Maraming salamat sa napakagandang pabalat, KrungRi_Gizibe
***
Kabanata 11
Guro
***
Hindi matanggal-tanggal sa isipan ni Dia ang babaeng ubod ng ganda na kanyang nasilayan kahapon. Tumingala siya at sinandal ang kanyang ulo sa sandalan ng upuan niyang duyan na yari sa rattan at gawa ng tatlong duwende nang minsa'y nainip ito't walang magawa. May kung ano siyang nararadaman sa babaeng 'yon. Para bang may kakaiba sa buong paligid niya magmula nang makita niya 'yon. Nakararamdam siya ng malakas na enerhiya simula pa kahapon. Parang may kung anong mangyayaring hindi niya magugustuhan.
Bumangon siya at bumungad sa kanya ang tatlong duwende at si Kaps na nag-aagawan sa pagkain.
"Wala ba kayong nararamdamang kakaiba?" bigla niyang tanong sa mga ito habang magkasalubong ang kanyang kilay.
Natigil ang apat sa kanilang pag-aagawan at sabay-sabay na lumingon kay Dia saka umiling. Napakunot-noo siya at muling nilamon ng malalim na pag-iisip. May maliliit na ilaw na tila mga alitaptap na iyong masisilayan kahit na tirik na tirik ang araw na nakapalibot kay Dia. Ito ang mga maliliit na diwatang nangangalaga sa kalikasan na tila pilit na nagpapansin kay Dia ngunit hindi man lang magawang pansinin ng dalaga dahil sa malalim na pag-iisip.
"Ano bang bumabagabag sa 'yo?" tanong ni Alden at bahagyang humakbang palapit sa kanya ang apat.
"Wala ba kayong... ano, balita sa kaharian?" tanong niya na siyang ikinataka nila.
Napakunot-noo ang apat sa kanya.
"Matagal na kaming walang balita sa kaharian 'pagkat nasa ilalim na kami ng iyong pangangalaga," si Kaps naman ang sumagot. Sabay-sabay na tumango ang tatlong duwende.
Kinabukasan, kahit na may kakaiba pa ring nararamdaman si Dia, pinilit na lang niyang huwag pansinin ito nang sa gayon ay hindi na siya mabaliw pa. Pagkapasok na pagkapasok niya pa lang ay tila nagtaka na siya sa mga inaakto ng mga kamag-aral niya lalong-lalo na ang mga lalaki. Nagtatakbuhan ang mga ito at tila may hinahabol. Nakahalukipkip niyang sinundan ang mga ito. Nang makita niyang isa si Jerald sa mga nagkakagulong mga binata ay tinawag niya ito. Nilingon siya nito at nagtataka pang tumingin sa kanya.
"Ako ba?" anito at nakaturo pa sa sarili.
Napairap naman si Dia.
"Malamang," aniya.
Napakamot naman ng ulo si Jerald saka lumapit kay Dia.
"Himala at kumakausap ka ng tao," biro nito.
Hindi naman siya pinansin ni Dia sa halip ay pilit na tinatanaw ang kung anumang pinagkakaguluhan ng mga lalaki.
"Anong nangyayari? May sinapian ba?" tanong niya.
Humagalpak naman ito ng tawa.
"Hindi! May magandang diwata!" anito saka pilit na hinahanap ang kung sinumang pinagmamasdan ng mga kalalakihan kanina pa.
"May bagong teacher. Sobrang ganda at sexy pa!" dagdag nito habang humahaba ang leeg.
"Ayan na siya!"
Napalingon naman si Dia at halos huminto ang kanyang mundo nang masilayan ang babaeng ubod ng ganda na kanyang nakita noong nakaraang araw. Muli, nakaramdam siya ng kung ano rito. Bago sila lagpasan nito, tumingin ito sa kanya at ngumiti. Napakurap siya dahil do'n.
"Nginitian niya ako! Napakaganda niya talaga," ani Jerald.
Bumalik sa katinuan si Dia dahil do'n. Napairap siya dahil sa ingay ni Jerald kaya naman iniwan na niya ito.
"Nakita mo 'yon, Dia? Ngumiti siya sa akin," ani Jerald na akala mo babaeng kinikilig. Lumingon siya sa kanyang kanan at nakitang wala na ang dalagang kanina lang ay kasama niya. Napalingon siya sa kanyang kaliwa't kanan at nang di makita ang dalaga ay biglang napakamot sa ulo.
