Epilogo
"Salamat, Kuya Rome sa pagtulong sa akin na makapasok sa university ah," nakangiting sambit ni Dia sa kanyang pinsan.
Umiling naman ito at nginitian naman siya.
"Nako naman, Dia. Kahit hindi kita tulungan, makakapasok ka talaga! Na-perfect mo ba naman ang entrance exam e," pang-aasar nito kay Dia dahilan upang samaan siya nito ng tingin ngunit pabiro lamang.
"O siya, matulog ka na. First day mo na bukas," paalam nito sa kanya. Tumango si Dia at hinatid na palabas ng kanilang dormitoryo ang kanyang pinsan.
"Tita Cecille, ikaw na bahala rito sa pinsan ko ah. Thank you!" ani Rome sa ginang na siyang may-ari ng dormitoryo saka sumakay na sa sasakyan nito at umalis.
Nagtungo na sa loob ng kanyang kwarto si Dia at muling inayos ang iba pa niyang mga gamit. Halos dalawang buwan din siyang tumira sa bahay ng kanyang pinsan at nagagalak siyang tinanggap siya roon nang buong puso. Ito lamang ang unang beses na makasalamuha niya ang iba niyang kamag-anak bukod sa kanyang mga magulang at lola.
Nagpasya nang matulog si Dia upang mag-ipon ng lakas dahil bukas magsisimula na ang panibagong yugto ng kanyang buhay. Ngunit sa halip na matulog, inulan siya ng mga alaala mula sa Amissa, ang kanilang bayan. Maraming nangyari sa kanya roon na siyang hindi niya kailanman makakalimutan at kahit na may mga mapapait na alaala, sigurado siyang babalik na babalik pa rin siya roon kapag siya'y nagkaoras. Hanggang sa pumasok na rin sa kanyang isipan si Dentrix.
Matapos ang kanilang graduation, hindi na niya nilapitan pa ito at kinausap man lang upang makapagpaalam. Hindi siya galit dito, sadyang inis lang siya sa sarili niya. Nahihiya siya kay Dentrix dahilan kaya hindi niya ito maharap-harap. Hindi niya alam kung ano bang sasabihin niya rito at kung hihingi ba siya ng tawad. Bago ang ganitong pakiramdam kay Dia kaya hindi niya alam ang kanyang gagawin sapagkat ito lamang ang unang beses na siya'y mapalapit sa ibang tao bukod kina Aling Aura.
Sa gitna ng kanyang pag-iisip sa mga bagay-bagay, sa wakas ay dinalaw na rin siya ng antok at sa muling pagmulat ng kanyang mga mata, umaga na. Ito na ang umpisa ng panibagong yugto at sa loob ng labing pitong taon niyang pagkabuhay sa mundo, ngayon lamang siya nakaramdam ng kaba sapagkat ngayon na lamang siya ulit makasasalamuha ng ibang tao at kinakabahan siya sapagkat mukhang hindi lang mga tao ang kanyang makasasalamuha dahil do'n, napahawak tuloy siya sa kanyang pulso kung nasaan ang kanyang marka.
Malaki ang unibersidad na pinasukan ni Dia ngunit naging madali na lamang sa kanya na hanapin ang kanilang silid sapagkat naipasyal na siya rito ng kanyang pinsan. Halatang may edad na ang unibersidad base sa disenyo nito. Isinisigaw nito ang panahon ng Kastila dahil sa mga salitang nakaukit doon na nasa salitang Kastila at dahil na rin sa mga larawang nakapaskil na siyang mga sinaunang namahala sa unibersidad gaya ng mga madre at sundalo. Tila bahagi na ng kasaysayan ng Pilipinas ang unibersidad. Gawa sa ito sa bato at bakas na ang kalumaan sa mga ito ngunit kahit na gayon, napakaganda pa rin nitong tignan. Tila bumabalik ka sa nakaraan sa t'wing ito'y iyong pagmamasdan ngunit sa kabila no'n, may kilabot ka ring mararamdaman dahil sa kalumaan nito.
Walang pakialam si Dia sa mga tao sa kanyang paligid at gano'n din naman ang mga ito sa kanya. Tila ang lahat ay may kanya-kanyang mga mundo at magkakakilala na. Ang sapantaha niya'y baka nanggaling sa parehong paaralan ang mga ito o kaya naman ay dito na talaga nag-aral ang mga ito noon pa man. Alinman do'n ang tama, wala na siyang pakialam pa. Ang nasa isip niya lang ay magkaroon ng normal na buhay rito – iyon ay kung magkakaroon nga.
Nagtungo na agad si Dia sa kanyang klase. Marami nang mga estudyante roon na magkakakilala na agad kaya naman minabuti niyang maupo na lamang sa pinakagilid. Hangga't maaari, ayaw niyang makipag-usap sa kahit na sino. Narinig niya mula sa kanyang likuran na hindi darating ang kanilang propesor dahil unang araw ng klase kaya naman tumayo na ang iba at umalis habang si Dia ay kinuha na lamang ang kanyang libro at nagbasa, hindi na pinansin ang mga mag-aaral na unti-unting nauubos.
BINABASA MO ANG
Adrasteia
ParanormalBook 1 Adrasteia Laxamana o mas kilala sa palayaw niyang Dia, kung sa tingin niyong isa lamang siyang pangkaraniwang babae na napakataray at iwas sa lahat, pwes nagkakamali kayo. Isa siyang babaeng may ibang kakayahan na wala ang isang normal na tao...