29

22 5 4
                                    

Part 2 po ng 12:

*****

12:29

Kung pwede lang itigil ang oras.....

~~~~~~~~~~

Tatlong taon na ang nakakalipas...

Pero iisang tao pa rin ang gusto kong marinig ang boses. Iisang tao pa rin ang ninanais kong makita ang mga ngiti. Iisang tao ang hinahanap-hanap.

IKAW.

Ikaw pa rin ang lagi kong iniisip. Lagi kitang hinihintay araw-araw. Nagbabakasakaling bumalik ka na. Na bibiruin mo ulit ako, aasarin o kukulitin.

Tatlong taon. Tatlong taon na akong malungkot sa biglaan mong pag-alis. Hindi ko magawang magalit sa iyo dahil alam kong may sarili kang dahilan. Pero hindi ko rin magawang alisin sa sarili ko na umasa. Umasang babalik ka.

Gusto kong magalit sa sarili ko dahil sa ginagawa ko. Minsan, pumupunta ako sa bahay niyo na tinanong ko noon kay Kristan. Kapag wala ka doon, pupunta naman ako sa tambayan ng barkada niyo. O kaya sa cafeteria kung saan tayo laging nag-uusap. Baka kapag bumalik ka, doon ka unang pupunta.

Araw-araw akong umaasa. Paulit-ulit. Pabalik-balik ang sakit.

Kung tutuusin, kasalan ko rin. Sinasaktan ko ang sarili ko sa paghihintay sa isang taong walang kasiguraduhan ang pagbalik.

Pero mas masakit kung lolokohin ko ang sarili ko. Dahil hanggang ngayon, mahal pa rin kita.

Paano ba kita kakalimutan?

Kung sa bawat araw na lumipas, hinahanap ko sa pandinig ko ang jokes mo. Kung sa bawat oras na lumipas, gusto ko makita ang mga pilyo mong ngiti. Kung sa bawat minuto, ang pagtawa mo ang inaasam ko.

Pero walang isang bakas mo ang makita.

"Wala ka pa rin," sabi ko habang nakasulyap sa bahay mo.

Kung alam ko lang na magkakagusto ako sa iyo, itinigil ko na. Lumayo dapat ako.

Pero hindi rin ako sasang-ayon sa sinabi ko. Dahil kung lumayo ako sa iyo noon, hindi ko mararanasang maging masaya. Magkaroon ng kasama at tumawa na parang nakakalimutan ko lahat ng problema.

Dahil sa iyo, natutunan kong maging matatag at masaya sa kabila ng lahat. Tulad ng sitwasyon mo ngayon.

Pero siguro nasasanay ka na rin diyan sa States. Nagkakaroon ka na rin ng mga bagong kaibigan na hindi na mahirap para sa iyo. Sa kadaldalan mo pa lang at mga kalokohan, madami ka na siguro nakasundo.

Marahil may nagugustuhan ka na rin. Madaming magaganda't mapuputing babae at sa gwapo mong iyan, hindi ka mahihirapang manligaw. Masaya ka na ngayon.

"Iba na ang tumatambay dito," sabi ko habang sinusulyapan naman ang tambayan niyo. Ibang mga tao na ang makikita. Mga studyanteng katulad din natin noon.

Naisip ko, ibang-iba ka na rin ngayon.

Hindi ka na sanay sa mainit na lugar. O kaya gumaling ka na sa pagsasalita ng ingles. Lahat ng iniisip ko, nagpapatunay na lalo kitang gustong makita. Nananabik akong sabihin lahat sa iyo.

Kung gaano kita minahal...

Kung paano kita minamahal...

At kung bakit kita patuloy na mamahalin...

Biglang bumuhos ang malakas na ulan at sumilong ako agad. Nakalimutan ko ang payong ko. Parang nais namang sumabay ng ulan sa nararamdaman ko ngayon.

Ang bawat pagpatak ng ulan ay ang nais pumalit sa mga luha ko. Nangako ako noon na hindi na ako iiyak dahil sa iyo. Dahil ginusto ko ito. Gusto kong hinatayin ka. Gugustuhin kong makita ka ulit.

Kahit gaano kasakit.

Hindi ko napansin na nandito pala ako sa tapat ng cafeteria sumisilong. Walang itong pinagbago. Maliban na lang sa bago nitong pintura at mas naging maliwanag ang loob. Dito kita nakita at nakilala. At dito rin kita nakakasama at nakakapagkwentuhan. Dito mo naagaw ang atensyon ko sa mga corny at luma mong jokes na tinatawanan ko naman.

Sana isa rin ito sa mga biro mo. Ayos lang na sabihin mong joke mo ang lahat at nagpapamiss ka lang. Kahit hindi nakakatawa basta marinig ko lang ulit ang boses mo, ang pagtawa mo.

Parang gusto ko ng bawiin ang pangako ko. Gusto ko ng umiyak lalo na't lumalakas ang ulan. Mabigat ang bawat pagpatak tulad ng bigat ng kalooban ko. Gusto kong sumabay ang mga luha ko at paagusin ang lahat ng nararamdaman. Lahat-lahat.

Grey, babalik ka.... di ba?

"Miss, anong oras na?"

Tumigil ako sandali at pinunasan ang mga luha ko. Tinignan ko ang orasan ko bago sumagot sa nagtanong.

"12:29 na."

Mahina kong sagot para hindi mapansin ang aking kalungkutan. Hindi ko magawang humarap dahil alam kong namumula ang mga mata ko sa pag-iyak. Sana ay hindi mapansin.

"Ah, salamat... May naghihintay kasi sa kin. Baka naiinip na nga yun. Ayoko pa namang pinaghihintay ang taong iyon. Mahal kita, e."

Noong oras na iyon, parang tumigil lahat. Tumigil ang mga luha ko sa pagtulo at tumigil ang puso ko sa bigat ng nararamdaman. Humarap agad ako sa lalaking nagsasalita at nagtagpo ang mga mata natin. Ikaw ang tumambad sa harap ko.

Nakangiti ka habang nakatingin ang mga malalalim mong mata sa akin. Ang mga pilyo mong ngiti na hinahanap ko noon. Nasisilayan ko na ngayon.

"Nadulas ata ako. Sasabihin ko dapat yun kapag umiyak ka na ng makita mo ako. Tamang timing pa naman yung panahon, pang-senti. Hahaha!"

Ang pagtawa mo. Ang pagbibiro mo. At ang mga kalokohan mo. Walang pinagbago. Tulad ng nararamdaman ko sa iyo.

Hindi na magbabago.

"Ikaw? May hinihintay ka pa ba?"

Nandito ka na.... Grey.

"Wala na. Nandito na siya... sa harapan ko."

Kwento? Meron Ako!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon