Kabanata 17
Paghihiganti
***
Hindi na naging normal ang araw na iyon para kay Dia habang ang ibang mag-aaral naman ay patuloy sa pagchichismisan. Si Dia ay tahimik lamang na nakaupo sa kanyang upuan at nakatitig sa kanyang lamesa. Kanina ay nilalapitan siya nina Liza at Rhian ngunit tila wala siya sa wisyo upang kausapin ang mga ito. Tila ba lumilipad ang kanyang kaluluwa.
"Dia," tawag sa kanya ng isang nilalang. Tumingala siya at bumungad sa kanya ang mukha ni Dentrix. Huminga ng malalim si Dia at muling yumuko. Pabagsak namang umupo si Dentrix sa upuang nasa tabi ng dalaga.
"Pwede mong sabihin sa akin ang mga bumabagabag sa 'yo," sambit ng binata saka pumangalumbaba.
Napalingon si Dia rito at mabilis ding binalik ang tingin sa lamesa ng kanyang upuan.
"Alam kong may nadiskubre ka dahil pinapanood kita nitong mga nakaraang araw at sa tingin ko ay may nakikita kang hindi maganda, tama ba?" dagdag ng binata saka tinaas baba ang kilay.
Napapikit si Dia saka hinilamos ang palad sa kanyang mukha.
"Nakikita ko siya, Dentrix," nahihirapan niyang sambit. Tila matagal na niya itong tinatago sa kanyang sarili. Pinagmasdan lang siya ng binata at hinintay na muling magsalita.
"Nagpapakita si Lena sa akin, Dentrix at hindi ko maintindihan ang gusto niyang iparating," dagdag ni Dia.
Napakunot ang noo si Dentrix dahil doon.
"Saan mo siya nakikita?" tanong nito.
"Sa banyo, noong sinapian si Pat at kanina no'ng... nakabigti pa si Pat," halos pabulong niyang sagot.
"At hindi ko alam... hindi ko alam kung anong gusto niyang iparating. Basta ang alam ko lang, nanghihingi siya ng tulong at hindi ko alam kung anong koneksyon niya kina Yana," dagdag niya.
Sasagot na sana si Dentrix ngunit naagaw ni Yana ang atensyon nila kaya napalingon sila rito.
"Anong nangyayari sa inyo?" sigaw ng dalaga sa dalawa niyang kaibigan.
"Yana, paano kung tayo naman ang isunod ni Lena?" umiiyak na sambit ng isang kaibigan ni Yana sabay inom ng tubig nito.
"Anong isunod, Shane?" nagtatakang tanong ni Yana.
"Hindi ba sinapian niya si Pat tapos pinatay niya rin 'to gaya ng pagkamatay niya!" ang isang kaibigan naman ni Yana ang sumagot.
"Stop it, Jes!" naiiritang sambit ni Yana.
Umirap ang dalawang kaibigan nito at uminom na lamang ng tubig habang si Yana humalukipkip lamang at umupo. Nakatingin lamang si Dia sa mga ito, ramdam na niya ang pagliwanag ng kanyang marka. Nakita niya si Lena sa likod ni Yana at nakatingin sa dalawang kaibigan nito. Nanlaki ang mga mata niya at biglang napatayo, pipigilan pa sana ni Dia ang balak gawin ni Lena ngunit huli na siya. Sinapian na nito si Jes at nagsimula nang mawala ang dalaga sa sarili nito. Napasigaw ang mga estudyante at lumabas upang humingi ng tulong.
***
Dumating ang isang pari saka binasbasan at dinasalan si Jes. Tumigil na sa pagwawala ang dalaga at kumalma na. Dumating din si Ms. Mayla at inayos ang klase nina Dia.
"Lumipat muna ang lahat sa gym," utos ng guro.
Sumunod ang lahat maliban kay Dia. Nakatitig lang siya kay Jes na nakahiga at kay Lena na nakatingin dito. Nagliliwanag na ang kanyang marka ngunit wala na siyang pakialam. Lumapit sa kanya si Ms. Mayla at naramdaman niya ang mas lalo pagliwanag nito kaya bigla siyang napalingon sa guro habang nakakunot ang noo.