Ang bagong guro ang pinag-uusapan hanggang sa room nila Dia. Tunay nga naman kasing kapansin-pansin ang kagandahan no'n dahilan upang mairita ang grupo nila Yana 'pagkat hindi na sila pinapansin ng kalalakihan ngayon sapagkat natuon ang atensyon ng mga ito sa bagong guro.
Nanatili namang tahimik si Dia at malalim ang pag-iisip. Paulit-ulit sa kanyang utak ang pagtingin at ngiti sa kanya ng guro na 'yon. Tila ba pamilyar na pamilyar siya rito. Napailing siya at napalingon sa upuan ni Dentrix. Hanggang ngayon, hindi pa rin pumapasok ang binata. Sa isip-isip ni Dia, buhay pa kaya ang isang 'yon?
Naputol ang pag-iisip ni Dia nang pumasok ang kanilang gurong buntis para sa unang subject at kasunod nito ang bagong guro na kanina pa pinagpipiyestahan ng mga kalalakihan kaya naman naghiyawan ang iba niyang mga kaklase. Sumenyas naman ang kanilang guro na manahimik ang mga ito upang makapagsalita na.
"Class, this is Ms. Mayla Larde. Siya ang papalit sa akin next week dahil maternity leave ko na 'yon. Be good to her, okay? Lalo na kayo, boys," anito.
"Yes, ma'am!" sabay-sabay na sambit ng mga lalaking kaklase ni Dia.
Napahalukipkip naman si Dia at pinagmasdan lamang ang ngiting-ngiti na batang guro. Nang magtama ang kanilang mga mata, biglang napakurap si Dia. May kung anong malakas na enerhiya siyang naramdaman dahilan upang magbitaw agad siya ng tingin.
Nang mag-uwian, dumaan na muna si Dia sa kanilang bakery upang magpalipas ng oras dahil wala rin naman siyang gagawin sa bahay at maririndi lang siya sa ingay ng pag-aaway ng mga duwende. Nang papadilim na, pinilit na siya ni Aling Aura na umuwi kaya naman wala na siyang nagawa pa kung hindi ang sundin ito.
Napansin ni Dia ang buwan sa gitna ng kanyang paglalakad. Bilog na bilog ito at sadyang napakaganda ngunit hindi alam ng dalaga kung bakit may nararamdaman siyang kakaiba. Huminga siya nang malalim at ipinagsawalang bahala na lamang ang kung ano mang nararamdamang kakaiba. Nagpatuloy na siya sa paglalakad ngunit agad ding napahinto nang may makilala siyang nilalang. Naningkit ang kanyang mga mata upang mas lalo itong makita.
"Hindi ba't si Ma'am Mayla 'yon?" bulong niya sa sarili.
Nakita niya itong pumasok sa kakahuyan na malapit na lamang sa kanilang bahay na siyang ikinataka niya.
"Anong gagawin niya sa kakahuyan nang ganitong oras? Higit sa lahat, babae pa siya."
Wala na namang nagawa si Dia kung hindi ang umuwi na lamang kaysa lamunin na naman ng gurong iyon ang kanyang isipan. Nang makauwi na siya'y bumungad na sa kanya ang pag-aaway ng tatlong duwende kaya't siya'y napailing at dumiretso na sa loob ng kanilang bahay.
Kinaumagahan, nagising si Dia dahil sa isang malakas na sigaw. Dali-dali siyang nag-ayos at lumabas ng kanilang bahay. 'Di kalayuan ay may nakita siyang mga taong nagkukumpulan kaya naman nagtungo siya ro'n at nang makalapit ay bumungad sa kanya ang isang bangkay na bukas dibdib at tiyan at ngayo'y wala nang laman dahilan upang mapatakip siya sa kanyang bibig.
"Sinong demonyo ang may gawa nito?" tanong ng isa sa mga tao ro'n.
"Nakasisiguro akong hindi tao ang may gawa nito."
Napalingon naman si Dia sa huling nagsalita. Hindi niya alam kung bakit bigla niyang naalala ang magandang guro.
![](https://img.wattpad.com/cover/52089713-288-k441465.jpg)
BINABASA MO ANG
Adrasteia
ParanormalBook 1 Adrasteia Laxamana o mas kilala sa palayaw niyang Dia, kung sa tingin niyong isa lamang siyang pangkaraniwang babae na napakataray at iwas sa lahat, pwes nagkakamali kayo. Isa siyang babaeng may ibang kakayahan na wala ang isang normal na tao...