Malamig ang simoy ng hanging dulot ng kakatigil lang na ulan. May panibago na namang bagyong darating.
Wala akong ganang pumunta sa sakayan ng tricycle upang umuwi. Maaga natapos ang klase pero dahil sa may meeting, inabot ako ng isa pang oras sa eskwelahan.
Mahaba ang pila. Wala na namang tricycle. Labasan na rin kasi ng mga studyante sa elementarya kaya't paniguradong mahirap makahanap ng masasakyan.
Nang umusad ang pila at ako na ang susunod na sasakay, may isang guro ang lumapit. May kasama siyang dalawang batang lalaki na galing rin sa klase. Marahil ay mga anak niya.
"Kuya, ayos lang ba na sumakay na rin kami?" Tanong niya sa driver. Tumango lang ang driver bilang sagot at sumakay na sila.
Dahil sa may nakasakay na sa loob, napili kong umupo sa back ride. Naupo na rin ang dalawang bata sa loob at ang guro ay umupo sa tabi ko. Mukhang nagmamadali na talaga silang makauwi.
Namayani ang katahimikan ng umandar na ang tricycle. Siguro'y dahil sa panahon kaya ang mga tao ay tahimik. Nakakaantok ang dulot ng ihip ng hangin.
"Neng, pwede bang pakisilip ang mga bata doon sa loob?" Tanong sa akin ng guro. Doon ko nakita ng malapitan ang kanyang mukha. Mukhang nasa 40 na ang edad nito dahil sa puti nitong buhok na hindi na maitago at ang mga linya sa kanyang mukha. Gayunpaman, may matamis na ngiti pa rin sa kanyang labi habang binigkas ang pakiusap.
Sumilip ako sa loob ng tricycle at nakita ang dalawang batang tahimik na nakaupo.
"Okay naman po sila. Tahimik nga po eh," sabi ko.
"Buti naman pala. Nagbugbugan kasi ang dalawang iyan sa klase kanina," pag-uumpisa niya ng usapan. "Kakausapin ko ang magulang ng mga iyan."
Doon ako napaisip. Hindi pala siya ang magulang ng dalawang bata. Pero bakit kaya siya ang naghahatid pauwi sa bahay ng mga ito? Hindi kaya alam ng mga magulang nila? O ang dalawang batang ito ang umuuwi mag-isa mula sa eskwelahan?
"Kuya, dito po sa subdivision na ito," sabi niya sa driver na agad namang sumunod. "Hijo, ituro niyo saan ang bahay niyo."
"Diretso lang po," sagot ng isang bata na mas matangkad kaysa sa isa. Ang bata ang nagsabi ng direksyon habang nilalandas ng driver ang daan. Dahil sa may kalakihan ang subdivision, madami ring pasikot-sikot ang dinaanan namin.
"Gagabihin na ako nito. Sa Dasma pa ako eh," sabi ng guro.
"Ang layo nga po," sagot ko na pilit na tinatago ang pagkamangha. Malayo ang nilalalakbay nito upang makapasok sa trabaho.
"Ang layo pala ng bahay nila," banggit ng guro na kaagad kong sinang-ayunan. Nilalakad kaya ng mga bata ang mahaba at pasikot-sikot na daan kapag walang masakyan? Sa kabila kaya ng payat nilang pangangatawan ay nakakayanan nila itong lakbayin araw-araw?
"Dito na lang po," sabi ng bata ng makarating kami sa kanilang tahanan. Mula dito sa labas ay mapapansin ang katahimikan mula sa loob. Tanging ang ilaw lang mula sa sala ang nakabukas. Pumasok agad ang dalawang bata sa loob at walang sumalubong sa kanila.
"Kuya, magkano po?" Tanong ng guro sa driver.
"30 po," Kaagad na kumuha ito sa pitaka. Ang natitira nitong barya ang ibinayad. Gusto kong sabihin sa driver na ang laki ng singil niya pero sumusunod lang din naman siya sa tamang pagbayad. At parte rin ito ng trabaho niya.
Umalis rin kaagad ang sinasakyan namin at sa huling pagkakataon, sumilip ako sa tahanang iyon. Nakasulyap din ang guro na may ngiti sa labi.
Nang mga sandaling iyon, nakalimutan ko ang pagod na kanina pa nadarama. Nakalimutan ko ang mga dapat kong tapusin na takdang-aralin. At naalala kong may mga guro pang katulad nila.
Hindi ko alam kung anong mangyayari sa kanilang pag-uusap. Pero iisa lang ang nasisiguro ko, maswerte ang mga studyanteng inaalala ng kanilang guro.
Tama nga siguro ang sinabi nilang ang mga guro ang pangalawa nating magulang. Dahil sila ang naandyan upang gabayan tayo kapag wala sa ating tabi ang mga magulang.
Kaya para sa kanya ang kwentong ito. Sayang at hindi ko nalaman ang kanyag pangalan. At hindi man niya mabasa ito, natutuwa pa rin akong ibinahagi ko ang kanyang kabutihan.
Salamat po sa inyo at umuwi akong may ngiti na sa labi.
BINABASA MO ANG
Kwento? Meron Ako!
RandomA mushroom's compilation of short stories and one-shots. ٩(^ᴗ^)۶ Just my random thoughts. ☆ヘ(^_^ヘ)