"Sa gym na muna kayo, Dia," pag-uulit ng guro. Napasulyap ito sa pulso ni Dia kung nasaan ang kanyang marka ngunit agad ding nag-iwas ng tingin. Nanliit ang mga mata ni Dia dahil doon. Naputol lang ang pagtingin ni Dia rito nang may dumating, ang albularyong si Mang Ernie na siyang tumulong kay Jana nang sapian ito.
Napalingon ang guro rito maging si Dia ngunit mas natuon ang pansin ng dalaga sa tingin na ibinigay ng albularyo kay Ms. Mayla. May kung anong pagkagulat sa mga mata nito na hindi alam ni Dia kung anong dahilan hanggang sa nalipat ang tingin ng albularyo sa pulso ni Dia na agad namang tinago ng dalaga saka yumuko at umalis na.
Imbis na magtungo sa gym ay nagtungo na lang muna si Dia sa banyo, umaasang baka magpakita si Lena sa kanya at kapag muling nangyari 'yon ay kakausapin na niya ito ngunit iba ang nadatnan niya, si Yana muling umiiyak sa banyo.
"Masaya ka ba sa nangyayari sa amin, Lena?" umiiyak na wika ni Yana.
Nagtaka si Dia sa kanyang narinig. Nagtago siya at pinakinggan lamang si Yana.
"Naghihiganti ka ba, Lena dahil sa ginawa namin?" sigaw ng dalaga.
Napakunot-noo si Dia dahil doon. Anong paghihiganti ang sinasabi nito? May ginawa nga ba talagang masama sina Yana upang maghiganti sa kanila ang dalaga?
"Hirap na hirap na kami, Lena. Tama na!" pagmamakaawa nito.
Papasok na sana si Dia sa banyo upang kausapin si Yana ngunit may tumawag sa kanya kaya nilingon niya ito. Nang makilala kung sino ito, napataas ang kanyang kilay.
"Mang Ernie?" tawag niya rito.
"Ikaw ang batang may marka, hindi ba?" tanong ng matanda sa kanya.
Nanliit naman ang mga mata ni Dia dahil doon. Hanggang ngayon ba ay ang marka niya pa rin ang pinupuntirya ng ginoong ito.
"Hindi ko po alam ang sinasabi niyo," ani Dia saka muling tinago ang dalawa niyang kamay sa kanyang likuran.
"Kitang-kita ko ang pagliwanag no'n kanina, binibini. May kakaibang marka ka sa iyong pulso at nagliliwanag ito sa t'wing may kakaibang presensya ng nilalang ang napapalapit sa iyo," sambit ng matanda.
Umiling si Dia.
"Wala po talaga akong marka, Mang Ernie. Maiwan ko na po kayo," ani Dia saka iniwan ito.
Napahawak siya sa kanyang pulso, may bahid ng pag-aalala. Hindi niya alam kung anong klaseng nilalang ba ang matanda at paanong nakikita nito ang kanyang marka. Idagdag mo pa si Ms. Mayla na sa tingin ni Dia ay nakita rin nito ang kanyang marka. Isa pa rin talagang misteryo para sa kanya ang katauhan ng guro.
Nagtungo na si Dia sa gym ngunit isang kaguluhan ang bumungad sa kanya. Namataan niya si Jerald kaya nilapitan niya ito.
"Anong nangyayari, Jerald?" nilingon siya ng binata na ngayon ay tila natatakot na sa nagaganap.
"Si Shane, sinasapian!"
Nanlaki ang mga mata ni Dia dahil doon. Tama nga ba ang kanyang iniisip? Tama nga ba ang narinig niyang sinabi ni Yana sa banyo?
"Ito na nga ba ang paghihiganti mo, Lena? Kung oo, bakit?" bulong ni Dia habang tinatanaw ang nagwawalang si Shane.
BINABASA MO ANG
Adrasteia
ParanormalBook 1 Adrasteia Laxamana o mas kilala sa palayaw niyang Dia, kung sa tingin niyong isa lamang siyang pangkaraniwang babae na napakataray at iwas sa lahat, pwes nagkakamali kayo. Isa siyang babaeng may ibang kakayahan na wala ang isang normal na tao...