Latay ng Nakaraan

60 7 0
                                    

Pinagawa kasi kami ng dagli ng teacher namin sa Filipino. Haha! Bigla ko naisip ito. Naisip ko lang din ilagay dito. XD

------------------

Mabagal ang takbo ng oras. Nakakainip maghintay. Kasabay ng paglipas nito ay ang mga alaala na sariwa pa rin, mahirap burahin sa isipan. Taliwas sa binibilang kong panahon.

Tandang-tanda ko pa kung paano ihampas sa kanyang maliit na katawan ang sinturon ng sariling ama. Kung paano lumapat sa manipis nitong balat ang sinindihan niyang sigarilyo. Ang bawat pagsigaw, pagpapahirap at hindi pagpapakain sa kanya. Kapag ito'y umuuwing lasing, siya ang unang nakikita at napagbubuntungan ng galit.

Hampas. Bugbog. Sampal.

Paulit-ulit. Paulit-ulit na sakit.

Sapilitan itong nagtrabaho upang magkaroon ng pera at makakain. Nangangalakal, nagkokonduktor at nagbubuhat ng balde ng tubig kapalit ng kakaunting barya. Mapunan lang ang kumakalam na tiyan. Hindi alintana ang pagiging musmos. Hindi rin ito makapasok sa paaralan, ang pangarap niyang makapag-aral.

Tandang-tanda ko ang bawat latay sa kanyang katawan kasabay ng kanyang paghikbi. Ang maitim na bilog na nakapaligid sa kanyang mata kasama ang bawat pag-agos ng luha. At ang bawat sugat na nagpapaalala sa malupit na ama. Tandang-tanda ko. Kitang-kita ko ang lahat.

"Kinuha ni Tita Lena si Aki at dinala sa ospital. Itatago niya yata ang bunso"

Sumikip ang aking dibdib sa narinig. Namayani ang katahimikan.

"Ganun ba..."

Katahimikan.

Tanging ang kanyang mabigat na paghinga at ang mga yabag ng mga tao sa paligid ang maririnig.

"Kailan ka babalik?"

Napatingin ako sa aking braso na puno ng mga sugat na pilit na tinatago sa mahabang suot. Pinigilan ko ang pagluha.

"Malapit na..."

Katahimikan.

"Hirap na hirap na kami, Ma. Umuwi ka na dito sa Pilipinas"

At ang kanyang paghikbi ang huli kong narinig mula sa aking telepono.

Kwento? Meron Ako!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon