuntong-hininga pagkatapos, tila dismayado dahil siguradong matagal na panahon pa ang lilipas bago mapagpasyahan ng aking mga magulang na umalis na kami dito at umuwi na sa bahay.

Basta’t sa mga ganitong klase ng okasyon at pagtitipon kasi, masyadong nasisiyahan sina Mama at Papa sa pakikipagkwentuhan at pakikipagdaldalan sa kanilang mga kaibigan at mga kakilala na hindi na nila namamalayan ang oras at hindi na nila napapansin na halos mamamatay na kaming mga kasama nila dahil sa sobrang boredom. Minsan pa nga’y kung hindi rin sila ang pinagkakaguluhan ng kanilang mga kasamahan ay kami naman ni Kuya ang kadalasan nilang dinadagsa.

My Best Friend and I [ TEMPORARILY DISCONTINUED ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon